Tuesday, 31 July 2012

HUWAG NA LANG KAYA?

Isang malamig na Linggo ng hapon, habang umuulan sa labas ng bahay at sa kape’t footlong na may hot sauce nagbabakasakaling mainitan ang aking sikmura. Narinig ko ang isang kanta ng bandang True Faith na sumapul sa akin. 

Umaakma ata sa sitwasyon ko na napakakumplikado. Itutuloy ko ba ang pagsuyo o hindi? Hindi kayang sagutin ng sinuman ang nasabing suliranin. Kahit humingi pa ko ng tulong sa mga tulad ni Papa Jack. Hindi ko na lang mapiligilan ngunit ikanta ang lahat, pero ayos ana kung nakikinig siya e no? 

Halos nakamove on na kasi ako, hanggang sa biglang nagparamadam ang ale. Tila sinasambit na “wag ka namng mawawala.” Babalikan ko ba ang nakalipas at pormahan siya ulit na parang bago lang kami magkakilala ulit. 


Pero sa kabilang banda, naduduwag na ako na masilayan siya ulit. Parang sa sobra ng kapal ng mukha ko noon, nabahag na ang buntot ko ngayon. Parang pulis na ang lakas mag-angas na mang-abuso, pero natitiklo naman pag tinawagan on-air ni Raffy Tulfo. Sa pag-ibig nga lang yata ako naging mahina. 

Katorpehan ba ang usapan? Siguro, ewan. Ang gulo lang tulad ng takbo ng utak at nararamdaman ko habang isnusulat ko ang piyesang ito. 

Hihingi nga ba ng payo? Parang wag na lang din. Hindi naman kasi garantiya ang mga yan ay nasusunod e. kaya siguro nauso ang mga kasabihang “Kahit ang mga matatalinong tao ay nagiging tanga pagdating sa pag-ibig.” Teka, hindi ba dapat parehong utak at puso ang gumagana pagdating sa pag-ibig? Ang problema kasi mas nararamdaman ng puso ang emosyong dala ng pagmamahal kesa sa mapag-isipan ito e. 

Pero hahayaan ko na lang ba ang lahat, talikuran ang mga ito? “Wag na lang kaya?” Hmmm… Madaling magsalita, as in madali ring manghusga. Yun nga lang. Pag kumplikadong tulad ko at ng sitwasyon ko ang problema, tiyak kailangan pa ata ng mga tila pamatay-adiksyon na lunas. 

Basta. Astig talaga ang musika ng Pinoy noong ‘90s. Yun na lang ang masasabi ko. (Sabay sumisipol to the tune of “Huwag na lang kaya.”) 


Date: 07/22/2012 
Time: 03:43 p.m. 
Author: slickmaster

© 2012 september twenty-eight productions

Ang pag-alala kay Friendster.

Bago nauso ang Facebook, may mga social networking sites pa patok na patok nun sa mga internet users. Andyan ang MySpcae, pati na rin ang Multiply, at iba pa; pero ang pinakanumero unong ginagamit ng tao ng mas madalas lalo na dito sa Pilipinas ay ang Friendster.

Halos 1 buong dekada namayagpag sa world wide web ang Friendster bilang isang social networking site. Isa sa mga malalaking porsyento ng mga taong tumatangkilik nito ay ang Pilipino. Hmmm… bakit kanyo? Ewan ko, basta mahilig ang karamihan sa atin na makipagkaibigan e.



Mula sa tipikal at standardized na profile, naging personal-customized ito noong gumawa ng mga bagong palataporma ang nasabing social networking site. Parang office-form na template nga ata dati ang istura e (para sa akin ha?). Pati ang mga pangalan, pwedeng ma-i-type ayon sa kagustuhan ng gusto mo, basta tamang letra ang gamit.

Dati, profile picture lang ang mga nilalaman ng isang photo album dun. Sabay nagkaroon ng photo album. Teka, parang alam ko, pwede naman magkaroon ng maraming album dun e. Pero sa kaso ko kasi e literal na mapapagkamalan talaga ako na isang banidosong tao dahil sa panay litrato ko lang ang nilalagay ko sa fs ko. Yung iba? Nakastuck sa PC at Multiply account ko. Pakialam ko ba sa kanila? ‘de, sa takot ko na rin na manakaw ang mga litratong kuha ko mismo. Nagsisimula rin kasi ako mag ekspermento sa photography nun e at sa advent ng internet, madali ngang mag-upload, madali ring magdownload at ipagyabang na kuha nila ang dapat ay pagmamay-ari mo mismo.

Ang mga tag sa Facebook? Parang photo grab lang ng Friendster ‘yan.

Status, tweet, o kahit plurk? Hmmm…. Parang halintulad lang sa shoutout ah. Mas malala, este, maingay ba? Bulletin board message.

Ang testimonial o comment? Laging dinedemand ng mga tao yan. Ako nga lang ang makapal ang mukha na hindi humihingi niyan e, dahil hindi rin ako nagbibigay ng mga ganun. LOL! Teka, mahahalintulad ba ito sa mga wall post ng Facebook? Buti naman walang nagdedemand ng “uy, magpost ka naman sa wall ko” pero mas ok na iyun kesa naman i-PM ka na “tol, pa-like naman ng status ko. Salamat!” Parang kelan lang, sikat na litanya ng tao ang “uy, penge namang testi dyan oh.”

Oo nga pala, nagkaroon din pala ng fan page ang Friendster no? Pati ang mga Friendster blogs. Masternestor pa ang username ko dun e. At bago naging social gaming site iyan noong 2011, literal, may games talaga ang Friendster nun. Kailangang makasabay sa alon ni pareng Facebook ang mga katulad nila e.

Naungusan nga ng Facebook ang Friendster noong 2009 pagdating sa numero at impact sa karamihan ng mga taong gumagamit. Mas madali kasi makipag-interact at mag-promote sa fb kaysa sa fs. Sabagay, sa panahon na nagsimula ulit ako na mag-blog noong taong din na iyun ay halos hirap ako gumawa ng paraan para i-plug ang mga akda ko sa blogspot. Kaya last resort ko ay ang i-repost ang mga to sa Friendster blogs at blog section ng Multiply account ko.

Sa sobrang pakikiuso ng karamihan noon sa Facebook, tila isinusumpa nila ang Friendster dahil sa lamang na lamang na talaga ang Facebook kung ikukumpara sa mga features nito. Aba, parang hindi dumating ang panahon na hanggang patilya ang ngit ng mga ‘to nung una silang nagkaroon ng Friendster account ah. At hindi makikilala ang mga Pilipino bilang social networking capital of the world kung hindi dahil sa pioneer na social networking site na ito, ‘no?

Tingin ko mas naging mainstream ang Facebook dahil sa iba’t ibang mga kumpanya, particular na mga taga-media na gumamit nito para sa kani-kanilang mga palataporma. Bihira kasi ang pagkakataon na i-promote ng mga tao dun ang Friendster account. Sabagay, kung 500 nga naman ang limit ng friends mo dun, what can you expect? I mean, ilang account ang kaya mong gawin tulad ng RX 93.1 nun? Naalala ko kasi na ilang account nila ang naging parte ng social network ko dun e.

Noong naglaon, hindi ko na alam kung ano ang bagong limit nila e. 10k ba o 5k o… ewan. Basta ako, kuntento sa 1172 na mga tropa ko dun.

Pero sayang lang din at hindi ko naretrieve ang mga info ko dun noong nagreformat sila. Masaydong nahaselan ang PC ko para idownload ang mga yun e. Pero ayos lang, ang ilang mga kaibigan ko dun, naging kaibigan ko pa rin sa Facebook e. At halos 3 ½ taon ko na ring ginagamit ang fb ko mapahanggang ngayon.

Malamang ang boring ng buhay ngayon kung wala ang mga katulad ng Friendster at isama mo na rin diyan ang Yahoo! Messenger. Dyan rin kasi ako naglalagi noon e. At matagal bago makilala ang Pinoy bilang mga top social networkers dahil ang tagal bago umusbong ang ibang mga sites. Pero ibang istorya na iyun, at sa malamang iba ang takbo ng buhay din nun.

Salamat sa 8 taong pinagsamahan, aking 3 Friendster account. Don’t worry, tuloy pa rin ang aking buhay sa social networking side. Hindi ko makakalimutan ang mga panahon na ating pinagsamahan. Hanggang sa muling pagkikita.

Author: slickmaster
Date: 08/01/2012
Time: 12:28 P.M.
© 2012 september twenty-eight productions.

Sunday, 29 July 2012

WATERPROOF!



Aminado ako na noong bata ako, isa ako sa mga taong tuwang-tuwa kapag walang pasok. Pero hindi nga lang din sa lahat ng pagkakataon. May mga panahon din kasi nun na kung kelan nagsuspend ng klase ang DECS (Yun pa ang pangalan nila bago maging DepEd e) saka naman tila umaayos ang panahon. Nakakahilo lang na parang, ano ba talaga ate o kuya? Minsan natatanga na lang ako sa gilid at napapaisip nun na “Naku. Baka may pasok na ha? Dinaya lang ako ng TV.”

Pero siyempre, mali ako dun.

Hindi naman ako masipag na estudyante, pero kataka-taka lang na mas trip ko pang pumasok sa klase nun. Kahit sa totoo lang, mas enjoyable pa ang elementary [ara sa akin kung ikukumpara ko sa buhay ko noong high school. Ewan.

College time na para sa akin nun. Hindi ko sukat akalain na sa kabila ng masamang lagay nun ng panahon e kailanagn ko pumunta sa eskwelahan at mag-aral, kahit mag-aral kuno lang yan. Hehehe!

Unang taon at unang beses kong lumayas papunta sa aking pinapasukan sa Mendiola habang malakas ang buhos ng ulan, ba, hindi pa ko nakakalayo ha? Bastos lang ang isang sasakyang dumaan malapit sa aming kanto. Sa sobrang pagmamadali ng mokong nagmamaneho, nabasa niya ako kahit nasa sidewalk ako naglalakad nun. ” P****!” Ang napasigaw ng bunganga ko. Pwede nga lang susunggaban ko ang loko nun e, kaya lang mas inuna ko na lang ang umuwi at magpalit ng uniprome. Bwisit!

At mas nakakaasar nun? Susuungin mo ang baha sa ilang mga kalye sa Maynila, makarating lang. At sa malamang sa mga tropa kong Tomasino at iba pa, nagtitiis na makasakay ng sasakyan, wag lang malusong sa baha sa kalye ng EspaƱa. O yung iba, mga papuntang intramuros? Taft? O kahit saan pa yan sa U-Belt. Isama mo na rin dyan ang iba’t ibang mga pamantasan sa kalakhang Maynila.

Pero kung dyan nababadtrip ka, what more pa kaya kung biglang nasuspinde ang klase mo habang nasa byahe ka? Well, suwerte ka pa kahit papano, maliban na lang kung walking distance ka na lang saka mo nalaman yun. Pero paano kung nasa eskwelahan ka na at dun lang inanunsyo ang pagsuspinde ng klase? Ba, sayang baon yun para sa akin! Kung pinangkain ko na lang sana o naglaro ako ng paboritong online game ko na Freestyle o makipagbahaan ng mga kumento sa nauusong Friendster nun, baka ayos pa ang araw ko. Pero hindi e.

Minsan nga, masuspindi ang klase ko nun by 12 noon, literal half-day talaga sa gitna ng isang rainy day. Nakaka-asar ba? Hindi naman sa lahat ng oras. Siguro, kapag natiyempuhan na nasiraan pa ako ng payong sa daan at kailangang magpatila ng ulan sa istasyon ng LRT Katipunan sa loob ng ilang oras. Hindi ka rin makapng-tsiks nun. Ba, nasiraan na nga ko ng payon ano pa maio-offer ko? Cellphone number? E pano kung may kasama pang boylet? PFT. Pero anyway.

Naging madalas na to sa buhay ng halos kada estudyante sa kolehiyo. At yang salita na ’yan? (Oo. Yang “waterproof” nga na yan?) The best word para i-describe ang sinuman na pumapasok sa ganyang estado ng panahon. Yung mga nasa-opisina kasi e talagang kailangan din e. As in no choice din tulad ng college students.

Ilang bagyo na ang pinasukan ko sa buong 4 na taong pamamalagi ko sa pamanatasang pinag-aralan ko noong nasa kolehiyo pa ako, kasama na dyan ang ever-destrcutive na “Ondoy” noong isang tangahli ng araw ng Sabado noon, a-26 ng Setyembre, taong 2009, na umuwi akong nakayapak mula Mendiola hanggang Marikina. (Ilalahad ko ang kwentong iyun sa takdang panahon)

Pero yung iba, kung hindi bagyo, mga ulang dala ng hanging habagat. Pero aakalain mo na parang may bagyo nun. Palibhasa nagbabago na kasi ang klima ng mundo e.

Kaya sa totoo lang, proud ako na masabihang “Waterproof!” Been there, and done that. At pasalamat na din ako, at least safe pa rin ako sa mga panahon na yun.

Kaya mabuhay ang mga “Waterproof!” At sa mga estudyanteng ganyan at nakakaranas ng ganyang pangyayari sa kada araw na umuulan, ika nga ng idolo ng tropa ko na si John Llyod Cruz, ingat!

Author: slickmaster
Date: 07/30/2012
Time: 09:25 AM
© 2012 september twenty-eight productions

Saturday, 28 July 2012

Why Ya Hating Jamich?

07/28/2012 9:30 PM

Panahon ng mga viral, tulad ng isang magkasintahang nagngangalang Jamvhille Sebsatian at Paoline Michelle Liggayu. Sa panahon ng viral hits, kasikatan at hate-fest sa magkabilang mundo ng social media.

Sa totoo lang isa lang naman silang YouTube sensation e, at sa panahon ngayon uso na ang mga taong mahilig magpapansin sa internet tulad ng mga video blogs, patamang-quotes-on-wall-photos, at kahit ang mga blogs tulad nito.

Ang love story nilang "By Chance" with matching choreographed dance move? Well, ganun talaga. Napapansin sila e. Pero pano nga ba nagsimula ang mala-kontrobersyal na spotlight para sa isang internet couple na tinawag na Jamich?

Ewan ko kung may mas maaga pa sa nakita ko, pero noong bandang patapos na ang buwan ng Pebrero, may lumabas na isang post na tila kinabagutan ng mga “fans” ng internet couple.

Talking business nga ba ang usapan? Tila showtime na lang mga ginagawang love story ng Jamich samga videos? Hmmm….

Mula dito nagsulputan na ang mga haters ng Jamich. Nabuo ang JaBITCH page sa Facebook. At ang sinumang nag-attempt na magtanggol sa kanila? Ayun, tahasang pinapahiya sa internet. Like a boss ba? Ewan. Kahit sino na lang yata kayang gumawa ng ganung motibo sa world wide web. Ang lawak kasi ng mga posibilidad e. hindi na ko magtataka.

Matindi ang hatred ng ilang mga tao sa kanila. Kahit sa kabila ng mga ito, nakakapag-guesting pa ang kontrobersyal na couple sa mga palabas ng telebisyon, at ibang mga music videos. At nagte-trending pa ang Jamich sa Twitter.

Well, yan ang patunay na mas sumisikat pa sila. At sa tingin ko, malaks kasi silang manghatak e.

Pero sa kabila ng mga ganitong pangyayari sa mainstream e bumubuhos pa rin ang mga pambabatikos sa kanila.

Minsan nga, noong namatay si comedy king Dolphy e nasaktuhan pa sila ng pangbabash sa Twitter ng mga Jamich haters at iba pang mga users sa nasabing social networking site. Nagkasabay daw yata kasi ng petsa ng monthsary nila as an official couple sa petsa ng pagakamatay ng beteranong aktor.

Pero meron din namang nakaintindi at nagtanggol sa kanila.

Ito lang siguro ang sa akin, ano? Hindi ako fan ng Jamich. Wala nga sa interes ko ang manood ng mga romantikong palabas tulad ng mga ginagawa nila (kung ikaw ay isa sa mga mabibilang sa daliring mga follower ng mga blogs ko, masasabi mo na anti-romantic nga ako ‘di ba, at kung gaano ako tumutuligsa sa ideya ng romantisismo?) pero minsan ako nanood ng isa sa mga gawa nila. Ayos lang naman. Bagamat hindi ako ganun kakumbinse.

Hindi ko sila huhusgahan base sa mga karakter nila, dahil karamihan naman sa mga personalidad ay dumaranas ng mga ganyang personalidad. Sa maniwala ka o sa hindi, ang mga magagaling na personalidad base sa kanilang mga akda ay bagsak naman pagdating sa ibang aspeto ng buhay. At yun ang patunay na patas ang mundo, kahit papano. Natural, tao lang e.

Pero dahil tulad na rin ng mga tipikal na public figure sa kahit anumang larangan sa buhay, dapat silang maging mabuting ehemplo sa marami. Kaya ang tsismis, ayon sa kanila, ay ang magsisilbing kakontrapelo ng anumang nagawa mo sa buhay, whether blind item o talagang showbits, etse, showbiz news. Parang, kung sandamukal ng episode na sa internet ang ginawa mo, pero kung may intrigang tulad ng isang post na dala ng bugso ng emosyon, wala rin. Ika nga, kayang sirang ng isang pagkakamali, kahit katiting lang nito, ang anumang mga mabubuting bagay na nagawa mo. Pero kung tunay na tagapanghusga ka, babalansehin mo ang lahat. Marnunong kang tumimbang.

Ika nga, "you can’t please everyone." May mga sarili tayong emosyon, kaisipan at kamalayan para pumili ng mga bagay na gusto natin at mga bagay na ayaw natin.

Ang tahasang panghuhusga ng mga iilan sa kada galaw ng internet sensation na ito ay nagpapatunay na hindi lang sikat ang Jamich at lalo pang pinapasikat ng mga pambubulyaw, kundi pati lumalabas ang pagiging insekyura ng mga haters.

You can keep on hating them, ika nga. Parang sinabi ni Bossing. “It’s a free country,” di ba? Pero, kahit ilang beses mong kastiguhin ang… ayon na rin sa inyo, ang “jejemon couple” na iyan , wala rin e. lalo lang silang sisikat. Para sa mga tagasuporta ng Jamich, keep supporting lang sa kanila kung tunay na fan ka nga.

Huling bara. Para sa mga hindi pa rin makaintindi, hindi ako fan ng Jamich. Pero hindi ko rin sila ipinagtatanggol. Ang sa akin lang, wala na rin kayong magagawa masyado kahit i-hate niyo yan. Kung hindi niyo sila trip, wag niyo na lang pansinin. Lalo lang silang sisikat sa ginagawa niyong yan e. sa maniwala kayo o sa hindi, mas sisikat kayo sa paggawa ng mga matitinong bagay, basta wag lang ang mga katunog ni Rebecca Black ha?

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Dolphy FTW on the National Artist Award

07/13/2012 | 12:26 AM

Long overdue na kaya! Dapat nga noong 2009 pa ginawaran yan ang National Artist Award e.

Malapit na ang Agosto, ang buwan na maghihirang na naman ng mga taong karapat-dapat na tawagin na National Artist. At halos 1 buwan na rin mula noong nagulantang ang mga milyun-milyong katao na minsa pinatawa ng Hari ng Komedya sa loob ng halos 7 dekada.

Pero sa totoo lang, madaling magsalita at madali lang umaangal sa mga tila usad-pagong na proseso ng sistema sa paggawad ng mga Pambansang Alagad ng Sining.

Ayon sa isa mga napanood kong balita noong mga araw na kamamatay pa lang ng hari ng komedya, awtomatikong nominado na si Rodolfo Vera Quizon Sr.

Twing ikatlong taon kasi nagagawaran ang isang taong may matinding mga kontribusyon sa Sining, at ang huli ay noong 2009 kung saan ay naging kontrobersyal ang mga ilan sa mga nakasali dun kabilang na si Director Carlo J. Caparas, ang isa sa mga tanyag na tao sa likod ng iba’t ibang mga palabas sa telebisyon. Sa nasabing pangyayari, maraming kumuwestiyon sa ginawa na yun ng National Commission of the Culture and the Arts.

Matinding proseso ang inaabot ng mga tao para maging National Artist. Sa darating na buwan ng Agosto, magsisimula ulit yan, at inaasahan sa susunod na taon, maigawad na yan sa mga taong deserving ayon sa nasabing ahensya.

Matinding pagsasaliksik sa mga akda at buhay ang ginagawa ng mga tauhan ukol sa nasabing nominadong personalidad.

Pero patay na yung tao. Bakit ngayon lang? Hindi ba mas maganda kung yung mismong nominado ang makakaappreciate niyan? Yung tipong hindi pa siya umaabot sa kritikal na kundisyon ng kalusugan niya? Oo nga naman.

May proseso kasi yan e. Ayon yan sa Executive Order 236.

Pero kasi, maraming mga benepisyo ang makukuha ng isang pambansang alagad ng Sining eh. Pensionado siya habang-buhay.

Teka, bakit hindi matuloy-tuloy ang pagnonomina sa mamang ito? Naalala ko na may umalma sa kanyang pagpoportray ng mga gay role sa mga pelikula noong mga nagdaang dekada. Ha? Ganun?

Hindi na nakialam ang Malakanyang sa nasabing isyu. Pero sabagay, sa lipunang Malaya pero napapaligiran ng maruruming isip at tagahanap ng butas, ididiin pa rin ang pamahalaan sa ganitong isyu. May halong pulitika daw. Ba, ang sa lagay ba e dahil sumuporta si Mang Pidol sa karibal ni PNoy noong eleksyon dalawang taon na ang lumipas? Wag ganun, mga tol. Walang pulitika ang motibong ito. Kayo naman oh.

Pero tingin ko, hindi lang nag-iisa si Dolphy sa ganitong klaseng senaryo.

Pero que national artist man si Rodolfo Vera Quizon Sr., o hindi, isang bagay ang sigurado diyan – isa na siyang maituturing na national treasure. Ang tindi ng kontribusyon niya sa industriya ng pagpapatawa at pag-arte sa loob ng 65 taon. Hindi biro yun, ha? Mantakin mo ha? Ang tindi ng mga ginawa niya? Mula sa pagiging bakla hanggang sa mga pagiging salamin ng tipikal na Juan dela Cruz sa kanyang mga pinagbidahang mga pelikula at sitcom.

Kaya para sa akin, idol pa rin si Pidol. Saludo ako sa iyo.

Sources:
http://en.wikipedia.org/wiki/National_Artist_of_the_Philippines
http://www.ncca.gov.ph/about-ncca/org-awards/org-awards-national-artist-list.php


Author: slickmaster| © 2012 september twenty-eight productions

Nang dahil kay MISS-COMMUNICATION.


Minsan kong narinig ang isang kasabihan na ito kay Papa Jack nung minsan ako nakinig ng kanyang True Love Conversation sa 90.7 Love Radio noong 2009: “Maraming mga taong nag-aaway at relasyong nasisira nang dahil sa dalagang nagngangalang MISS-COMMUNICATION (MISCOMMUNICATION).”

Medyo nakakatawa din, pero kahit papano, matindi rin ang patama e. OO nga naman.kapag hindi nagkaintindihan ng mensahe ang isa sa inyo, aasahan mo ba na hindi magkakaroon ng ‘di pag-kakaunawaan? Lalo na kung makitid pa ang kamalayan ng isa sa inyo? Delikado iyan.

Sa basketball nga pag nagkaroon kayo ng isang miscommunication sa isang play, malaking pagkakamali na iyun, lalo na kapag crunch time. Ganun din sa ibang sports, at pati sa ibang aspeto ng buhay natin.

Kapag hindi ka tumupad sa usapan nang walang pasintabi kahit sa text man lang, aasahan mo bang magiging ok pa kayong dalawa? Swerte mo kung ganoon pa ang mangyayari, kung maiintindihan niya ang iyong mga dahilan. Pero paano kung hindi o wala na sa tamang lohika ang eksplanasyon? Patay.

Sa panahon na tila mas mahalaga pa ang pangload kesa sa pambayad ng mga pangunahin serbisyo tulad ng tubig, kuryente, renta (kung nagungupahan lang ng tirahan), buwis at iba pa, wala ka nang excuse pa para hindi makapagtext. May network pa nga na nag-aalok ng serbisyo kahit zero-balance ka na e.

Sa mga tulad ko na nagtiya-tiyaga sa libreng pagpe-Facebook, hindi na pwede ang pagkakataon na hindi mo i-update ang mga kaibigan mo kung ano ang nangyayari sa iyo.

Pero, maliban na lang kung tulad mo ako na walang hilig sa pagtetext at nagsasawa na rin sa kaka-Facebook. Mahirap yun, parang outcast lang sa lipunang tipikal na ang mga taong matalak at mahilig makipagkwentuhan sa kapwa.

Ah, basta. Kung kaya mong pahalagahan ang mga ugnayan ng mga tao sa iyo, gawin mo. Ika nga, communication is the key to a successful relationship. Sabagay, wala namang relasyong nagmumula sa dalawang taong nakatunganga lang sa isa’t-isa. Baka sa ngitian, pwede pa? E kaso hindi naman lahat ay ganun.

As for me, “Just keep in touch with me and I’ll keep in touching you.” Teka, may mali ata ah. (LOL!)

Author: slickmaster
Date: 07/22/2012
Time: 01: 33 p.m.
(c) 2012 september twenty-eight productions


Thursday, 26 July 2012

Anong Pake Ko Sa Instagram Mo?

27/07/2012 | 12:07 AM

And same goes sa mga taong may hawak ng mga pumapatok na mga gadget at apps ngayon. Ano naman kung may ganyan kayo? Kailangan bang ipagyabang sa akin yan? Ha?

Lumaki ako na ang pinakapatok na cellphone na hawak ay ang Nokia N70 na limang taon ko nang ginagamit... mapa-hanggang ngayon. Wala na nga akong alam sa mga updated na specs ng mga personal computer ngayon e.

Gustuhin ko mang magkaroon ng sariling laptop, pero ang pinakasimpleng bagay lang ang makapagpapasaya at makapagpapakuntento sa akin. Yung tipong makapagtatype ako ng mga artikulo ko sa mga blogs; makagagamit ng Adobe Photoshop kahit sa sinaunang CS Portable version man lang; yung sapat na para makapag-edit ako ng mga video gamit ang Adobe Premiere o Sony Vegas; yung kakayanin ang browser na Google Chrome; ayun lang. Oo, simple lang, hindi naman ako maluhong tao na nagpapakasasa sa mga games o masyadong nagpapaka-in sa mga bagay-bagay e.

Ayos na sana ang lahat. Hindi naman ako naiinggit sa mga taong panay Instagram ang mga post sa news feed ng Facebook ko. Yung mga napapansin kong naka-iPad, iPhone, Blackberry, upgraded version ng iPod, Samsung Galaxy Tab at iba pa sa kalye? Ayos lang naman sa paningin ko. Mas naalibadbaran pa nga ko sa mga magsyotang nagpi-PDA sa harapan ko e. Kung may otoridad lang sana ako na magpaka-siga oh.

Pero kung ikaw yung tipong iinggitin ako, yung tipon na dapat daw e palitan ko na ang cellphone ko at bumili na daw ako ng iPad o kahit ultimo ang pinapangarap ko na SLR camera… ‘tol, madali ngang mang-ingganyo, pero yan ay kung ireregalo mo sa akin yun.

Maaaring hindi nga ako laki sa hirap o namuhay nang matagal sa probinsya. Maituturing pa nga ko na isang “jeprox,” panay layaw ang alam at laking-siyudad na bata. Pero sa totoo lang, kuntento na ko sa mga bagay na simple lang, yung matutugunan ang aking pinakakailangan – ang komunikasyon. Yun na. Makakapag-Facebook pa naman ako sa N70 ko kahit walang wi-fi. Makakapag-soundtrip pa naman ako kahit XpressMusic o Walkman phone ang aking hawak. Mayroon akong iPod na classic video ako dati, pero mas prefer ko pa yun kaysa sa mga naglalabasang mga bagong edisyon nun. makakapanood pa naman ako ng mga dinowload ko na video ng FlipTop, Word Of The Lourd, NBA highlight mixes na personal na ginawa ko, music videos at iba pang nilalaman nun. Makakukuha pa naman ako ng matinong litrato sa N70 ko at mas napagkakamalan pa nga kong “pro” dun kaysa sa mga kuha ko sa Nikon DSLR ng katropa ko e. Akalain mo oh.

Alam ko na may bibira diyan na “’tol, maglevel-up ka naman.” Ulit, "Pare, kung bibigyan mo ko ng salapi para bilhin ang mga yan, oo, papatusin ko talaga. Pero sa hirap ng buhay ngayon, mas iisipin ko pa na umorder ng maraming ulam at extra rice, at kumain na lang kaysa sa gumastos para sa mga pinakalatest na gadget." Hindi naman lahat ng yan e kailangan ko e. buti sana kung propesyonal na photographer ako, o sound engineer, videographer at ano pa yan. Baka maintindihan ko pa yang argumento mo.

Kahit naman kasi magka-iPhone 4s ako, pero kung lagi namang walang load pang text man lang o sa tawagang blues… e nag-iPhone pa ko? Pambihira. Ano ‘ko, social climber? Wannabe-“in” o pa-sosyal? Huwag na ‘uy!

At ito pa. Ang gastos naman niyan para magpakasasa ako sa mga mararangyang bagay. Maipagmamayabang ko ba 'yan sa magulang ko? O sa mga tsikababes ko pag gumimik ako? Ba, hindi rin sa lahat ng oras. Having class is still better than just owning swag.

Pag may lumabas pa na bagong edisyon ng mga tab o cellular phone at nagkataong nakabili ako ng mga ganun ilang lingo bago sila naglabas ng panibagong bersyon, wala rin. As in, nawala rin kaagad ako sa uso, at nakawaldas pa ko ng pera dahil doon. Kung sa unlimited rice ko na lang ginasta e baka sana nabusog pa ko, ‘di ba?

Kuntento na ako sa mga simpleng bagay. Hindi naman porke't updated na ko sa mga gamit at application e sikat na ako. Minsan nga, mas sikat pa ang mga taong nagtatanga-tangahan sa harap ng camera kaysa sa mga taong malulupit na kumuha ng mga litrato at bidyo gamit ang mga updated na camera e.

Kung mayroon ka nang mga ganyan, well, good for you. Congratulations. Pero please, huwag mo na ipangalandakan sa pagmumukha ko iyan. Hindi mo lang ako ipinagmumukhang laos at naiinggit, baka mabira pa kita diyan ng “Ano'ng pake ko sa Instagram mo?”; o hindi naman kaya’y “Aanhin ko yang iPod na yan e kung sa simpleng mp3 player lang e solb na ko sa pagsa-soundtrip?” “Mas nakapagtatype pa nga ko nang maayos sa harap ng PC na walang internet kesa sa isang Lenovo na saksakan sa dami ng widget.” e ‘di mas nasaktan ko pa ang damdamin mo, ‘di ba?

Author: slickmaster | (c) 2012 september twenty-eight productions