Showing posts with label personal story. Show all posts
Showing posts with label personal story. Show all posts

Tuesday, 1 January 2013

First date.


12:49 p.m. 01/01/2013

Disclaimer: Isinulat ko ang akdang ito na may permiso mula sa babaeng naka-date ko nun. Pero pinili ko na hindi ilahad sa blog na ito ang litrato naming dalawa at ang tunay na pangalan niya bilang paggalang sa pagkakakilanlan niya.

Minsan, natutuklasan talaga ang pag-ibig sa first date. Wala nang ligaw-ligaw pa (anak ng pating, uso pa ba iyun?). Nasa uganayan lang yan kasi, bilang kapwa taong nagmamahalan at bilang kaibigan na rin kung magturingan.


Parang karanasan ko lang. Ika-1 ng Disyembre nun, isang maalinsangan na Sabado ng hapon. After lunch ang usapan naming nun sa isang mall sa lungsod ng Mandaluyong. Sa unang tingin nga e, nakakapagtataka lang nun. Dahil alam ko hindi naman siya interesado na mga bagay na gusto ko, tulad ng mga libro at may kabuluhan na kalokohan. At siguro, naiisip niya nun na sa dinami-dami ba naman ng babaeng nakasalamuha ko sa text, Facebook, Twitter at personal… e bakit siya pa daw?

Hindi ko mawari e, basta ang alam ko nun ay interesado ako na kilalanin siya. Bago ang lahat, siya si Ms. Whippedream, o mas tawagin na lang natin na Kablag. 21 anyos, isang registered nurse na naghahanap pa rin ng trabaho. Magkapareho kami ng eskwelahan noong kolehiyo bagamat magkaiba kami ng branch na pinapasukan. Ang nakakaloka lang nun ay may isa pala kaming kaibigan in common pero hindi naman yun ang naging pamamaraan para maging magkakilala kami (o nireto, ika nga). Sa totoo lang, nakilala ko lang siya sa pamamagitan ng isang text clan. At isang bagay pa ang common sa aming dalawa – pareho kaming blogger.

Pero fast forward tayo sa petsa ng a-uno. Nasa gitna na ako ng pagmamadali ko papunta sa mall na iyun. Nakakahiya, first date mo slickmaster, e na-late ka! E ikaw ba naman kasi ang mapunta kaagad sa isang photo studio para lang kunin ang soft copy ng mga litratong kinunan para sa iyong graduation pictorial noon.
Ala-una ng hapon nun nang makarating na ako sa destinasyon ko. Halos maligaw pa ako sa naturang mall (aba, e ikaw ba naman ang mapunta sa isang lugar na hindi pamilyar sa kamalayan mo e) habang katext siya kung saan siya eksakto. Pagbaba mula 4th floor papunta sa 2nd, sa may bandang fountain area, agad ko siya napansin. Pamilyar na ang kanyang itsura sa akin dahil sa kakatingin sa kanyang profile picture sa Facebook at Twitter. Pero bago ko man siya surpresahin e agad na rin niya pala ako nakilala (ayan, magte-text ka pa ng “look behind you,” ha?). Unang move kay Kablag, pahiya ka na, slick. LOL!

So, ayun na nga ang nangyari, nagkakilala kami. Agad hinanap ang book launching event na pupuntahan ko nun (dahil trip ko lang, maliban pa sa katotohanan na isa na rin sa mga iniidolo ko ang awtor ng Pogi Points na si Stanley Chi), nasa isang bookstore yun sa nasabing mall. E ang aga lang namin nun. Haha! Napabili lang kami ng libro nun, then trineat ko siya ng lunch sa isang fastfood na malapit lang sa bookstore na yun (sa loob ng naturang mall, siyempre).

Matapos ang book launch na yun (na tumagal ng 4 na oras pero astig lang ang hapon na yun dahil sa sobrang laughtrip na dala nila Stanley Chi, Ramon Bautista at Papa Dan ng Baranggay LS at kung anu-ano pang kamundohan nun), e para kaming ewan na hindi alam kung saan kami susunod na pupunta noong gabing iyun. Hanggang sa napagdesisyunan na magpunta sa kabilang mall. Mamasyal lang sa kung saan-saan, kumain ng pizza, magkwento ng kung anu-anong bagay lang, malalim na bagay man o mababaw. Kulang nga e manood kami ng sine nun kung maaga pa lang sana ang gabi nun. Hati na kami sa dinner namin na pizza (ako sana talaga ang sasagot nun e kaya lang mahirap na ang ma-short lalo na kakasweldo ko lang nun).

Ano pa ba ang mga naganap? Ayun lang naman. Sa madaling sabi, nagkamabutihan. Basta, sinigurado ko lang nung gabi na iyun na kahit papaano e magaanda ang impresyon ko sa kanya sa pamamagitan ng pagkakapataotoo sa aking sarili. At sa totoo lang nun e hindi ko na iniisip kung may susunod na date na magaganap pa sa pagitan namin ni Ms. Whippedream o wala. Nasa sa kanya na iyun.

Pero mali pala ako, dahil hindi ko inaakala na siya talaga ang magpapatibok ng puso ko nun. Siya ang tanging naging pinaka-kaibigan ko sa lahat ng aking mga kaibigan ko.

Namiss ko siya bigla. Sa sobrang pagkamiss e napagawa ako bigla ng one-liner.

“Just a second after we parted ways, I just realized something – I missed you already.”

Akalain mo yun oh. Matapos ko siya ihatid sa terminal ng FX nun, para lang akong batang naagawan ng lollipop (pero walang akto ng iyak, syempre) nung sinara na niya ang pinto ng naturang sasakyan at umalis na pauwi ng bahay niya. Ang naisip ko na lang, magtetext din yun pag nakauwi na siya. Hindi lang text pala, nagmissedcall. Aba. Ayos ah. Kala ko dito na lang matatapos ang first date na iyun.

Akala ko din e. Mali pala ako. :-)

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

Friday, 19 October 2012

Alaala ng Minsa’y Naging Isang Batang Gala sa Probinsya Kasama ang Mga Tiyahing Nagmamahal.



Matagal-tagal rin mula noong huling napadpad ako sa lugar na ito. Ang probinsayng kinalakihan ng erpat ko. Cuyapo, Nueva Ecija, sa may 172 kilometro hilaga mula sa pinakasentro ng buong malaking pulo ng Luzon. Dito ako madalas napapadpad pag pumupunta ako sa bandang Norte, maliban pa sa Isabela, Baguio at Manaoag.

Marami akong alaala bilang isa sa mga bata na laging sinasama ni tatay para asikasuhin ang lupang sinasaka nila ng kanyang mga kapatid. Maliban dun, tuwing piyesta lang ako pumupunta dito. Kapag fiesta sa bayan, o pista ng mga patay.


Yung minsa’y magigising ka ng umaga at ang anti mo ay naghain sa iyo ng delatang corned beef at pandesal. At take note, sa pisong halaga kada piraso nun, singlaki na ng doble sa size ng pandesal ngayon ang tinapay noon.

Pagkatapos ng almusal, hihiramin ang bisikleta ni Uncle Ama (yung parang nakita ko to sa mga palabas mula sa bansang Hapon, yung parang napakanipis tignan ng gulong, ah… ewan), gagala kung saan-saan. Kahit alas-sais ng umaga, dadaan sa sementeryo, dadalawin ang mga namayapang kamag-anak, hanggang sa mapadpad sa kabilang dako ng bayan (poblacion kung tawagin), sa isang lumang daanan na nagsilbing riles ng tren nun, mga baryo’t mga bahay sa gitna ng talahiban… wala nga lang ako pakialam kung saan ako makarating. Ang alam ko lang ay natatandaan ko kung ano ang dadaanan ko pabalik.

Matapos ang umaga, sige, gala pa rin. Ganyan ang buhay ko ditto e. kung hindi ako makita na nagrerenta sa computer shop, nasa bayan lang. Namamasyal, kumakain sa BigMack… pero mas madalas na gawain ko yun kapag fiesta. Maraming tiangge e. marami akong matitignan, maraming bibilhin, at maraming bagay na naman akong kaiinggitan.

May mga pagkakataon na nasa basketball court ako nakikipaglaro kahit yung sahig nun ay nagsisilbing bilaran ng palay. Kati lang no?

At madalas pag gabi niyan, umuuwi na ako pabalik ng Bulacan.

Kaya lang naging matindi ang mga alaala ko dun dahil ang mga tao na nakakasalamuha ko dun ay namayapa na. Nakakamiss lang ba. Wala na kasi ako nakakausap, nakakahalakhak. Lahat sila, dadayuhin ko pa sa sementeryo para lang magbitaw ng salitang “kumusta?” na may kasama pang panalangin at may sinding kandila.

Si Uncle naman, nasa bukid na. Tyempuhan lang para makadaupampalad muli. Pero may mga pagkakataon naman na ako mismo ang pumupunta sa kinatitirikan niya dun. Makwela pa rin. Akalain mo oh. 

Still, namimiss ko pa rin ang mga nagsisilbing pansamantalang nanay ko dun. ‘Di bale, darating ang panahon at makikita ko ulit sila.

Author: slickmaster
Date: 10/20/2012
Time: 01: 33p.m.
© 2012 september twenty-eight productions

Wednesday, 17 October 2012

Recovering the Pieces, But Not Anymore For the Dream… (Confessions of a long-time-but-no-more wannabe music disc jockey)

Ang musika ay isa sa mga naging pinakamalaking parte ng buhay ko. Hindi puwede na minsan ay hindi ko bubuksan ang radyo, cassette/cd player, o kahit ang iPod ko para lang makapakinig ng isang kanta sa kada araw na lumilipas. Kaya siguro, naging isa sa mga pinapangarap ko ang maging disc jockey sa radyo.

Kaya hindi puwede sa akin ang isang computer na wala ni headset man lang, o mas malala, hindi pa pala nakainstalled ang audio driver. Hindi rin puwede na wala akong naka-istak na CD o mp3 sa library ko. At minsan pag pinagkait mo sa akin iyan, baka magkamatayan pa tayo niyan (pero loko lang iyun).

Oo, naging pangarap ko nga ang maging DJ. Yun nga lang, mahirap paniwalaan dahil hindi naman ako ganun katalak noong mga panahon na iyun. Basta, ang alam ko, trip ko gawin ang magsalita ukol sa kantang pinapatugotog ko, introduce yun sa ere, and presto. Isama mo na ang ilang plug, spiel at commercial break. At tila pinapraktis ko yan sa harap ng salamin, o sa harap ng PC basta may mikropono at headset na nakasuot at may Windows Media Player, Winamp, Virtual DJ, o ang sinaunang bersyon ng iTunes na nakasalang.


May pagkakataon nga na sobrang badtrip ako nun dahil sa ginawa ng pinsan ko. May segment kasi dati ang isang programa na nagbibigay ng pagkakataon para sa ilang mga listener nila na mag-introduce ng susunod na kanta sa kanilang countdown, agad naman akong sumali. Pero noong sinagot ng pinsan ko, akala niya yung erpat ko ang hinahanap. Kaya sinabi niya “wala po siya dito.” Noong tinignan ko ang cellphone, nakita ko ang numero ng istasyon na pinapakinggan ko. Asar na asar na lang ako, buti na lang hindi tuluyang pumutok ang butsi ko nun. Grrr!

Iyang pangarap ko na ding iyan ang isa sa mga pinakadahilan kung bakit ako nag-Mass Comm e.

Nag-audition ako ng ilang beses noong nasa kolehiyo ako, at sa kabutihan, este, pagkamalas-malas na pagkakataon, alaws. Parang nakalimutan ko yata ang pagiging konyo ko magsalita nun. Ang pagiging maalam ko sa musika nun. Ang pagiging makapal na mukha at boses ko nun, napalitan ng mababang self-esteem at nerboyosong personalidad. At least, ilang minuto lang nagtagal. Pero, sayang pa rin e. Ouch!

Halos nawala na sa isipan ko na pasukin ang industriyang iyun. Hanggang sa isang araw, na-recover ko ang mga audio files ko. Mga CD ko na nakapaloob sa dalawang shoe box na ginawa ko palang lagayan nun. Puno nga e. Lahat ng orihinal at peke, kinompila man o nabili sa bangketa. Hip-hop, rnb, rock, classic, pop, novelty, ballad, meron ako niyan nun. At ang pinakahuling nabili at naidagdag pa nga sa koleksyon ko nga yata nun ay ang compilation-album ni Michael Jackson na pinaka-alala ng lahat ng pinagpaguran ko sa summer job ko bilang isang encoder.

Maliban dun, may hard drive pa ako na panay mp3 at sound effects ang nilalaman. Mga halos 20 Gigabyte din yun ha. Isama mo na dyan ang playlist ko sa mga websites ng imeem at Multiply. Yun ang unang tumabo sa takilya sa akin.

Hanggang sa hindi ko maretrieve ang imeem account ko, at nabadtrip na naman dahil… ‘tol. Ikaw ba naman ang magkaroon ng mahigit-kumulang 200 kanta dun, ano. Isama mo na pala dyan nung panahon na nasira pa ang iPod ng ate ko. Ouch! Wala man lang ako naback-upan ko na mga file mula sa mga Anime theme hanggang sa mga pangbackground na beat. Asar! At ang jeskeng Hard drive. Argh. Pagkamalas-malas lang, ano.

Bagamat may mga natira naman ako sa aking computer at mga plaka, hindi ko rin itutuloy ang maging DJ. Marami naman pala akong kayang gawin at napamahal sa mga ito. Tulad ng ginagawa ko ngayon, ang pagsusulat. Tanggap ko na ang katotohanan na sa malamang e hindi talaga para sa akin iyun. Ayos lang. Tuloy pa rin naman ang buhay e.

Author: slickmaster
Date: 10/18/2012
Time: 10:10 A.M.

© 2012 september twenty-eight productions

Sunday, 16 September 2012

Alaala Ng Isang Tambayan

09/15/2012 06:35 PM

Sa oras ng gabi, isa akong “batang-gala” sa kalye. Madalas nagmumuni ako mag-isa o may kasmaang barkada. Napapunta kung saan-saan, mula sa tindahan ng uncle ko, sa basketball court, sa kalapit na kainan, o sa isang computer shop lamang. At sa lahat yata ng mga computer shop na nirentahan at tinambayan ko, isa lang talaga ang nagsilbing bilang pangatlong tahanan ko.


Ilang baloke lang ang layo nito mula sa bahay ko mismo. Madalas, kada Sabado ng gabi ako napapadayo dun, mga banding alas-diyes ng gabi hanggang alas-dos ng madaling araw. Tamang chillax lang, pantakas mula sa realidad na punong puno ng thesishit, este, thesis, pagiging toxic sa mga minor subject (yung mga feeling major ba), at kung anu-ano pa. hindi pwede wala akong pangrenta nun (aba, buti na lang may natitira ako sa baon ko nun kahit 3 araw lang naman ang pasok ko).

“Kuya, pa-renta ng PC,” ang sambit k okay Brian. Siya ang una kong nakilala at nagging tropa na matanda sa akin dun. Siya din ang madalas na bantay dun. Kasama niya sa pagbabantay ang mga may-ari nug shop na sila Allister, Jourel, at Joshua.

Tanong niya, “ilang oras ka, slick?” Sagot ko naman ay “4 hours.” 10 piso lang kasi ang rate nila nun. Pero sakto lang ang bilis ng internet nila. Hindi nakakainip. Sulit ba.

Maliban sa akin andun ang mga taga-Block 2 na sila Joemar, Tutoy, Bok, John, Rhyan, Helly, Miko at marami pang iba. Pero ang mga nabanggit ko lang na tao ang madalas na makasalamuha ko dun. Sa totoo lang, sila din ang madals na mangtrip dun. Sila yung mga tipong biglang mangalabait-sabay-asar. Yun nga lang, hindi nila magawa sa akin yun dahil alam nila kung anong klaseng tao ako ‘pag nagkagulo dun.

Madalas pag nakaupo sila diun, ay nanunuod ng mga video ng FlipTop, nag-aayos ng mga profile ng kanilang mga Friendster account at ipinagyayabang pa nga mga lokong ito, nagpapatugtog ng mga kanta nila Mike Kosa, Curse One, Republikan at iba pa sa mga underground hip-hop, o minsan pa nga… ang manood ng porn. E tropa din sila ng may-ari dun e, sa tingin mo may pipigil pa bas a mga mokong? Bagamat yan algn ang hindi ko trip na gawin pag ako’y nagrerenta ng computer (asus, magagawa mo din yan baling araw e, bakit ka pa magpapainggit sa mga nakikita mo?).

Kapag hindi naman internet ang gusting gawin, nagdo-DotA sila. Pustahan, trash talk, andun na. Pero laro lang yan. Walang personalang nagaganap.

Speaking of trash talk, ayan, natutunan din nila yan sa kakanood ng mga rap battle videos gaya ng FlipTop. At dahil nga nasimula na mauso ito noong panahon na tumatambay ako dun, ayun, nakiuso din ang mga tambay. Madalas pine-playback nila yung mga laban nila Dello-at-Target, Loonie-at-Zaito, at yung kay Batas laban kay Fuego. Mayroon pa nga sila nasagap na nanggagaya e – FlipShop – at ang pinakapansinin para sa kanila ay yung kila Tinapay Masaker at Abnoy. FlipCap, Rooftop, at iba pa.

Sa sobrang pakikisuo ng mga ito e sila-sila din ang nagbabarahan. Oo, sila-sila lang dahil ayaw ko na ring sumali (o baka wala pa makatapat sa akin nun). Pero madalas nanunood at nakikibalita lang ako sa mga nangyari dun.

At madalas iba rin ang ginagawa ko kesa sa tipikal pag nagrerenta ako.  Sila, nakikipagkumpitensya sa Friendsetr profile nila. Ako? Ka-chat ang mga tropa sa Facebook. Kung ako sasabihin nilang “chickboy” e pano pa kaya ang mga ‘to? Wag ka, pare.

Maliban dun, trip ko ang maglaro ng NBA Live. Natsambahan ko nga na pagsamahin sila LeBron, Yao Ming, Dwight Howard at ang beteranong guard na si Derek Fisher sa Fantasy Draft. Saying nga lang, hindi ko natapos ang isang season ko dun na 62-0 ang record ko dahil nagreformat sila ng mga PC nila. At lahat ng mga laro, close game ang score. (Ano ‘kala nyo, “starter” lang ang skill ko?)

At maliban pa dun, magdownload ng MP3 at mag-edit ng video. Kung tipikal na trip lang ang usapan, ang 4 na oras ko ay nauubos sa Yahoo! Messenger, Facebook, at soundtrip sa YouTube. As in yung sinabi ko nung una, CHILLAX mode lang. Wala akong pakialam sa mundo nun. Ang gusto ko lang ay ma-destress sa lahat-lahat ng mga nangyayari.

Pag sinabing “time na” ako, well, out na talaga. Pero hindi pa ko lumalabas ng shop niyan. Madalas, pampaantok pa na usapan naming ng mga tropa ko. Kaya nga minsan nabansagan kami na “lee boys.” Actually, halos tunog-wholesome lang bagamat ako ang pinakamalinis pa rin ang konsensya kesas a mga ito. Ha ha!

Pero nakakamiss din pala yun. Yung minsan, nanalo ako sa isang school event, sila pa ang mga unang nakakalam dahil tumambay ako sa kanila ng alas-2:30 ng madaling araw, kakagaling lang mula Maynila nun at dala-dala ko ang trophy ko nun. Yung tipong nagpakalasing ako sa kanila nun dahil birthday ko.. (E nagpakatotoo lang ako nun ano? Sabi ko kasi imagpapainom ako nun e.) Pero yun ay nung panahon na wala na ang computer shop na tinatambayan, sala na lang siya ng bahay at tinatambayan pa rin ng ilan sa amin.

Nakakamiss din pala. Matagal-tagal na rin yun. Hanggang sa dalawang malapit na computer shop na lang ang madalas na pinupuntahan ko. Maliban dun, tambay sa court, nakiki-“bek-shoot” sa mga kumag, o kasama ang isang tropa sa ibang block na nakikipaglaro ng chess, nakikiangkas sa delivery ng tubig, nagbibiskileta at iba pa. hay, buhay.

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Sunday, 12 August 2012

Ang Lipunan at ang Lotto.

Ito ay base lamang sa obserbasyon ko habang inuutusan ng ermat ko na tumaya ng lotto.

Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakapansin nito, pero nasa pagtaya ng lotto sumasalamin ang halos lahat ng klase ng tao. Depende sa pagdiskarte at ugali nito. Obviously, may mga matitino, at meron ding mga asal-gago.

Wala itong pinagkaiba sa mga sitwasyong tulad ng mga estudyanteng nagkukumahog sa pagreresearch para makasagot lang sa kanilang mga takdang aralin, sa mga player ng basketball kung paano makahanap ng mga plays o stratehiya para makaiskor lang sa laro, o ultimo ang mga lalakeng nagkakandarapa kung paano didiskartehan ang isang astig na tsikababe sa kabilang table sa isang gimikan. Sa madaling salita, ang mundong ito ay isang malaking kumpetisyon, at lahat tayo ay magkakakumpetensiya sa ilang mga bagay na pinaglalabanan talaga.

Sa pila ng lotto, makikita mo kung sino ang disiplinado, yung nasa pila palagi, nasa ayos at may haba ng pasensya na maghintay para sa kanyang turn para ipusta ang kanyang taya. At pagdating sa harap ng teller kung matiwasay ba ang kanyang pakikisalamuha sa kaniyang mga transaksyon.

Sa pagtaya makikita mo ang ilang natutuliro. Nag-aalangan sa mga taya. O yung mga tayong may sobra-sobrang planong pang back-up. Kaya kaming mga nasa likuran niya, inaabot naman ng siyam-siyam. Parang ganito…

Teller: Sold out na po ang taya niyo sir.
Customer: ah, 6-2.
T: Sold out din. Sorry.
C: Ahm… teka… (after 20 seconds na yata) ito, 9-5.
T: Sold out din po.
C: (and so on, and so forth)

Yung iba, hindi naman pahabol sa kanilang mga transaksyon, nagagawa pang manggulang at sumingit sa pila. Pero kapag umalma ka sa kanilang ginawa. Pambihira naman oh.

At yung iba, hindi ko alam kung may pagak-ignorante ab o ano. Kung first timer, baka maunawaan pa namin yan. Pero kung lagi naman na. Aba, teka lang, boss, mawalang galang po. Alam mon na may card, alam mo naman pung paanomarkahan yan. May panuto na nga na nakapasil dyan. Pero hindi mo pa rin ginagamit yan. Ay sows!

Pero… pagbigyan natin kung hindi talaga marunong. Pero alam mo, dapat din siya matuto e.

Uulitin ko: sumasalamin sa iba’t ibang klase ng antas ng tao base sa ugali at diskarte ang mga bagay tulad ng pagpila at pagtaya sa lotto. Kaya bago mo hilingin na sana manalo ka, ayusin mo na ang diskarte mo.

Author: slickmaster | date: 07/24/2012 | time: 03:46 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 31 July 2012

Ang pag-alala kay Friendster.

Bago nauso ang Facebook, may mga social networking sites pa patok na patok nun sa mga internet users. Andyan ang MySpcae, pati na rin ang Multiply, at iba pa; pero ang pinakanumero unong ginagamit ng tao ng mas madalas lalo na dito sa Pilipinas ay ang Friendster.

Halos 1 buong dekada namayagpag sa world wide web ang Friendster bilang isang social networking site. Isa sa mga malalaking porsyento ng mga taong tumatangkilik nito ay ang Pilipino. Hmmm… bakit kanyo? Ewan ko, basta mahilig ang karamihan sa atin na makipagkaibigan e.



Mula sa tipikal at standardized na profile, naging personal-customized ito noong gumawa ng mga bagong palataporma ang nasabing social networking site. Parang office-form na template nga ata dati ang istura e (para sa akin ha?). Pati ang mga pangalan, pwedeng ma-i-type ayon sa kagustuhan ng gusto mo, basta tamang letra ang gamit.

Dati, profile picture lang ang mga nilalaman ng isang photo album dun. Sabay nagkaroon ng photo album. Teka, parang alam ko, pwede naman magkaroon ng maraming album dun e. Pero sa kaso ko kasi e literal na mapapagkamalan talaga ako na isang banidosong tao dahil sa panay litrato ko lang ang nilalagay ko sa fs ko. Yung iba? Nakastuck sa PC at Multiply account ko. Pakialam ko ba sa kanila? ‘de, sa takot ko na rin na manakaw ang mga litratong kuha ko mismo. Nagsisimula rin kasi ako mag ekspermento sa photography nun e at sa advent ng internet, madali ngang mag-upload, madali ring magdownload at ipagyabang na kuha nila ang dapat ay pagmamay-ari mo mismo.

Ang mga tag sa Facebook? Parang photo grab lang ng Friendster ‘yan.

Status, tweet, o kahit plurk? Hmmm…. Parang halintulad lang sa shoutout ah. Mas malala, este, maingay ba? Bulletin board message.

Ang testimonial o comment? Laging dinedemand ng mga tao yan. Ako nga lang ang makapal ang mukha na hindi humihingi niyan e, dahil hindi rin ako nagbibigay ng mga ganun. LOL! Teka, mahahalintulad ba ito sa mga wall post ng Facebook? Buti naman walang nagdedemand ng “uy, magpost ka naman sa wall ko” pero mas ok na iyun kesa naman i-PM ka na “tol, pa-like naman ng status ko. Salamat!” Parang kelan lang, sikat na litanya ng tao ang “uy, penge namang testi dyan oh.”

Oo nga pala, nagkaroon din pala ng fan page ang Friendster no? Pati ang mga Friendster blogs. Masternestor pa ang username ko dun e. At bago naging social gaming site iyan noong 2011, literal, may games talaga ang Friendster nun. Kailangang makasabay sa alon ni pareng Facebook ang mga katulad nila e.

Naungusan nga ng Facebook ang Friendster noong 2009 pagdating sa numero at impact sa karamihan ng mga taong gumagamit. Mas madali kasi makipag-interact at mag-promote sa fb kaysa sa fs. Sabagay, sa panahon na nagsimula ulit ako na mag-blog noong taong din na iyun ay halos hirap ako gumawa ng paraan para i-plug ang mga akda ko sa blogspot. Kaya last resort ko ay ang i-repost ang mga to sa Friendster blogs at blog section ng Multiply account ko.

Sa sobrang pakikiuso ng karamihan noon sa Facebook, tila isinusumpa nila ang Friendster dahil sa lamang na lamang na talaga ang Facebook kung ikukumpara sa mga features nito. Aba, parang hindi dumating ang panahon na hanggang patilya ang ngit ng mga ‘to nung una silang nagkaroon ng Friendster account ah. At hindi makikilala ang mga Pilipino bilang social networking capital of the world kung hindi dahil sa pioneer na social networking site na ito, ‘no?

Tingin ko mas naging mainstream ang Facebook dahil sa iba’t ibang mga kumpanya, particular na mga taga-media na gumamit nito para sa kani-kanilang mga palataporma. Bihira kasi ang pagkakataon na i-promote ng mga tao dun ang Friendster account. Sabagay, kung 500 nga naman ang limit ng friends mo dun, what can you expect? I mean, ilang account ang kaya mong gawin tulad ng RX 93.1 nun? Naalala ko kasi na ilang account nila ang naging parte ng social network ko dun e.

Noong naglaon, hindi ko na alam kung ano ang bagong limit nila e. 10k ba o 5k o… ewan. Basta ako, kuntento sa 1172 na mga tropa ko dun.

Pero sayang lang din at hindi ko naretrieve ang mga info ko dun noong nagreformat sila. Masaydong nahaselan ang PC ko para idownload ang mga yun e. Pero ayos lang, ang ilang mga kaibigan ko dun, naging kaibigan ko pa rin sa Facebook e. At halos 3 ½ taon ko na ring ginagamit ang fb ko mapahanggang ngayon.

Malamang ang boring ng buhay ngayon kung wala ang mga katulad ng Friendster at isama mo na rin diyan ang Yahoo! Messenger. Dyan rin kasi ako naglalagi noon e. At matagal bago makilala ang Pinoy bilang mga top social networkers dahil ang tagal bago umusbong ang ibang mga sites. Pero ibang istorya na iyun, at sa malamang iba ang takbo ng buhay din nun.

Salamat sa 8 taong pinagsamahan, aking 3 Friendster account. Don’t worry, tuloy pa rin ang aking buhay sa social networking side. Hindi ko makakalimutan ang mga panahon na ating pinagsamahan. Hanggang sa muling pagkikita.

Author: slickmaster
Date: 08/01/2012
Time: 12:28 P.M.
© 2012 september twenty-eight productions.