4/17/2014 2:05:20 PM
Sa bawat unos, may ahon. Sa bawat pagkadapa, may pagbangon. Sa bawat talo, may panalo. At sa bawat paglubog ng araw, may panibagong sisikat kinabukasan.
Hindi ko alam kung paano ko nasasabi ang mga ito. At sa totoo lang, hindi ko rin alam kung paano ko narating ang muling rurok ng buhay ko. Basta ang alam ko lang noon ay isa akong hamak na estudyante, kuleat pagdating sa allowance at kaibigan, medyo weirdo, walang panahon sa lovelife, at average ang grado sa eskwelahan.
Sumama pa nga ang dating ng 2009 sa akin nun nung dalawang araw na lang bago ako mag-19 anyos ay isa ang bahay namin sa milyun-milyong mga sinalanta ng bagyong Ondoy. Nasiraan ng mga damit at iba’t ibang mga gamit dahil dun. Nagkasakit pa si erpat at tito ng leptospirosis dala ng paglilinis nila sa mga estero.
Pero lahat naman ay naging matiwasay at maayos pa rin. Nakabangon pa rin.
Maliban sa morale ko bilang tao. Yung ipon kong pera (para sana sa mas kailangan kong bagay sa hinaharap), nawala bigla dahil sa panahon ng pangangailangan.
At nabago pa ang takbo ng buhay ko nung nalipat pa ako ng ibang seksyon.
Siguro nga, panahon na ito para rumonda sa sarili kong pamamaraan. Nabago ang lahat, pati ang takbo ng utak ko. Nagkaroon ng sariling barkada, sariling adhikain, at mas nagawa ko ang mga nais kong gawin sa buhay – ang magsulat at manindigan sa sariling katayuan.
Ayos naman. Kahit papano ay nagkaroon ng lakas ng loob ang sarili para makamtan ang mga ito. Nagkaroon ng pagkakataong sumali sa isang sportswriting contest, umattend ng ilang concert at event, tumakbo para sa isang marathon, at mapadpad sa kung saan-saang sulok ng Kamaynilaan – at lahat ng ito ay personal na kagustuhan ko.
At mukha ditto natuloy ang dikta ng buhay ko ah. Bagamat sa ngayon ay dumaranas ako ng depresyon, khait ilang beses akong magreklamo at maglupasay, mukhang… may nakita kong liwanag.
Maaring ordiryo na ito sa mata ng nakararami. Pero sa panahon na maraming nagrereklamo ukol sa mga samu’t saring kasawian sa buhay, bibihira lang ang panahon na maalala natin kung gaano tayo naging masaya, maging kuntento, at napupuno ng inspirasyon.
Balang araw, maalala muli kita, at sa panahon na yun, baka mas nahigitan ko na ang nadarama ko nun.
Author: slickmaster | © 2014 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment