Sunday, 16 September 2012

Load

09/15/2012 | 7:07 PM

Ako po si Jun, 21 anyos, single since birth bagama't hindi naman ako maituturing na isang ganap na desperadong romantiko. 

May nakilala ako sa internet. Siya si Glenda, 19 anyos, kakagraduate lang mula sa isang pamantasan sa kursong nursing. Pero hindi sa istorya ng pag-iibigan iikot at kuwentong ito. Saan ba? E di magbasa ka ng malaman mo.


Noong panahon kasi na pinopormahan ko ang ale, e sa Facebook at telepono lamang ang pamamaraan na possible dahil sa estado ng pamumuhay ko noon. Mag-isa lang ako namumuhay sa probinsya noon at siya naman ay nasa banding norte ng Kamynilaan.

Isang nakakapagtatakang insidente lang ang naganap sa akin noong nagdaang Sabado de Gloria. May nagpaload sa numero ko na angg halaga ay isang daang piso. Pero imbes na magtaka talaga ay nagpasalamat na lang ako sa kung sinuman iyun.

Lunes ng pagkabuhay, ito na naman. 50 pesos. Parang, aba, teka muna. Seryoso ba to? Nagtanong na ako sa mga katropa at kamag-anak ko, at ang sagot nila… HINDI POAKO/KAMI IYUN.     Aba, itong mga to? Hindi sila. Ayaw kong manghinala na may nagsisinungaling. Pero pinalampas ko na lang din.

Pangatlong pagkakataon, napag-isip-isipan ko na kumprontahin na ang sitwasyong ito. Hindi na yata biro ang paloadan ka ng 100 piso ulit na hindi mo nalalaman kung kanino nanggaling yun. Malay mo baka modus pala ng sinumang gago yan.

Tinext ko ang retailer tutal andun naman ang numero niya sa mga text messages na iyun.
At nagtanong…

“Hello. Maraming salamat p sa load. Pero maari po ba magtanong kung sino po nagpaload sa numero ko po na ito?”

Sagot niya, “Walang anuman. Pero may babae na pumunta dito. Parang bata ang itsura,. Salamat sa concern.”

Reply ko, “Ah. Taga-saan po ba?”

“Bakit ang dami mong tinatanong?”

“Naninigurado lang po ako. Sige, salamat po.”

Hindi ko na nagawang ibalik ang load niya dahil sa malamang, binayaran din naman ng sinuman iyun para sa akin. At bagamat ganun, nagpasalamat pa rin ako. Dahil kung hindi sa load na iyun, baka hindi kami nagkapalagayan ng loob ni Glenda. Nagkamabutihan, nagtangka na makipagkita pero nagkaroon gn mga aberya, hanggang sa nagkaroon nga isang matinding hidwaan, nagkawalaan na.

Hanggang sa tuluyan na hindi nakausap kahit na gamitin pa ang load sa mobile internet. Hindi na rin siya sumagot sa tawag ko nun na dati ay literal na telebabad mula alas-otso ng gabi hanggang alas-kwatro ng umaga.

Ilang buwan na ang lumipas… napadayo ako sa lugar ng aking mga kamag-anak ko na by coincidence ay malapit pala sila sa lugar na kinatitirikan nila Glenda. Akalain mo oh. Napapunta ako as isang tindahan para magpaload sa pagkakataong ito.

“Ate, paload po.”

“Magkano?”

“50 piso po.”

“Pakitype lang po ang numero mo, iho.”

Sabay tinype ko: 09273690069

Makalipas ang ilang minuto, noong nareceive ko na yung load. Nagsalita ang tindera sa akin. “Iho, ikaw pala yung taong pinapaloadan ni Glenda?”

“Ano po?” sabay tingin ko sa inbox ko at pinagmatch ko ang mga mensahe na ang petsa pa ng mga pangyayaring iyun ay Abril 7, 2012.

Sabay nagtanong ulit. “Ate, kayo po ba yung may-ari ng numerong ito?” at ipinakita ko sa kanya ang nakalagay na 09050103070 dun.

“Ay, ito nga po iyun.” Ang nasagot niya.

Sabay bigla akong kinilabutan sa mga nangyari. At sinabi pa ng tindera, “Iho, yan si Glenda.” Pinatingin niya ko sa isang dalagang palabas pa lang ng gate ng bahay nila na katapat lang pala ng tindahan na kinatatayuan ko.

Unang paglingon niya sa tindahan ay nakatitig siya sa isang tao… sa akin.

“Glenda?” ang tanging nasambit ko.

“Jun?” naman ang nabitawan mula sa bibig niya.

Nagkatinginan kami, mata sa mata. Hindi maipinta ang mukha kung paano magrereact. Parakaming mga statwa sa loob ng ilang segundo, mga rebulto na ang distansya mula sa isa’t isa ay tawiran ng isang kalye lamang.

Nagkatinginan pa rin kami, mata sa mata…. At diyan po nagtatapos ang kwentong ito.

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions.

Playback: Gloc-9 – Alalay ng Hari

09/17/2012 11:30 AM

(halaw mula sa pangalawang berso ng kantang ito)

‘Pag COLD SUMMER NIGHTS ay napapraning
MERON AKONG ANO na ‘di bading ang dating
Silang mga UBOS BIYAYA na laging lasing
Mga NILAMON NG SISTEMA na andyan pa rin
Kabulok ang nangangamoy kahit dumadaan sa korte
Sino ang kumain ng isang kilong MAHIWAGANG KAMOTE?
Kaya MGA KABABAYAN, ITO ANG GUSTO KO
Hindi ka dapat mahiya KAHIT ILONG MO AY PANGO
Kasi TAYO’Y MGA PINOY, anuman ang mangyari
May MAN FROM MANILA na palaging magsasabing
ONE CAN’T TALK PEACE IF YOU HAVE A GUN
Handa ka bang ipaglaban ang THREE STARS AND A SUN?

Hindi ko alam kung naging single na ba ito ng rapper artist ni Gloc-9 sa ngayon. Ito ay isa sa mga kanta niya na nagawa mula sa kanyang album na Mga Kwento Ng Makata na kaka-release lang ngayong taon under Universal Records. Kasama niya sa kantang ito ay si Allan Mitchell Silonga na siya naman kumanta ng chorus nito. Nagkasama na ang dalawa sa kantang Alay.

Nilarawan ni Gloc-9 dito ang iba’t ibang kwento na gusto niya ilahad. Ang kwento ng isang artistang tulad niya kung paano siya nakagawa ng kanta, nagpursige sa kanyang karera, nagustuhan ng tao at napahanga ang mga ito. Tila isang tribute ito sa isang tinaguriang master rapper, ang pinakahaligi ng rap sa Pilipinas na si Francis Magalona. Si Francis M kasi ang lubos na nakatulong kay Gloc-9 na maging isang ganap na rap artist. Isang pagtanaw ng utang na loob? Hindi lang. Pagsunod sa yapak ng isang alamat? Hmm… Basta, astig lang ng kantang ito.

Kung napanood niyo ang kwento niya sa palabas na documentary ng GMA News na iWitness, malamang, napakinggan niyo ito kahit minsan at saglit lang dun.

Nakaka-LSS (Last Song Syndrome) lang siya para sa akin ngayon dahil sa totoo lang, ito ang mas gusto kong pakinggan na mga kanta. Hindi lang ang genre ng hip-hop, kundi ang mga kantang may matitinding mensahe sa buhay. Inspirasyonal pa nga ito kung maituturing, na parang kung bibigyan mo ng magandang kahulugan e para kang nakikipag-usap sa supreme being mo. Na ‘wag kang sumuko kahit sabihan ka pa ng tao na “bakit ka ba laging kasali?”

At kung mapapansin niyo ang ilang linya mula sa kantang ito na binanggit ko sa akda po na ito, mapapansin niyo na karamihan sa mga naka-CAPITALIZED at BOLD na mga salita ay mga kanta ni Kiko, at kung hindi man ay mga ilang mga linya sa mga ito. Parang kumbaga sa mga elemnto ng rap battle bars, ito ang tinatawag na reference – ang pagtukoy sa mga pangalan na pamilyar sa hip-hop o rap. (Kung tama nga ba ang pagkakaintindi ko ayon na rin sa pag-eksplika ng isang underground rapper sa kanyang Facebook notes) at wordplay, kung paano niya nilalaro ang salita na ayon sa kanyang kagustuhan at pagkakaayos.

Maliban pa diyan, parang may patama sa mga napapanahong mga pangyayari at mga tao  ang ilang mga kataga sa kantang ito kung pag-iisipan ng malaliman ito.

Agree ako sa sinabi ng isa sa mga online buddies ko sa Facebook, ang nasabing mga kataga dun ay ang pinakamagandang part eng kantang ito.

Nang dahil sa kantang ito, mas sumasaludo ako kay Gloc-9 para sa pagtaas ng bander ng rap sa Pinas. Maliban pa sa kanyang mga nagdaang album at kanta, tunay nga na maituturing na makata ito.



Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Alaala Ng Isang Tambayan

09/15/2012 06:35 PM

Sa oras ng gabi, isa akong “batang-gala” sa kalye. Madalas nagmumuni ako mag-isa o may kasmaang barkada. Napapunta kung saan-saan, mula sa tindahan ng uncle ko, sa basketball court, sa kalapit na kainan, o sa isang computer shop lamang. At sa lahat yata ng mga computer shop na nirentahan at tinambayan ko, isa lang talaga ang nagsilbing bilang pangatlong tahanan ko.


Ilang baloke lang ang layo nito mula sa bahay ko mismo. Madalas, kada Sabado ng gabi ako napapadayo dun, mga banding alas-diyes ng gabi hanggang alas-dos ng madaling araw. Tamang chillax lang, pantakas mula sa realidad na punong puno ng thesishit, este, thesis, pagiging toxic sa mga minor subject (yung mga feeling major ba), at kung anu-ano pa. hindi pwede wala akong pangrenta nun (aba, buti na lang may natitira ako sa baon ko nun kahit 3 araw lang naman ang pasok ko).

“Kuya, pa-renta ng PC,” ang sambit k okay Brian. Siya ang una kong nakilala at nagging tropa na matanda sa akin dun. Siya din ang madalas na bantay dun. Kasama niya sa pagbabantay ang mga may-ari nug shop na sila Allister, Jourel, at Joshua.

Tanong niya, “ilang oras ka, slick?” Sagot ko naman ay “4 hours.” 10 piso lang kasi ang rate nila nun. Pero sakto lang ang bilis ng internet nila. Hindi nakakainip. Sulit ba.

Maliban sa akin andun ang mga taga-Block 2 na sila Joemar, Tutoy, Bok, John, Rhyan, Helly, Miko at marami pang iba. Pero ang mga nabanggit ko lang na tao ang madalas na makasalamuha ko dun. Sa totoo lang, sila din ang madals na mangtrip dun. Sila yung mga tipong biglang mangalabait-sabay-asar. Yun nga lang, hindi nila magawa sa akin yun dahil alam nila kung anong klaseng tao ako ‘pag nagkagulo dun.

Madalas pag nakaupo sila diun, ay nanunuod ng mga video ng FlipTop, nag-aayos ng mga profile ng kanilang mga Friendster account at ipinagyayabang pa nga mga lokong ito, nagpapatugtog ng mga kanta nila Mike Kosa, Curse One, Republikan at iba pa sa mga underground hip-hop, o minsan pa nga… ang manood ng porn. E tropa din sila ng may-ari dun e, sa tingin mo may pipigil pa bas a mga mokong? Bagamat yan algn ang hindi ko trip na gawin pag ako’y nagrerenta ng computer (asus, magagawa mo din yan baling araw e, bakit ka pa magpapainggit sa mga nakikita mo?).

Kapag hindi naman internet ang gusting gawin, nagdo-DotA sila. Pustahan, trash talk, andun na. Pero laro lang yan. Walang personalang nagaganap.

Speaking of trash talk, ayan, natutunan din nila yan sa kakanood ng mga rap battle videos gaya ng FlipTop. At dahil nga nasimula na mauso ito noong panahon na tumatambay ako dun, ayun, nakiuso din ang mga tambay. Madalas pine-playback nila yung mga laban nila Dello-at-Target, Loonie-at-Zaito, at yung kay Batas laban kay Fuego. Mayroon pa nga sila nasagap na nanggagaya e – FlipShop – at ang pinakapansinin para sa kanila ay yung kila Tinapay Masaker at Abnoy. FlipCap, Rooftop, at iba pa.

Sa sobrang pakikisuo ng mga ito e sila-sila din ang nagbabarahan. Oo, sila-sila lang dahil ayaw ko na ring sumali (o baka wala pa makatapat sa akin nun). Pero madalas nanunood at nakikibalita lang ako sa mga nangyari dun.

At madalas iba rin ang ginagawa ko kesa sa tipikal pag nagrerenta ako.  Sila, nakikipagkumpitensya sa Friendsetr profile nila. Ako? Ka-chat ang mga tropa sa Facebook. Kung ako sasabihin nilang “chickboy” e pano pa kaya ang mga ‘to? Wag ka, pare.

Maliban dun, trip ko ang maglaro ng NBA Live. Natsambahan ko nga na pagsamahin sila LeBron, Yao Ming, Dwight Howard at ang beteranong guard na si Derek Fisher sa Fantasy Draft. Saying nga lang, hindi ko natapos ang isang season ko dun na 62-0 ang record ko dahil nagreformat sila ng mga PC nila. At lahat ng mga laro, close game ang score. (Ano ‘kala nyo, “starter” lang ang skill ko?)

At maliban pa dun, magdownload ng MP3 at mag-edit ng video. Kung tipikal na trip lang ang usapan, ang 4 na oras ko ay nauubos sa Yahoo! Messenger, Facebook, at soundtrip sa YouTube. As in yung sinabi ko nung una, CHILLAX mode lang. Wala akong pakialam sa mundo nun. Ang gusto ko lang ay ma-destress sa lahat-lahat ng mga nangyayari.

Pag sinabing “time na” ako, well, out na talaga. Pero hindi pa ko lumalabas ng shop niyan. Madalas, pampaantok pa na usapan naming ng mga tropa ko. Kaya nga minsan nabansagan kami na “lee boys.” Actually, halos tunog-wholesome lang bagamat ako ang pinakamalinis pa rin ang konsensya kesas a mga ito. Ha ha!

Pero nakakamiss din pala yun. Yung minsan, nanalo ako sa isang school event, sila pa ang mga unang nakakalam dahil tumambay ako sa kanila ng alas-2:30 ng madaling araw, kakagaling lang mula Maynila nun at dala-dala ko ang trophy ko nun. Yung tipong nagpakalasing ako sa kanila nun dahil birthday ko.. (E nagpakatotoo lang ako nun ano? Sabi ko kasi imagpapainom ako nun e.) Pero yun ay nung panahon na wala na ang computer shop na tinatambayan, sala na lang siya ng bahay at tinatambayan pa rin ng ilan sa amin.

Nakakamiss din pala. Matagal-tagal na rin yun. Hanggang sa dalawang malapit na computer shop na lang ang madalas na pinupuntahan ko. Maliban dun, tambay sa court, nakiki-“bek-shoot” sa mga kumag, o kasama ang isang tropa sa ibang block na nakikipaglaro ng chess, nakikiangkas sa delivery ng tubig, nagbibiskileta at iba pa. hay, buhay.

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Thursday, 13 September 2012

EPAL.

Epal. Isang salita na tumutukoy sa taong pagiging mapapel, yung mga sobrang papansin, at laging nakikisale(?).

Uso na naman ang salitang “epal.” Aba, parang noong bata ako, isa ito sa mga salita namin sa asaran ah. Pero bakit nga ba nauuso ito ulit?

Ikaw ba naman ang isa sa milyun-milyon na mga taong nagbabayad ng buwis dito sa Pilipinas e. At saan nga ba napupunta ang buwis mo? THIS IS WHERE YOUR TAXES GO! *sabay turo sa tarpaulin ng isang pultiko* Ayos ba?

Ilang beses na itong inalmahan ngayong taon. Mayroon pa nga iba dyan, ang ganda ng billboard pero nakasampa sa kawad ng kuryente. Aba, kung hindi ba naman delikado iyan? At meron nga dyan, ang ganda-ganda ng pagkalay-out niyan, pero ang pangit naman ng proyektong nagawa. At kung mamalas-malasin pa, over-due na sa deadline o target date ang proyekto pero hindi pa rin natatapos. ANYARE? Asan na ang buwis na binabayad ng taumbayan, mga nakaka-buwis-it, este, bwisit kayo ha?

Isang buwan ang nakalipas, noong panahon na sinalanta ang Kalakhang Maynila ng hanging Habagat, naglabasan ang mga relief goods na may brand – at ang brand nay un ay dalawang bagay lang: (1) pangalan ng pultiko, o (2) mukha niya. Aba, may nauso pa ngang bigas nun na ipinangalan sa isang pulitko ha. Teka, tumutulong ba talaga kayo o namumulitika na? Hindi pa man ganap na labag sa batas kung sa teknikaliad ang usapan ang ginawang tila pangangampanya ng mga ito, pero mga sir, ilagay naman sana natin sa lugar ang ganyan, ano po?

Noong namatay si DILG Secretary Jessie Robredo, umaapaw ang simpatya ng mga personalidad mula sa larangan ng pulitka. Pero may isang matinding pinuna ang mga netizens sa mga social networking sites. Ang pagtapal, este, paglagay daw ng pangalan at posisyon ng isang tao dyan sa Quezon City sa bandang ibaba ng larawan ng pakikiramay sa namayapang DILG secretary.

Ilan lang ang mga nabanggit sa mga sitwasyon na mahahalintulad sa “epal.” Kaya siguro maganda na rin na ipasa ang Senate Bill 1967 a.k.a. Act Prohibiting Public Officers from Claiming Credit through Signage Announcing a Public Works Project ni Senator Miriam Defensor-Santiago, o mas kilala bilang “Anti-Epal Bill.” At maraming sumosuporta dito, mula sa ilang mga netizens hanggang sa mga kaparian mula sa Simbahang Katolika ng bansa.

Pero sa isang episode ng palabas na REAKSYON kasama si Luchi Cruz-Valdes na umere na ilang linggo na ang nakakalipas, umalma ang ilang mga pulitiko ukol dito. Sabagay, paano ka nga naman maalala ng mga tao ang pagtulong mo? Pero ang dating kasi e, parang may kapalit e. At ayon sa OMNIBUS ELECTION CODE…

Sec. 80. Election campaign or partisan political activity outside campaign period. - It shall be unlawful for any person, whether or not a voter or candidate, or for any party, or association of persons, to engage in an election campaign or partisan political activity except during the campaign period.

Ano ang ibig sabihin nito? BAWAL MANGAMPANYA pag hindi pa panahon ng pangangampanya. Ganun kasimple.


Hmmm…. Sa tingin ko, dapat talaga maipasa iyan. Nang matigil-tigil na ang pagiging mapapel ng mga nasa lokal na gobyerno. Ang pangulo nga natin ngayon, hindi ginagawa iyan e. Noong nakaraang administrasyon, oo sa kada imprastraktura na proyekto ng DPWH. Gawa muna bago salita. Makikilala ka naman ng tao kahit ano ang gawin mo e, pero mas maganda kung sa mga proyekto mo, hindi mo ipapangalandakan ang pangalan at mukha mo dahil kaming mga mamayan ang nagbabayad niyan. Pera ng bayan yan kahit ang ilan sa amin na hindi lehitimong taxpayer, e sa mga seribsyong may VAT naman tumatangkilik (which means, nagbabayan pa rin dahil Value-Added Tax yun. At ano ang TAX pala, aber?)

Kahit papaano ay may kabuluhan pala ang batas na ito, ganun? Sige, ipasa na yang Anti-EPAL bill na iyan!

09/14/2012
10:50 a.m.
Author: slickmaster

Source:
http://newsinfo.inquirer.net/tag/anti-epal-bill
http://www.comelec.gov.ph/?r=laws/OmnibusElectionCode/OECArt10

© 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 11 September 2012

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig...

Sa totoo lang, kumplikado nga ba, o ‘yung mga tao lang ang nagpapagulo nito? Extreme emotions kasi ang kayang idulot ng pag-ibig sa iloang mga tao e, depende na iyan kung kasiyahan ba o kabiguan.

Pero sa kabilang banda, iba din ang takbo ng isip ng bawat tao. Kaya kahit magpaka-mind-reader ka pa, walang katiyakan. Lahat ay nagbabago sa kada tika ng oras.

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig, walang dahilan may kayang magpaliwanang kung bakit minamahal mo siya. Mas nararamdaman ito kasi kaysa sa iniisip. Pwedeng may maisagot naman, pero hindi ito tiyak o konkreto. Hindi nito matutugunan ng ganap ang pag-crave ng tao sa paghahanap ng kasagutan. Ganda ng itsura? Kabaitan? Kaya kang buhayin? Aba, ano pa ba?

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig, hindi kayang tumbasan ng mga material na bagay ang nararamdaman mo sa kanya. May rosas ka nga, tsokolate, at DVD ng paborito niyang pelikula. Pero ang tanong, mapi-please ba siya sa mga ganyang bagay? Mapapamahal mo ba siya? Yung iba nga dyan, nahuhulog na matapos lang mag “good morning” sa kanya, ke sa text man yan, sa chat, sa tawag ng telepono, o sa personal man sabihin. Yung iba nga dyan, kahit bati lang, sinagot na kagad e. pero hindi yan PBB teens, ha? Para sa kanila, iba na ang dating nun.

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig, lagging naiiba ang takbo ng oras niyong dalawa. Minsan, ok kayo… at minsan naman, hindi. One moment ang sweet niyong dalawa, and the next time around, may sigalot. Natural na iyun. Parte na ng buhay iyan. Wala naming permanenteng bagay sa mundong ito e.

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig, ang maliliit na bagay, nagiging malaki. Akala mo hindi ka mapapaselos sa tropa niya na sobrang close sa kanya o kahit ultimo sa isang mukhang paa na lumalandi sa kanya. Nag-“hi” nga lang siya, napapag-awayan na ng iba dyan e. Ang mga mababaw na bagay, napapag-initan. Ang mga simpleng unawaan na lang sana ay nagiging kumplikado tuloy.

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig, ang pinapangarap mo na FOREVER, nawala na parang isang bula nang dahil sa isang iglap… as in naglaho… as in NEVER-MORE. (sounds “quote the raven” ba?) Kasi ito lang naman iyan e. Ang samahan na produkto ng romantikong pag-ibig (o relasyon) ay may dalawang bagay na kinahihinatnan: (1) Walang hanggan, as in “‘til death do us part” (p.s. no disrespect sa pamagat ng palabas na iyun) o (2) Walang katiyakan kung gaano magtatagal. May pagkakaiba ba? Meron kasi as long as matibay pa ang nararamdaman at pakikisama niyo sa isa’t isa, talaganag kakayanin niyo ang maging magkatuwang.

Pero bakit ang mga mag-asawa, kahit wala na ang romatikong ginagawa, e sila pa rin? E nagsumpaan sila e. kaya nga may kasal, ‘di ba? Pero ang romance kasi nawawala e. Ang natitira, friendship. Pero nagiging malalim iyan, at nauunawaaan na nila. Siyempre, kilala na nila ang isa’t isa e. At ang pinakapundasyon ng pagmamahalan ay ang kanilang pagiging mag-kaibigan.

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig, kahit sinasampal na nga sa iyo ng mga tropa mo ang mga sagot sa mga pinoproblema mo sa kanya, hindi pa rin malinaw ang lahat. Oo, Malabo pa rin hangga’t hindi siya mismo ang nagsasabi niyan sa harap mo mismo. Maari nga na present na ang mga senyales na hindi na siya interesado sa iyo. Maari nga na nakailang payo na sa iyo ang iyong mga kaibigan at ang mga sinasabi nila ay “tigilan mo na siya.” Pero hangga’t hindi siya mismo ang nagasalita, hindi ka matatauhan. Hanggang hindi mo naririnig ang mga katagang “tama na,” magho-hold on ka pa rin sa kanya. Nakakatanga ba? Hmmm… wala akong karapatan na isumbat iyan sa iyo dahil magkaiba tayo ng kamalayan. At kahit ilang beses ka pang humingi ng payo kila Papa Jack o Joe D’ Mango at iba pa, e kung hindi mo naman kayang gawin, e what’s the use of advice? Para saan? Wala pa rin.

Sa sobrang kumplikado ng pag-ibig, hindi madaling isambit ang mga salitang “naka-move on” ka na, lalo na kung hindi ka pa talaga sigurado sa mga nararamdaman mo. Dahil baka minsan, bigla siya magpakita sa iyo at nagtangka makipagbalikan sa iyo, baka kahit isa sa sampung beses dyan e kiligin ka pa. May kasabihan na “past is past. You can’t bring it back anymore” Pero on the contrary, may kasabihan din na “love is sweeter the second time around.” Depende nga lang kung hanggang ilang pagkakataon ang kaya mong ibigay. Dahil pag-umabuso yan, it’s zero tolerance time na dapat. Dahil kawawa ka naman o. Literal, masasabihan ka talaga na “tanga.”

At kahit basahin mo pa ng ilang beses ang blog na ito pati na rin ang ibang mga artikulo na tungkol sa kumplikadong estado ng pag-ibig, tiyak na hindi mo ito basta-basta na maiintindihan lalo na kapag nasa ganung estado ka na. magulo nga e. kaya nga “it’s complicated,” ‘di ba? Buti pa ang ka-relationship status ng tropa ko na si pareng toilet bowl…. It’s constipated.

Author: slickmaster | date: 08/02/2012 | time: 04:36 p.m.

Monday, 10 September 2012

OPM IS DEAD? I DON’T THINK SO.

Aba, ang musika ng Pilipino, mamamatay?

Ows, hindi nga?

Sa totoo lang, hindi ako isang maalam na tao sa musika. In fact, isang hamak na music lover lang po ako. At sadayng opinonated na tao. Pero para sabihin na patay na ang Original Pilipino Music? Teka, parang kaduda-duda yata yan ah.

Kamakailan lang, naglabasan ang mga artikulo na naglalahad ng kani-kanilang mga opinyon na tila bumabagsak na daw ang local music industry sa Pilipinas. At sa reaksyon ng karamihan ng mayorya, pinutakte ang artikulong “OPM is dead, so sue me” ng GMA News*. Tila hindi nila ito nagustuhan, at yung iba dyan, as usual... (naku, asa pa kong mawawala ang mga putok-sa-buho na iyan ano?) mga wala sa hulog na banat na kung tumira.

Sa totoo lang, may punto rin kung bakit nila maituturing na patay na para sa kanila ang musika sa Pinas. Sa trend kasi ngayon, usong-uso ang mga revival, at mahahlata mo iyan sa kaliwa’t kanang mga cover sa YouTube na nagiging avenue na rin para sa mga ilang artista para sumikat at gumawa ng sariling record.

Kung makikinig ka ng mga radyo sa ngayon, ano ang madalas mong mapapakinggan, maliban sa mga tulad ng K-Pop, iba pang mga musikang pang-banyaga na galing sa mga bansa sa Europa at Estados Unidos, at ang mga nakakakuliling sa tenga na mga novelty na kanta, isama mo na ang mga romantikong ballad dyan na gasgas na sa tenga. Mga halatang pang-benta lang na bagay at isama mo na rin dyan ang mga artista mula sa ibang panig ng showbiz na hindi ko alam kung nahasa ba talaga ito sa laranagan ng pagkanta o para may dagdag pogi o ganda points lang.

Isa pang malaking dagok dyan ay yung pag-sara ng isang recording company na tila isang knock-out sa indutriya, kumeptisyon sa negosyo at karera ng mga talent at mga prospect.

Pero sapat na ba iyan para sabihin na patay na ang OPM?

Sa tingin ko, hindi. Oo, HINDI talaga. At marami pang mga bagay dyan ang magpapatunay kung bakit buhay na buhay talaga ang OPM.

Maraming mga lokal na mang-aawit ang nagtatagumpay sa pakikipagsaparalan sa ibayong dagat at may magagandang karera pa sa mga nasabing lugar. Isa pa, world-class kaya ang talent ng mga Pinoy.

Kung pagbabasehan mo ang mainstream, e marami kayang mga artista ang namamayagpag sa indusriya. Be it rapper, soloist, romantic balladeer, at mga banda. Siguro kung may kulang sa mga ganuitong bagay? Yun yung mga kanta na may kabuluhan. Yung mga may mensahe. Hindi lang yung pang-benta lang. Society needs, ika nga, instead of their wants. Kelangan ang mga ganyang klaseng musika ng exposure. Maraming mga magagaling, dyan lang sila kulang... sa pagpansin ng nakararami. Kung papansin mo kasi ang mga ipinapakita ng media sa iyo ngayon, e... karamihan dyan, panay hangin ang laman e. Walang kalidad ba. Yung iba, pinasikat kahit hindi pa ganun kahasa. Yan siguro ang bad side. I mean, baka maituturing pa na naghihingalo na ang OPM industry dahil dyan. Pero linawin ko lang ha. Sa mainstream yan. Kung pangkalahatan ang usapan, iba ang sitwasyon.

Ito lang siguro, ano po. Bago mo sabihin na patay na ang OPM, subukan mo munang gumala sa gabi, papunta sa mga bar dyan tulad ng 19 East, 70s Bistro, Cafe Lupe, Blue Wave, Metrowalk, at iba pa. At baka doon mo lang malaman na buhay na buhay ang musika sa Pinasn kahit alam natin kung gaani kahirap ang mag-produce ng album kung pera-pera ang usapan. Hindi lang pang-Pop ang OPM. Maraming mga may magagaling at may potensyal kesa sa mga ipinapakita sa TV at naririnig sa radyo.

At buti na lang, may mga magagandang hakbang pa at least ang ginagawa ng mga taga-mainstream. May ginanap na song-writing contest, may mga event para i-promote ang kani-kanilang mga genre, at ultimo ang website na pwede ka na bumuli ng mga kanta sa tingi na halaga. Kahit sabihin na natin na “parang iTunes lang e” mas ok naman na ang ganito kesa sa umasa sa mga libre pero ilegal na download. Buti sana kung pinayagan yan ng mga artista mismo. Sabihin man antin na “it’s business, after all” e may beneficial factor naman para sa parehong mang-aawit at mga tagapakinig na hindi kayang higitan ng halaga ng pera.

Isa pang bira, kung sinumana nag nagsabi na OPM is dead, e... wala tayong magagawa. Opinyon niya yan e. Pero mawalang galang lang din, sa tingin ko may mga punto na tama sa sinabi niya PERO KARAMIHAN DUN AY KAYANG PATUNAYAN NG REALIDAD NG BUHAY NA HINDI NAKIKITA NG LENTE O NAPAPAKINGGAN SA RADYO NA WALIWAS SA OPINYON NIYA. Pero bagamat taliwas ang aking pananaw sa sinabi niya, nirerespeto ko iyun at naiintindihan. Hindi natin kailangan na masyadong mag-rant para lang mapatunayan na mali siya. At huwag din natin siya personalin at maging sadista. Diyan tayo sasablay.

Inuulit ko po. Hindi po patay ang industriya ng Orihinal na Pilipinong Musika. In fact, buhay na buhay pa nga ito. At darating din ang panahon na aangat pa lalo ang OPM.

http://www.gmanetwork.com/news/story/271491/opinion/blogs/opm-is-dead-so-sue-me


Author: slickmaster | Date: 09-10-2011 | Time: 05.31 p.m.

Sunday, 2 September 2012

Ang SIRENA ni Gloc (Playback: Gloc-9 – Sirena)

09/02/2012 | 09: 04 p.m.


Unang single mula sa kanyang latest album under Universal Records na “Mga Kuwento ng Makata,” ang kantang “Sirena” ni Aristotle Pollisco, mas kilala bilang si Gloc-9 ay isang kanta na tumatalakay sa isyu ng pagiging “bakla” ng isang tao sa mundo na kanyang ginagalawan. Kasama ni Gloc-9 sa kantang ito ang dating bokalista ng bandang Sugarfree na si Ebe Dancel.

Isa sa mga kantang pumatok ngayon mula sa social media, mga hits sa YouTube hanggang sa isang music channel kung saan ay naging numero uno ito sa music chart doon.

Ayon sa panayam kay Dancel ng music channel na MYX, sinasalamin nito ang buhay ng isang bakla, mula pagkabata niya hanggang sa panahaon na mamamatay na ang kanyang Ama. Kung mapapanood mo yung music video na ito, ang ama niya ay ang pinakakontra sa kanyang ginawa na maging bakla siya. Pero sa bandang huling parte ng kantang ito, maririnig mo na humihingi ang ama ng tawad sa kanyang nagawa. Aba, ikaw ba naman ang ilublob sa drum na may tubig ng ilang beses e.

Hmmm…. Hindi man ako totally na avid fan ni Gloc-9. In fact, mas iniidolo ko pa nga si Ebe Dancel e. Pero hinangaan ko ang rapper dahil sa mga kanta niya na sadyang “may sense” kaqtulad ng isang alamt sa rap music na si Francis Magalona. As in, ang lupit e. Kaya noong bago ko ko ito, ilang beses ko muna itong pinapakinggan sa YouTube (total hindi ko naman naabutan ang MYX sa Studio 23 at maliban dun, wala man akong cable).

Ito lang siguro sa akin, ano po. Karamihan sa mga kanta na tumatalakay sa buhay ng isang homosekswal ay nasa “third point view of perspective.” Ito, naiiba siya. First person point of view. Halos kahalintulad niya ay ang mga kantang “Hindi Ako Bakla” ni Michael V, at “Modelong Charing” ni Bladyak. Ibig sabihin, siya mismo ang naglalahad ng kwento niya.

Kakaiba ito considering na isa sa mga napakakumplikadong isyu ay ang gender discrimination, lalo na sa mga third sex. Sa kantang “Sirena” nilahad ni Gloc at ni Ebe kung paano naging matatag ang isang bakla, bading, beki o kung ano pa man ang termino nila diyan. Kung paano siya na nag-stand out sa pangungutya at pagdiskrimina sa kanya. Kung paano niya nilabanan ang mga ito. Magaling ang pag-uplift ng mga nabanggit na artista sa kanila. Mantakin mo, ha? Na-featured sa videong ito ang Ang Ladlad patylist na pinangungunahan ng isa sa pinapakinggan ko sa Radyo5 na si Danton Remoto at kabilang din ang TV host ng ABS-CBN na si Boy Abunda. At huwag mong mamaaliitin ang tulad nila, dahil ika nga ni Gloc-9, “'di sinusukat ang tapang at ang bigote sa mukha, dahil kung minsan mas lalake pa sa lalake ang bakla.” Which is, totoo din naman, lalo na sa panahon ngayon. May mga lalaki nga dyan, pero mas duwag pa sa bakla kung umasta sa mga responsibilidad na hinaharap nila. Tunay na ang mga tao sa ikatlong sex ay dapat na nirerespeto, at nakamtan nila ito sa kantang “Sirena.”

Isa na naman ito sa mga magaganda at may kabuluhang mga kanta, hindi lang ni Gloc-9, pati na rin ng nasa industriya ng musika. Sa totoo lang, ito ang mga dapat pakinggan pa ng karamihan, at dapat na pino-produce na mga kanta. Kaya, saludo ako kay Gloc-9 at Ebe Dancel sa pagput-up ng kantang ito.

REFERENCES:
http://www.myxph.com/features/3734/gloc-9-tackles-gay-issues-on-new-song/
http://www.myxph.com/features/3933/sirena-is-1-on-the-daily-top-10-can-you-relate-to-the-song-and-music-video/
http://soulfiesta.blogspot.com/2012/07/gloc-9s-new-song-sirena-is-about-gay.html
http://www.justinbreathes.com/music/gloc-9-sirena-ebe-dancel/
http://pinoytuner.com/news/view/1285/46/yoradio/gloc_9_on_ldquo_sirena_rdquo_and_other_street_tales
http://vandalsonthewall.blogspot.com/2012/08/new-track-gloc-9-feat-ebe-dancel-sirena.html

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions.