Showing posts with label politics. Show all posts
Showing posts with label politics. Show all posts

Sunday, 20 July 2014

"Saan Po Kayo Kumukuha Ng Kapal Ng Mukha?"

7/12/2014 10:31:08 AM

Ito ang narinig  mo sa State of the Nation Addres ng Kuya mo last year (Lunes yun to be exact, July 22, 2013).

Manila Bulletin, philipinenewscentral.wordpress.com

“Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha?”

Hanep. Panalong soundbyte ah. Pwedeng gawing ringtone pag may nagtetext sa yo na alam mo na isang tiwaling tao, o manlolokong ex, o yung plastik mong kaibigan.

Parang minsan maiisip mo na lang: saan kaya may ganun? Wala sa tindahan eh, sa supermarket, o sa wet and dry market, o kahit sa mga underground shops, o warehouse na may illegal na droga?

Nasa ilalim kaya ito ng dagat? O nakatago sa mga magma ng bulkan, o nakabaon kaya ito sa sementeryong walang puntod? O baka naman sa outer space?

Pero seryosong usapan lang (as in pulitikal), lumabas ang ganitong tirada noong may pinapatamaan siya sa mga tila tiwaling ahensya noon (di nga lang ako sigurado kung DPWH yun o Bureau of Customs).


Pero, sa panahon na ito, akmang-akma yun ah. Oo, mararaming makakapal ang mukha sa lipunan natin, at hindi lang ito yung mga nakaupo sa alinmang opisina ng pamahalaan ha?

Minsan naiisip ko, masarap siguro itanong yan sa mga kupal sa ating lugar. Oo, yung mga tipon:

Kina-cut sa mula sa blind side tapos sila pa ang may ganang magalit sa ‘yo at hahamunin ka pang manu-a-mano oara pandagdag danyos. Tangina lang eh no?

Yung mga nagnanakaw sa kaban ng bayan (pero siyempre, sino ba namang aamin sa kalokohang yun), pati yung mga nanlalamang sa mga customer nila, pati na rin sa kapwa nila, yung namumulitika sa opisina. Yung mga tipong hindi pumasok dahil may sakit raw siya (pero actually, ang sakit niya ay “katam” — short for katamaran.)

Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha?

Pero mas applicable ito sa mga larangan ng pamhalaan. Kasagsagan rin kasi ito nun ng pork barrel scam. Nakapagtataka nga naman, kasi yung mga snatcher, holdaper na mula sa mabababang antas ng pamumuhay ay nakukulong at nabubulok talaga sa kulungan (maliban na lang kung may taga-bail sila sa sindikato, o bata sila ng ilang kapulisan), tapos katiting lang ang nakukuha nila ha?

Kung ikukumpara yan sa mga high-profile? Wag ka, mga pare’t mare, parang hotel room lang ang detention facility nila. Tapos sikat pa sila lalo, kulang na lang ay tuluyang i-glorify pa ng mainstream media.

Saan kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga ito?

Pahingi naman, nakakahiya naman sa inyo ha?

Author: slickmaster |© 2014 september twenty-eight productions

Tuesday, 17 June 2014

Senadong Loko-loko

06/13/14  03:51:10 PM 

Ito na yata ang kakahinatnan natin matapos tayong mauto sa kanilang mabulaklak na salita sa ere at markahan ang panagalan nila sa balota. Akala kasi natin ay may ibubuga talaga ang kasikatan nila pag sila'y niluklok natin sa kani-kanilang mga upuan sa opisina. Akala natin, may makukuha tayong kapaki-pakinabang para sa bayan/lungsod/lalawigan na kinagisnan natin, at sa mas mahalaga at malawakang sakop, sa buong bansa.

Ops, 'wag mo kong hiritan ng “'Wag mo kong idamay d'yan!” Tarantadong hipokritong 'to. May kasalanan ka pa rin dito dahil kabilang ka pa rin bilang mamamayan ng republikang ito.

Sa mga resulta ng eleksyon natin malalaman ang ganitong klaseng polisiya: “kasalanan ng isa, kasalanan ng lahat.” Parang noong elementarya't high school lang, eh no? Pag may ginawang kagaguhan ang isa mong kaklase at pumutok ang butsi ng titser mo dahil dun (na mas matindi pa kapag siya ay nagkaroon ng menstruation period nun o dili naman kaya'y pag nag-away sila ng jowa o asawa niya), ay tiyak na matunog na sermon ang maririnig mo. Oo, kahit alam ko na pagkatapos ng “scolding session 101” n'yo ay pustahan—parang walang nangyari lang ah.

Pero balik tayo sa mga naganap (simpleng analogy o metaphor pa lang ay humahaba na naman ang usapang ito). May privilege speech na naganap, tapos nagtapos sa isang “song number.” At take note, sariling kumposisyon pa n'ya yun. As in daig pa niya yung mga artista na pangit na nga ng tinig pero 'wag ka, nakakabenta ng concert at CDs (ahhh... “[insert name of that kind of artist] WHO?!”)

Kaya nauso rin ang hashtag na “#BongPanes.” Asus, ang tagal-tagal na ng pariralang yan eh (maliban sa pagagamit ng pangalan bilang reference siyempre).

Yun nga lang, mabenta nga siya. Kaso sa pangungutya. Ano pa bang maasahan mo? Una, ang karamihan sa mga sentimyento ng mga netizens ay halos walang pinagkaiba sa tipikal na alingawngaw ng mga literal na ordinaryong nilalang (maliban pa yan sa dahilan na parehong klase lang ng tao ang tinutukoy ko). Sa madaling sabi, galit ang mga tao sa gobyerno—at yan ang masaklap na katotohanan, kahit may argumento rin na “bakit tayo magagalit sa kanila, eh dapat ay magalit tayo sa kapwa natin,” bagay na naiintindihan ko kasi may ganun din akong punto de vista.

Yan pa kasi binoto natin eh. Actually, pwede ko ring sabihing “n'yo” dahil hindi ko rin naman siya nilista gaya na lamang ng mga taong umaangal ng “wag ako, iba na lang.” Kaso maliban pa sa mga birahan ng “hipokrito,” kung generalization ang usapan, ay sorry na lang din ako. Damay-damay na.

Yan kasi napapala natin eh. Kung sino ang sikat, yun ang binoboto. Kahit wala pa siyang napapatunayan talaga. Basta matunog ang pangalan, ika nga ng isang telecomuunications company, go lang ng go.

Yung isa naman, nagprivilege speech din, kaso maliban sa mga panalong soundbyte na gagawan na naman ng mga tao ng kani-kanilang version ng rebuttal (take note: hindi mo kailangan maging sing-galing ni Dello para lang gawin yun. At sino si Dello? Manood ka ng ilan sa mga sinaunang video ng FlipTop nang malaman mo), ay isang napakaboring na presentasyon lang. Buti pa nga yung isa may soung number na pangkaraoke eh.

Alam ko, anak ng dating artista yan na naging presidente rin ng Pilipinas at ngayon ay alkalde na ng Maynila. Kaya siguro may kaugnayan pa rin ang dugong Showbiz sa kanila.

Pero, ayun, aarestuhin na raw sila. Ano ngayon? Aba'y ewan ko. Ngunit, aasahan ba natin na mananaig talaga ang hustisya na yun, sa lipunan na mararaming maruruming tao ang naglalaro, asa pa no.

Maari na ang punto rito ay ganun sana. Kaso magsisilbi na naman yun na leksyon sa atin (kabilang sa mga aralin na hindi natin magawang ipasa) na mangilatis sa pagboto sa mga kanidatong ihahalal natin. Oo, tama nga yung kuya mo, na hindi tayo nagpapadala sa mga tao na kumakanta lang. Kaso... eh?! Labo din nun eh. Kitam mo nga yung ibang mahahalagang batas at proyekto ayu inaabot na rin ng siyam-siyam.

Yan pa kasi binoto natin eh. Yan tuloy. Kung kaya lang magwikang Tagalog ng mag elitista at katutubo na taliwas sa kamalayang kinagisnan natin, baka ang masasabi lang nila ay “BOOM PANIS!” At malamang, mas pagtutunan na lamang nila ng pansin ang mga may katuturang bagay kesa sa kasalukuyang mundo ng pulitika na nagiging isa nang malaking moro-moro't sarswela.

Oo, ganun nga sila sa ngayon, kaso taob pa rin sila sa mga hit na teleserye sa panahon ngayon.

Author: slickmaster | ©2014 september twenty-eight productions

Wednesday, 21 November 2012

10 signs of an EPAL-ITIKO, (as seen on T3’s ANLABO NIYO!)

Ang blog na ito ay may halaw na mga konspeto at konteksto mula sa isang Anlabo Niyo segment na umere sa Nobyembre 5, 2012 na episode ng palabas na T3 sa TV5.

Nalalapit na ang eleksyon, dumarami na naman ang mga manliligaw sa bawat puso at isipan ng bawat botante. Pero, ang iilan naman sa mga ito ay tila walang delikadesa. Parang hindi yata nabasa ng mga ito ang tinatawag na Omnibus Election Code o hindi sila aware kung kelan ang campaigning period o ang panahon para pormal na magpakilala sa kanilang mga liligawan.

Kung si Mr. BITAG Ben Tulfo ang susundin, narito ang sampung bagong gimik ng mga epalitiko na nakunan ng palabas na T3.

Well, ano ang 10 tips na ito para maisapatan ang pulitko. As in ispatan lamang ang 10 bagay na... well, bagong gimik nila.

#10 – Mga sumasakay sa HAPPY FIESTA na mga tarpaulin, o kung ano pa man na pagbati iyan.Ito ang pinakatradisyonal sa lahat. Kumbaga sa plaka, sira na ‘to at sobrang gasgas! At ito ang pinakatumpak na halimbawa ng “riding the bandwagon… political style.”

#9 – Mga libreng school supplies, gaya ng notebook, lapis, at bag. Teka, matanong lang, sa inyo ba talaga nanggaling yan o sa budget ng bayang pinaglilingkuran niyo? Yung naka-allot na para sa edukasyon ng mga bata dun? Kasi kung yun ang sagot, ay… hindi po tama yan. Pera pala naming yan, ‘wag niyong angkinin! Lalo na kung mas malaki pa pala ang size ng mukha n’yo kesa sa litrato ng estudyante mismo sa kada ID ng mga ito. Sino ba talaga gagamit niyan?

#8 – Mga libreng gamot. Serbisyo pangginhawa ba, o pampastress lalo, kagaya ng sinabi ng voice-over?
#7 – Dextrose.  Aba, pambihira naman iyan! Nakatapal ang muka ng congresswoman?

#6 – Mga sasakyan, mula sa mga pangserbisyo ng gobyerno kagaya ng ambulansya, hanggang sa mga pampasaherong sasakyan tulad ng bus, at kahit ultimo ang mga tricycle at… pedicab! Ano, tara, sakay na! (Parang tunog lang ng dating TV commercial na SuperFerry ‘to ha.)

#5 – Basurahan.Kung amoy kampanya lang naman ang usapan, e di… tapon na nga ‘tong mga epal na ‘to. Pambihira, pati naman basurahan papatusin niyo?

#4 – Kape, lalo na yung mga tulad ng 3-in-1 mix. Ang dami nang kakumpetisyon nito sa merkado, goodluck sa stratehiya mong yan, Congressman.

#3 – Mga palaman tulad ng peanut butter. Para sa mala-epal na palaman at epal na panlasa. Ay, bawal kami dyan. Hindi ako kumakain ng masamang damo… este, palaman sa tinapay e.

#2 – Award trophy.Sa isang award trophy na para sa mga guro, may nakatapal na sirkuladong pigura na may mukha ni Mayora. Teka, sino ba ang nanalo, yung mga guro o si Mayora? Labo.

#1 – Kornik, at hand sanitizer. Pag kumain ka nito, iboboto mo si Congressman. At hindi iyan corny ha? Maghugas ka na rin ng kamay gamit ang sanitizer niya? (sabay turo sa… well, hand sanitizer na may mukha ng pulitiko.) Literal, HUGAS-KAMAY.

Ito naman ang akin. Yung nasa #10, since time in memorial pa andyan yan e, pati na rin yung mga nasa #s 9 at 6. Pero the rest? Bago sa paningin ko ha. Sabagay, may mga produkto talaga na ginagawang taktika pagdating ng pangangampanya.

Kung maalala ko, di ba dapat ibinibigay lang ang mga ito kapag panahon na ng pangangampanya? Hindi pa naman panahon ito para sa pagpapansin nila ha?

Well… ganun talaga… pero…

ANG LABO NIYO! Kaya nga dapat siguro ipasa na ang Anti-EPAL bill ni Senator Miriam Defensor-Santiago, dahil pumapapel na naman ang mga kenkoy ng wala naman sa tamang hulog.

Panoorin ng buo sa video na ito. (Courtesy:http://www.youtube.com/user/news5philippines)


8:50 p.m. 11/21/2012
Author: slick master | © 2012 september twenty-eight productions.

Sunday, 18 November 2012

Silang mga KENKOY.

“Hoy, hoy, hoy! Mister Kenkoy, bakit ka nangangamoy? Hoy, hoy, hoy, Mister Kenkoy! Ikaw ay nangangamoy kenkoy!”
Ang nasabing linya ay halaw mula sa (circa) 1976 na kanta ni Mike Hanopol - ang “Mr. Kenkoy.” Lumabas ito sa kanyang iba’t ibang mga compilation of hits album.
Isang kanta na sumasalamin sa kabulukan ng isang tao sa kanyang lipunang ginagalawan. Halaw sa impluwensya ng isang komikal na tauhan sa pahayagan ang salitang “Kenkoy.”


Unang lumabas ang salitang ito bilang monicker ng isang cartoon character na nilikha nila Romualdo Ramos, isang batikang manunulat at ng isang cartoonist na si Antonio “Tony”  Velasquez noong 1929 na nagngangala’y Francisco “Kenkoy” Harabas, at tinaguriang unang tunay na pop icon ng Pilipino. Ang ibig sabihin ng naturang salita ay isang nakakatawang tao, as in “joker” o “jester” ba.

Pero hindi lang sa patawa ang pinakapatutsada ng antigong kanta na ito, dahil kung maalala niyo ang panahon ng dekada ’70, ito ay ang panahon na nagsisilabasan ang mga mga palabas at kanta na may mala-pulitikang tema. Isa ang Mr. Kenkoy sa mga ito, at makikita ito sa lyrics niya.

At mapahanggang ngayon, applicable pa rin ang kantang ito. Dahil marami pa rin ang mga umaastang kenkoy sa lipunang ito. Siya, ako, ikaw, tayong lahat (maliban na lang kung ikaw ay likas na malinis ang budhi at sadyang napakaseryosong tao). Pero matinong usapan ba? Marami diyan.

Mula sa mga nagpapakatanga sa mainstream para lang sumikat; mga pulitikong mandarambong; mga mababango ang dila pero ang babaho naman ng mga motibo sa buhay; mga nagtatago ng kanya-kanyang mga kagaguhang nagawa sa kapwa man at/o sa lipunan, ke isa kang ordinaryong nilalang o kilala sa lipunang ginagalawan; mga nasobrahan sa pagtakas sa problema ng kanyang realidad; mga nasobrahan sa pakapalan ng mukha; mga nasobrahan sa kaalalaman; mga backstabber, hipokrito’t epal at kung anu-ano pang mga kabullshitang nagaganap sa ngayon, isama mo na dyan ang gumagawa ng mga lata-na-hangin-lang-ang-laman sa mainstream.

Pero mas patama ito sa mga nangyayari sa pulitika e. Hindi na kailangang ipaliwanag, andyan na nga sila sa mga papoging streamer nila pati na rin sa mga headlines ng pambalitaan. Hindi pa ba sapat iyun?
Ay, ewan. Basta, sila… kenkoy. Ito na lang ang sa kanila. (sabay pinatugtog ang kantang Mr. Kenkoy ni Mike Hanopol, sabay nasa full volume pagdating sa chours)

“Hoy, hoy, hoy! Mister Kenkoy, bakit ka ngangamoy? Hoy, hoy, hoy, Mister Kenkoy! Ikaw ay nangangamoy kenkoy!”

Tamaan nga naman sana ng lintik ang mga ‘to para matuahan, ano?

P.S. Pasalamat nga ako sa kantang ito dahil dito ko nalaman ang salitang “switik.”

11/19/2012, 09:57 a.m.
Sources:
Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Monday, 5 November 2012

Sila-sila Na Lang!

11/05/2012, 10:50 AM

 “Sila sila na lang!” Yan ang litanya ng magulang ko, at pati na rin ng ilang mga mamamayan na maalam sa mga maiinit na balita ukol sa magaganap na Midterm Elections sa Mayo 13, 2013.

Ano ba yan? Parang sila na lang ang magkakalaban at magkakapartido sa darating na halalan ha?

Oo nga e. Sino o sinu-sino ba ang mag-aakala sa ganito? Ang tatakbong mayor ay anak ni congressman? Yung asawa ni mayor, kakalabanin naman ang kabilang partido na tatakbo naming congessman? O gobernador, city councilor? Palibhasa may pangalan at kamag-anak na sa nasabing larangan e.

Pero matagal na kaya ang isyu ng political dynasty sa bansa. Oo, since time in memorial, p’re’t mare. Usong-uso na mula sa mga lungsod, at mas talamak pa nga ito sa mga probinsya. May mga pagkakataon pa nga na minsan, kung sino pa ang magkakadugo, sila pa ang magkakatunggali. E alam mo naman ang kalakaran d’yan. Sa ngalan ng kapangyarihan, may mga tao talaga na hahamakin ang lahat, makuha ang puwestong hinahangad.

At teka, ang pagkakaalam ko ay may tinakdang alintuntunin sa ating saligang batas na nagbabawal sa ganyan ha? Ika nga…

The state shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may defined by law.

Iyun naman pala e. BAWAL, sa madaling sabi.

Pero ang sey naman nila dyan, “eh ang tao (mamamayan) din ang nagluluklok sa amin dito e.”

Hmmm… oo nga naman, ano? Tayo din kasi ang may kasalanan sa ganito, kaya ‘wag tayo basta reklamo ng reklamo. Kung tayo ay nagpauto sa mga patutsada ng pulitko, e talagang masasabi na tanga tayo. O kung mas partikular (dahil hindi tayo pwede na humusga sa pangkalahatan ng basta-basta lang), tanga ang karamihan sa mga botante. Sobrang laya ba kamo?

Pero may makikipagtalo diyan. Eh kasi sila na lang ang nasa listahan ng kandidato e. Kapag hindi naman tayo bumoto, wala rin naman tayong karapatang magreklamo.

Pero dahil sadyang pasaway tayo sa sobrang laya natin, buti kamo naiisip mo pa ang ganyan, ‘no?

‘De. Ang punto kasi dito ay kung may mga pulitko naman diyan na maprinsipyo sa mata natin, yung tipong makakatulong talaga sa pag-unlad ng lupang kinatitirikan natin, e yun ang dapat iboto. Bagamat ang masaklap na realidad lang kasi ay may mga tao din na may ganung kalidad, as in kwalipikado siya talaga… pero dahil sa pangalan o reputasyon ng mga kaanak nya sa pulitika, e talagang mapupunta siya sa alanganin sa ayaw at sa gusto niya. Bawal ang political dynasty e. May magagawa ba siya?

Meron actually, yan ay kung kaya pa niya maibaligtad ang ikot ng mundo. I mean, iwaksi ang tila stigma sa isyu ng dinastiyang pultikal. At paano mangyayari iyun? Maghintay siya na dumating ang panahon na siya na lang ang tatakbo sa ngalan ng angkan niya. ‘Wag yung tipo na ang erpat niya, tatakong senador; ermat naman niya, kongresista; tapos ang utol niya, vice mayor; habang siya ay planonaman sa pagiging alkade ng lungsod. As in all of the same time. Masyado naman tayong gahaman niyan.

One at a time lang, mga ma’am at sir. Alam ko gusto niyo maglingkod sa taumbayan pero bilang respeto na rin sa saligang-batas, sundin naman natin yun.

Author slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Thursday, 25 October 2012

Aanhin Mo Pa Ang Rebulto Kung Tarpaulin Naman Na Ang Uso?

10/25/2012 02:31 PM

Usapang “arts” ba, as in classical versus digital? Patay versus buhay? From 3-dimensional to the simplest form made from Photoshop? History versus advertising? Ewan.

Noon, rebulto ang pinakamagandang bagay na magsisilbing larawan ng alaala ng isang tao na may naimambag sa lipunan. Ang istatwa na pinaghihirapan ng mga iskulptor sa pamamagitan ng pag-ukit. Madalas ay gawa ito sa mga matitigas na materyales tulad ng semento, marmol, graba, at tanso. Sa mga pampublikong lugar sila nakikita.

Pero kung sa tingin mo na ang isa nang ganap na perpektong halimbawa sa larangan ng sining ang mga tinatawag na monumento, diyan ka nagkakamali. Iyan din ang akala ko e. Dahil may mga pagkakataon na sa sobrang pagiging mitikuloso ng iilang mga tao ay nagkakaroon tuloy ng maling pagkakaintindihan.

Parang yung istatwa ng dating Manila Archbishop na si Jaime Cardinal Sin noong inilatag ang ika-25 anibersaryo ng EDSA revolution. Marami ang pumuna sa naging kontrobersyal na rebulto, na aniya ay hindi raw eksakto ang paglalarawan ng mukha sa namayapang pari.

Ayon naman sa taong gumawa nito na si Eduwardo Castrillo, nag-eksperimento siya sa paggawa. Aniya, pinaghahalo lang daw niya ang mukha ng bata at matandang arsobispo.

Pero kung sa rebulto ay inuulan tayo ng batikos, e paano pa kaya ang modernong paglalarawan tulad ng tarpaulin?

Since in memorial ang mga ito ay nagsisislbing agaw-eksena ng atraksyon sa mga malalaking kalsada sa Maynila at pati na rin sa ibang mga lalawigan na dinadaan ng mga Expressway o yung tinatwag na Pan-Philippine Highway na mas kilala rin bilang Daang Maharlika kung ikaw ay nasa Norte o National Highway kung ikaw naman ay pabandang Sur. Billboard pa nga ang pormal na tawag sa mga ito.

Pero mas magfocus tayo sa mga maliliit na bersyon, yung literal… as in tarpaulin talaga. Halos wala ka naman makikita na mga larawan ng mga bayani dito ha… o kahit ang mga kilala sa lokalidad na personalidad pa. Pero bakit nga ba na mas naglipana ang mga ito kesa sa mga tipikal na pag-larawan na kung tawagain ay istatwa?

Madali lang kasi yan gawin; as in mag-pagawa ka lang at sa loob ng ilang oras… at presto! Kaya ito ang karaniwang mga bagay na mas makikita mo. Sa mga probinsya, marami d'yan ang nakasabit sa banderitas sa taas ng highway na naglalarawan. Gaya nito: 
“Congratulations, Juana Dela Cruz for passing the Architectural board Exam 2012, from your loving Dela Cruz family.”
At kung sa mga lungsod naman gaya ng Maynila, kung hindi ang mga naghihiganteng billboard ng mga seksing endorser ng mga produkto, ay mga pulitiko naman na tulad nito: 
“Construction of J.P. Rizal Street, Made possible thru Congressman “Balong” Balongan.”
Hmm… pero nung tingnan mo ang kalye mismo ay mas magaspang pa sa mga rough road ng probinsya ang itsura.

Wow, ito ang pinakaprimerong example sa kasabihang “This is where your taxes go.” At tama ang isang senador, na dapat ipasa ang batas niya na magbabawal sa kung anong kabaduyan (pero sablay naman) sa isang politician. Tignan mo nga ang kuya mo, wala kang makikita na ganyan.

At noong may mga personalidad ang namatay sa nakalipas na mga taon, halos wala naman na istatwa ang naitayo. Alam mo kung ano? Mga naglipanang tarpaulin lang na naglarawan ng pasasalamat. Pero dumating din ang panahon na ginagawang tolda na lamang ang mga ito ng karamihan na nag-iiskwat.

Kaya ito ang mga tanong ko: aanhin pa ba ang rebulto kung tarpaulin naman na ang uso? At sa totoo lang ba, likas ba na maalahanin ba tayo sa mga magagandang bagay sa nakalipas, o sadyang mas mahihilig lang din tayong pumansin sa mga “epal” sa lipunan?

Author: slickmaster |  © 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 23 October 2012

Anyare? (Isang Tanong Para Sa Mundo Ng Mga Sinungaling)


Minsan ko narinig ang tanong na ito sa isang palabas na tumatalakay sa isyung panlipunan sa legal na pamamaraan. Iku-quote ko lang ang wikang iyun ni Atty. Persida Rueda Acosta (pero hindi sa eksaktong paglalarawan ng salita): “Paano ka makakapamuhay ng tama kung namumuhay ka naman sa mundo ng kasinungalingan?”

Hmm… Paano nga ba? *sabay nakapangalumbaba*

Iyan kasi ang hirap sa panahon ngayon e. Que sa usaping panlipunan man o sa pinakapabortio ng ilan na tsismis sa lovelife, walang katiyakan ang mga pahayag. Parang iyung sinabi lang sa akin ng isa sa mga kaibigan ko na “Si *name of boy*? HMP! Hindi ko nga gusto iyan e!” Pero ‘wag ka, makalipas lang ang ilang oras ay… sila na! PBB teens ba ang peg? At isa pa, ang taong walang habas na umiiyak sa balikat ko dahil hiniwalayan siya ng boyfriend niya. Ang sabi daw sa kanya e “pangako ko, hindi kita iiwan.” Sinampal ko nga nang matauhan ang ale, “Ikaw kasi, nagpapaniwala ka sa damuhong iyun! Ilang beses ka na ngang ginago eh.”


Pero hindi iyan ang saklaw ng gusto kong talakayin dito. Sa panahon ngayon, ang mga salita ay isa sa mga bagay na hindi mo puwedeng ihanay sa mga permanenteng bagay sa mundo. Bakit kanyo? Dahil lahat naman ay nagbabago e. Maliban na lang kung iyan ay yung kayang mangatawanan sa mga binitawan niya.

Parang itong mga ‘to: nagdeklara na hindi raw tatakbo ngayong darating na midterm elections, pero nag-file ng certificate of candidacy. Hindi ko tuloy alam kung ang ilan sa mga iyun ay nadala sa pakiusap ng publiko (yung tinatawag na simpatiya) o sadyang nasa parte na ng prinsipyo nila ang mga iyan.

At ito pa – ang mga taong nagbitiw ng mga salita noong panahon ng pangangampanya, pero halos tatlong taon na nakalipas, may natupad ba?

Meron pang pahabol: mga taong nagsasalita na “hindi raw political dynasty ang ginagawa naming.” Pero karamihan sa mga tumatakbo ay nasa listahan ng kanilang family tree. Sinong niloko niyo?

Para sa mga ito, ito lang ang itatanong ko: ANYARE?

Anyare sa mga mapangahas na binitawan niyong salita na hindi raw kayo tatakbo?

Anyare sa mga pangakong binitawan niyo noong 2010 elections, mula sa proyektong imprastaktura hanggang sa kinakailangang batas tulad ng RH bill at Freedom of Information bill?

Anyare sa batas na tahasan tumutuligsa sa politial dynasty? E naglipana na sila na parang kabute.

Kaya tuloy ang sama ng impresyon ng tao sa salitang “politics.” Mas marumi pa sa tipikal na pumumulitika sa mga kumpanya ng kung saang larangan. Mas malala pa sa mga pamumulitika ng ilang tao, kaya ang ilan sa aking mga kasasmahan ay bumibira na sila raw ay pinupulitika. As in, “puro pangako.”

Pero sa kabilang banda, tanggapin na lang natin ang katotohanan na wala talagang permanenteng bagay sa mundo. Oo, lahat nga ay nagbabago. Ang kuestiyon na lang dito, may magtatanda ba?

ANYARE?

Author: slickmaster | Date: 10/23/2012 | Time: 05:39 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 16 October 2012

Cybercrime Can’t Stop Blogging...


Bago pa man naisulat ng awtor na ito ang naturang blog, naglabas kamakailanlang ang Korte Suprema ng isang Temporary Restraining Order o T.R.O. na nagpapatigil sa pamahalaan sa pag-iimplementa ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa loob ng mahigit isangdaan at dalawampung (120) araw. Ang nasabing TRO ay naging epektibo noong Martes, a-9 ng Oktubre, taong 2012, at ang naging tanging pansamanatalang resolusyon base sa 15 petisyon sa SC ng iba’t ibang mga grupo na kumokondena sa cybercrime bill mula noong pinirmahan ito ng Pangulong Noynoy Aquino noong nakaraang Setyembre at tuluyang naimplementa naman noong Martes, Oktubre 2, 2012.

Maraming tao ang nagtatanong sa akin ukol sa isyu ng cybercrime law, lalo na noong nalaman nila na isa akong blogger na panay sa pulitika, opinion at lipunan ang mga madalas na tema ng aking sinusulat o nilalahad. Mula sa mga ka-clan ko sa text, Facebook friends, Twitter followers at kahit yung mga nakaksabay ko sa pag-aapply ng trabaho.

Paano na lang daw ang tulad ko na isang blogger? Dahil sertipikado daw na malalagay sa alangan ang mga tulad ko, amateur man (bagay na kinabibilangan ko) o isang pro.


Sabagay, nakakatakot nga naman ang Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, lalo na ang e-libel provisions, at lalo naman ang Section 19 na nagbibigay pahintulot sa mga alagad ng batas na usisain ang lahat ng mga data, at puwede pa kamo na ipasara o i-restrict ang acess sa anumang computer data mo, kahit sa prima fache lang. Oo, kahit sa simpleng hinala lang. Masuspetsahan ka na may ginagawang iregularidad kahit sa totoo lang ay wala naman, e puwede ka nang madale.

Pero ito lang siuro ano po. Dahil matagal na rin naman ang mga aktibidad ng pagba-blog, sa tingin ko hindi nito masusupil ang paglalahad ng tao. Bakit kanyo?

Hindi naman lahat ay nagsusulat ng mala-opinyong bagay. Marami dyan, magagaling magkwento, romantikong pag-ibig man, komedya, sekswal, kaalaman o mga piksyon lamang. Iba-iba ang genre at specialization ng tao sa pagsusulat ng mga nais nila.

At siguro, isang bagay lang ang pinapahiwatig ng mga batas na tulad nito. Maging responsable sa paggamit sa mga salita. Ang hirap kasi sa iba, basta makapaglahad, yun na. Given na ang katotohanan na may masasapul talaga kahit gaano tayo kaingat (after all, hindi natin kaya i-please ang sinuman at laging may dalawang panig ang isang balita), pero marami kasi ang mga tao kung makapaglahad e daig pa ang mga balahura. Mga hindi nag-iisip o naghihinay-hinay. Alam ko na uso na ang pagiging straight-forward, pero lahat ng yan ay nilulugar. Nilalagay sa wastong posisyon. Hindi ka puwedeng bumitaw ng mga maaanghang na salita kung ang tinatarget mo naman na mga tao na magbabasa niyan ay ang mga batang hindi pa maintindihan ang mga baya-bagay.

Minsan nga naisip ko, too late na rin e. Kasi ang daming barbaro sa FB at Twitter. Actually, marami na rin ang mga asal-gago noong panahon na uso pa ang Friendster e. isama mo na ang pakikipagchat sa Yahoo! Messenger. Pero okay na rin para makasabay naman sila sa agos ng tao at teknolohiya. Yun nga lang, kung may rerepasuhin, e di irepaso. Problema ba iyun?

O, sabagay, baka matatabunan na naman ito ng mga panibagong isyu tulad ng Sin Tax Bill at Midterm Elections. At panigurado, kapag natapos ang TRO nito sa bandang Pebrero 2013, marami na naman ang ugong-ugong na reaksyon. Puputok na naman ang butsi ng karamihan.

Pero sa maniwala ka o sa hindi, hindi kayang supilin ng Cybercrime bill ang pagba-blog. Hindi talaga.

Author: slickmaster | Date: 10/16/2012 | Time: 11:32 a.m.
© 2012 september twenty-eight productions

Thursday, 13 September 2012

EPAL.

Epal. Isang salita na tumutukoy sa taong pagiging mapapel, yung mga sobrang papansin, at laging nakikisale(?).

Uso na naman ang salitang “epal.” Aba, parang noong bata ako, isa ito sa mga salita namin sa asaran ah. Pero bakit nga ba nauuso ito ulit?

Ikaw ba naman ang isa sa milyun-milyon na mga taong nagbabayad ng buwis dito sa Pilipinas e. At saan nga ba napupunta ang buwis mo? THIS IS WHERE YOUR TAXES GO! *sabay turo sa tarpaulin ng isang pultiko* Ayos ba?

Ilang beses na itong inalmahan ngayong taon. Mayroon pa nga iba dyan, ang ganda ng billboard pero nakasampa sa kawad ng kuryente. Aba, kung hindi ba naman delikado iyan? At meron nga dyan, ang ganda-ganda ng pagkalay-out niyan, pero ang pangit naman ng proyektong nagawa. At kung mamalas-malasin pa, over-due na sa deadline o target date ang proyekto pero hindi pa rin natatapos. ANYARE? Asan na ang buwis na binabayad ng taumbayan, mga nakaka-buwis-it, este, bwisit kayo ha?

Isang buwan ang nakalipas, noong panahon na sinalanta ang Kalakhang Maynila ng hanging Habagat, naglabasan ang mga relief goods na may brand – at ang brand nay un ay dalawang bagay lang: (1) pangalan ng pultiko, o (2) mukha niya. Aba, may nauso pa ngang bigas nun na ipinangalan sa isang pulitko ha. Teka, tumutulong ba talaga kayo o namumulitika na? Hindi pa man ganap na labag sa batas kung sa teknikaliad ang usapan ang ginawang tila pangangampanya ng mga ito, pero mga sir, ilagay naman sana natin sa lugar ang ganyan, ano po?

Noong namatay si DILG Secretary Jessie Robredo, umaapaw ang simpatya ng mga personalidad mula sa larangan ng pulitka. Pero may isang matinding pinuna ang mga netizens sa mga social networking sites. Ang pagtapal, este, paglagay daw ng pangalan at posisyon ng isang tao dyan sa Quezon City sa bandang ibaba ng larawan ng pakikiramay sa namayapang DILG secretary.

Ilan lang ang mga nabanggit sa mga sitwasyon na mahahalintulad sa “epal.” Kaya siguro maganda na rin na ipasa ang Senate Bill 1967 a.k.a. Act Prohibiting Public Officers from Claiming Credit through Signage Announcing a Public Works Project ni Senator Miriam Defensor-Santiago, o mas kilala bilang “Anti-Epal Bill.” At maraming sumosuporta dito, mula sa ilang mga netizens hanggang sa mga kaparian mula sa Simbahang Katolika ng bansa.

Pero sa isang episode ng palabas na REAKSYON kasama si Luchi Cruz-Valdes na umere na ilang linggo na ang nakakalipas, umalma ang ilang mga pulitiko ukol dito. Sabagay, paano ka nga naman maalala ng mga tao ang pagtulong mo? Pero ang dating kasi e, parang may kapalit e. At ayon sa OMNIBUS ELECTION CODE…

Sec. 80. Election campaign or partisan political activity outside campaign period. - It shall be unlawful for any person, whether or not a voter or candidate, or for any party, or association of persons, to engage in an election campaign or partisan political activity except during the campaign period.

Ano ang ibig sabihin nito? BAWAL MANGAMPANYA pag hindi pa panahon ng pangangampanya. Ganun kasimple.


Hmmm…. Sa tingin ko, dapat talaga maipasa iyan. Nang matigil-tigil na ang pagiging mapapel ng mga nasa lokal na gobyerno. Ang pangulo nga natin ngayon, hindi ginagawa iyan e. Noong nakaraang administrasyon, oo sa kada imprastraktura na proyekto ng DPWH. Gawa muna bago salita. Makikilala ka naman ng tao kahit ano ang gawin mo e, pero mas maganda kung sa mga proyekto mo, hindi mo ipapangalandakan ang pangalan at mukha mo dahil kaming mga mamayan ang nagbabayad niyan. Pera ng bayan yan kahit ang ilan sa amin na hindi lehitimong taxpayer, e sa mga seribsyong may VAT naman tumatangkilik (which means, nagbabayan pa rin dahil Value-Added Tax yun. At ano ang TAX pala, aber?)

Kahit papaano ay may kabuluhan pala ang batas na ito, ganun? Sige, ipasa na yang Anti-EPAL bill na iyan!

09/14/2012
10:50 a.m.
Author: slickmaster

Source:
http://newsinfo.inquirer.net/tag/anti-epal-bill
http://www.comelec.gov.ph/?r=laws/OmnibusElectionCode/OECArt10

© 2012 september twenty-eight productions

Sunday, 10 June 2012

What’s with the waiver?


What’s with the waiver?

Ah, Ewan.

Nagsimula sa impeachment trial ng dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona yan. Nung tumestigo ang isinasakdal mismo sa nasabing paglilitis. Akala mo, kung ano na namang che-che-bureche niya yan ano? Waiver-waiver pang nalalaman ampucha!

Pero bakit nga ba naging big deal na ang isyu ng waiver na yan? Well, simple lang. Para mapatunayan ang isang tao sa gobyerno na wala daw itong tinatago. Kung tatanungin kasi na hindi pa ba sapat ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth para dyan, e… ewan. Yung iba siguro kasi e magaling magtago kung totoo na corrupt man siya/sila. At sa panahon ngayon, tanghali na lang ang tapat. Ang mga pulitiko na yan? HMMM…. Mahirap husgahan e bagamat madaling magsalita na “Pucha! asa pa kong matino ang mga taong yan. Magnanakaw din naman yan pag naupo sa lugar ng mga kinauukulan.”

Hmmm…. Okay naman din pala e.
Sabagay, kelangan yan sa panahon ngayon para sa mga taong may adbokasiya na labanan ang katiwalian sa lipunan. Ang mga taong nagkukubra ng kaban ng yaman para sa pansarili nitong kayamanan. Yun nga lang, mahaba-haba-haba-habang krusada yan, tsong. Dahil pag may kumanta, tiyak tinutumba. At ang iba, no choice kundi sumunod na lang sa nakagawin kahit sa totoo lang e kasalanan na yang pinagagagawa nila. Ahay, kawawang lipunan.

Tingin ko maganda nga na pumirma sila ng waiver, nang may mapatunayan kung talagang malinis ang konsensiya nila (Pero bakit si Corona e ganyan din ang sinabi niya, malinis daw ang konsensiya niya, pero bakit na-impeach pa rin? E ibang isyu na yan tsong.).at ang sinumang tatanggi (o actually tumanggi din, katulad ng mga nasabi sa ulat e sila Senate President Juan Ponce Enrile at ultimo ang Pangulo daw ng bansa e kasama? Ba, gaano katotoo ito?) Well, kesa choice man nila yun na hindi pumirma, pero choice din ng publiko na paghinalaan sila. Wag na lang sana irason na “ang arte naman yan, pa waiver-waiver pang nalalaman.” E kung arte lang din naman ang usapan e ba’t pa kayo gumagawa ng batas? E nag-iinarts lang din kami sa mga ganyan. At isa pa, paano nga naman kami magiging kampante sa iyo? Alalahanin mo, kami ang bumoto sa iyo para manalo at maupo ka dyan sa pwesto mo. Kaya may karapatan kami na salain ka. Public servant ka lang, at kami ang boss mo!

Pero mas ok siguro kung mas magiging mapagmatyag tayong mga mamamayan sa mga pultikong binoto natin. Kasi ika nga, “kung balasubas yang taong niluklok mo dyan e sorry ka na lang.” At least, alam mo na kung sino ang pagkakatiwalaan mo sa susunod na eleksyon sa susunod na taon. At ang mga kamalian sa pagpili natin nung 2010, e (sana naman) matutunan natin, di ba?

Hmmm… tama na nga yang waiver nay an. Pirmahan na kung pirmahan!

Author: slick master
Date: 06/11/2012 Time: 07:56 AM
(c)  2012 september twenty-eight productions