Epal. Isang salita na tumutukoy sa taong pagiging mapapel, yung mga sobrang papansin, at laging nakikisale(?).
Uso na naman ang salitang “epal.” Aba, parang noong bata ako, isa ito sa mga salita namin sa asaran ah. Pero bakit nga ba nauuso ito ulit?
Ikaw ba naman ang isa sa milyun-milyon na mga taong nagbabayad ng buwis dito sa Pilipinas e. At saan nga ba napupunta ang buwis mo? THIS IS WHERE YOUR TAXES GO! *sabay turo sa tarpaulin ng isang pultiko* Ayos ba?
Ilang beses na itong inalmahan ngayong taon. Mayroon pa nga iba dyan, ang ganda ng billboard pero nakasampa sa kawad ng kuryente. Aba, kung hindi ba naman delikado iyan? At meron nga dyan, ang ganda-ganda ng pagkalay-out niyan, pero ang pangit naman ng proyektong nagawa. At kung mamalas-malasin pa, over-due na sa deadline o target date ang proyekto pero hindi pa rin natatapos. ANYARE? Asan na ang buwis na binabayad ng taumbayan, mga nakaka-buwis-it, este, bwisit kayo ha?
Isang buwan ang nakalipas, noong panahon na sinalanta ang Kalakhang Maynila ng hanging Habagat, naglabasan ang mga relief goods na may brand – at ang brand nay un ay dalawang bagay lang: (1) pangalan ng pultiko, o (2) mukha niya. Aba, may nauso pa ngang bigas nun na ipinangalan sa isang pulitko ha. Teka, tumutulong ba talaga kayo o namumulitika na? Hindi pa man ganap na labag sa batas kung sa teknikaliad ang usapan ang ginawang tila pangangampanya ng mga ito, pero mga sir, ilagay naman sana natin sa lugar ang ganyan, ano po?
Noong namatay si DILG Secretary Jessie Robredo, umaapaw ang simpatya ng mga personalidad mula sa larangan ng pulitka. Pero may isang matinding pinuna ang mga netizens sa mga social networking sites. Ang pagtapal, este, paglagay daw ng pangalan at posisyon ng isang tao dyan sa Quezon City sa bandang ibaba ng larawan ng pakikiramay sa namayapang DILG secretary.
Ilan lang ang mga nabanggit sa mga sitwasyon na mahahalintulad sa “epal.” Kaya siguro maganda na rin na ipasa ang Senate Bill 1967 a.k.a. Act Prohibiting Public Officers from Claiming Credit through Signage Announcing a Public Works Project ni Senator Miriam Defensor-Santiago, o mas kilala bilang “Anti-Epal Bill.” At maraming sumosuporta dito, mula sa ilang mga netizens hanggang sa mga kaparian mula sa Simbahang Katolika ng bansa.
Pero sa isang episode ng palabas na REAKSYON kasama si Luchi Cruz-Valdes na umere na ilang linggo na ang nakakalipas, umalma ang ilang mga pulitiko ukol dito. Sabagay, paano ka nga naman maalala ng mga tao ang pagtulong mo? Pero ang dating kasi e, parang may kapalit e. At ayon sa OMNIBUS ELECTION CODE…
Sec. 80. Election campaign or partisan political activity outside campaign period. - It shall be unlawful for any person, whether or not a voter or candidate, or for any party, or association of persons, to engage in an election campaign or partisan political activity except during the campaign period.
Ano ang ibig sabihin nito? BAWAL MANGAMPANYA pag hindi pa panahon ng pangangampanya. Ganun kasimple.
Hmmm…. Sa tingin ko, dapat talaga maipasa iyan. Nang matigil-tigil na ang pagiging mapapel ng mga nasa lokal na gobyerno. Ang pangulo nga natin ngayon, hindi ginagawa iyan e. Noong nakaraang administrasyon, oo sa kada imprastraktura na proyekto ng DPWH. Gawa muna bago salita. Makikilala ka naman ng tao kahit ano ang gawin mo e, pero mas maganda kung sa mga proyekto mo, hindi mo ipapangalandakan ang pangalan at mukha mo dahil kaming mga mamayan ang nagbabayad niyan. Pera ng bayan yan kahit ang ilan sa amin na hindi lehitimong taxpayer, e sa mga seribsyong may VAT naman tumatangkilik (which means, nagbabayan pa rin dahil Value-Added Tax yun. At ano ang TAX pala, aber?)
Kahit papaano ay may kabuluhan pala ang batas na ito, ganun? Sige, ipasa na yang Anti-EPAL bill na iyan!
09/14/2012
10:50 a.m.
Author: slickmaster
Source:
http://newsinfo.inquirer.net/tag/anti-epal-bill
http://www.comelec.gov.ph/?r=laws/OmnibusElectionCode/OECArt10
© 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment