Tuesday, 1 January 2013

Playback: Ron Henley – "Biglang Liko "

 01/01/2013 11:27 AM 

Isa sa mga bagong kanta noong 2012 sa genre ng hip-hop dito sa Pinas ay ang single ng rapper na si Ron Henley. Ang kantang Biglang Liko ay isa sa mga kantang ginawa ng FlipMusic sa nakaraang taon. Kasama rito si Pow Chavez. Inuplaod ang music video nito sa YouTube noong Pebrero 14, 2012.

Ayos din ha? Sa sobrang patok kasi nito e naging parte ito ng mainstream music o sabihin na natin na popular na kultura. As in naging parte ito ng mga nirerequest sa music channel na Myx, at minsan narinig ko pa nga ito sa isa sa mga istasyon ng radyo. Well, pumatok din pala ‘to sa masa ha? Hindi na masama (pero mas okay sana kung maiintindihan naman talaga ng mga tao ang pinapakinngan nila, 'di ba?), bagay na kailangang bigyang pansin din sa ngayon ang mga bagay na may kinalaman sa rap at hip-hop lalo na’t parang nakilala lang ang mga ito sa dalawang lipunan: mga jejemon at mga taong nanunood ng mga rap battle sa YouTube tulad ng FlipTop at Sunugan.

Bago ako magbigay ng aking take sa kantang ito, maari na iba ang intepretasyon ng tao base sa lyrics at pamagat nito sa anuman ang nakikita ko. 

Medyo may pagkagreen lang ang iilang mga linya, at hindi mo siya mahahalata kung isang beses mo lang siya pakikinggan sa loob ng isang upuan. Try niyo na lang pakinggan ng ilang beses.

Pero ang astig lang niya. As in astig pa rin pakinggan. Siguro kasi sa skill din ng taong ito, na matindi rin mag-rap like anyone else ngayon na nasa hip-hop scene. 

Deretso lang eh.

Music video: (from http://www.youtube.com/user/batampasiggg)
Directed by: Jasper Salimbangon x Cristhian Escolano
Edited by: Jasper Salimbangon
Cinematography by: Cristhian Escolano x Elo Delenela x Paolo Magsino

Song produced by: Bojam of Flipmusic Productions
www.flipmusicproductions.com


Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

First date.


12:49 p.m. 01/01/2013

Disclaimer: Isinulat ko ang akdang ito na may permiso mula sa babaeng naka-date ko nun. Pero pinili ko na hindi ilahad sa blog na ito ang litrato naming dalawa at ang tunay na pangalan niya bilang paggalang sa pagkakakilanlan niya.

Minsan, natutuklasan talaga ang pag-ibig sa first date. Wala nang ligaw-ligaw pa (anak ng pating, uso pa ba iyun?). Nasa uganayan lang yan kasi, bilang kapwa taong nagmamahalan at bilang kaibigan na rin kung magturingan.


Parang karanasan ko lang. Ika-1 ng Disyembre nun, isang maalinsangan na Sabado ng hapon. After lunch ang usapan naming nun sa isang mall sa lungsod ng Mandaluyong. Sa unang tingin nga e, nakakapagtataka lang nun. Dahil alam ko hindi naman siya interesado na mga bagay na gusto ko, tulad ng mga libro at may kabuluhan na kalokohan. At siguro, naiisip niya nun na sa dinami-dami ba naman ng babaeng nakasalamuha ko sa text, Facebook, Twitter at personal… e bakit siya pa daw?

Hindi ko mawari e, basta ang alam ko nun ay interesado ako na kilalanin siya. Bago ang lahat, siya si Ms. Whippedream, o mas tawagin na lang natin na Kablag. 21 anyos, isang registered nurse na naghahanap pa rin ng trabaho. Magkapareho kami ng eskwelahan noong kolehiyo bagamat magkaiba kami ng branch na pinapasukan. Ang nakakaloka lang nun ay may isa pala kaming kaibigan in common pero hindi naman yun ang naging pamamaraan para maging magkakilala kami (o nireto, ika nga). Sa totoo lang, nakilala ko lang siya sa pamamagitan ng isang text clan. At isang bagay pa ang common sa aming dalawa – pareho kaming blogger.

Pero fast forward tayo sa petsa ng a-uno. Nasa gitna na ako ng pagmamadali ko papunta sa mall na iyun. Nakakahiya, first date mo slickmaster, e na-late ka! E ikaw ba naman kasi ang mapunta kaagad sa isang photo studio para lang kunin ang soft copy ng mga litratong kinunan para sa iyong graduation pictorial noon.
Ala-una ng hapon nun nang makarating na ako sa destinasyon ko. Halos maligaw pa ako sa naturang mall (aba, e ikaw ba naman ang mapunta sa isang lugar na hindi pamilyar sa kamalayan mo e) habang katext siya kung saan siya eksakto. Pagbaba mula 4th floor papunta sa 2nd, sa may bandang fountain area, agad ko siya napansin. Pamilyar na ang kanyang itsura sa akin dahil sa kakatingin sa kanyang profile picture sa Facebook at Twitter. Pero bago ko man siya surpresahin e agad na rin niya pala ako nakilala (ayan, magte-text ka pa ng “look behind you,” ha?). Unang move kay Kablag, pahiya ka na, slick. LOL!

So, ayun na nga ang nangyari, nagkakilala kami. Agad hinanap ang book launching event na pupuntahan ko nun (dahil trip ko lang, maliban pa sa katotohanan na isa na rin sa mga iniidolo ko ang awtor ng Pogi Points na si Stanley Chi), nasa isang bookstore yun sa nasabing mall. E ang aga lang namin nun. Haha! Napabili lang kami ng libro nun, then trineat ko siya ng lunch sa isang fastfood na malapit lang sa bookstore na yun (sa loob ng naturang mall, siyempre).

Matapos ang book launch na yun (na tumagal ng 4 na oras pero astig lang ang hapon na yun dahil sa sobrang laughtrip na dala nila Stanley Chi, Ramon Bautista at Papa Dan ng Baranggay LS at kung anu-ano pang kamundohan nun), e para kaming ewan na hindi alam kung saan kami susunod na pupunta noong gabing iyun. Hanggang sa napagdesisyunan na magpunta sa kabilang mall. Mamasyal lang sa kung saan-saan, kumain ng pizza, magkwento ng kung anu-anong bagay lang, malalim na bagay man o mababaw. Kulang nga e manood kami ng sine nun kung maaga pa lang sana ang gabi nun. Hati na kami sa dinner namin na pizza (ako sana talaga ang sasagot nun e kaya lang mahirap na ang ma-short lalo na kakasweldo ko lang nun).

Ano pa ba ang mga naganap? Ayun lang naman. Sa madaling sabi, nagkamabutihan. Basta, sinigurado ko lang nung gabi na iyun na kahit papaano e magaanda ang impresyon ko sa kanya sa pamamagitan ng pagkakapataotoo sa aking sarili. At sa totoo lang nun e hindi ko na iniisip kung may susunod na date na magaganap pa sa pagitan namin ni Ms. Whippedream o wala. Nasa sa kanya na iyun.

Pero mali pala ako, dahil hindi ko inaakala na siya talaga ang magpapatibok ng puso ko nun. Siya ang tanging naging pinaka-kaibigan ko sa lahat ng aking mga kaibigan ko.

Namiss ko siya bigla. Sa sobrang pagkamiss e napagawa ako bigla ng one-liner.

“Just a second after we parted ways, I just realized something – I missed you already.”

Akalain mo yun oh. Matapos ko siya ihatid sa terminal ng FX nun, para lang akong batang naagawan ng lollipop (pero walang akto ng iyak, syempre) nung sinara na niya ang pinto ng naturang sasakyan at umalis na pauwi ng bahay niya. Ang naisip ko na lang, magtetext din yun pag nakauwi na siya. Hindi lang text pala, nagmissedcall. Aba. Ayos ah. Kala ko dito na lang matatapos ang first date na iyun.

Akala ko din e. Mali pala ako. :-)

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

Hip-hop Fan Kuno?!

01/01/2013 01:21 PM

REAL TALK. “90% ng rap battle fans ay walang alam sa hip-hop. Kaya ironic lang na sila pang nagsasabi na puro luto ang laban sa FlipTop. Pero on second thought, may luto nga, pero yung pangluluto ay galing mismo sa mga tao. Kasi kahit hindi kayo tunay na hiphop, kayo pa yung malakas mandikta kung sino dapat ang manalo. Kaya nagda-downgrade ng lyrics ang ibang emcees para lang kayo'y patawanin. Hindi ako gan'on. Hindi ako mag-aadjust sa inyo... putangina kayo ang mag-adjust sa’kin! At sa mga kapwa ko emcees, imbis na i-showcase nyo ang tunay n'yong talento at turuan ang mga tao, kayo pa mismo nag-eexploit at nanggagahasa sa art-form na 'to. Theatrics, antics, paggamit ng crowd sa kalaban, paggamit ng Props. Sa mga binanggit ko na yan, tangina walang kinalaman sa lirisismo at pagra-rap! At sa mga tinamaan na emcees, sorry... pasensya na mga p're. Joke lang mga putangina n'yo, wala akong pake! Kasi kung may English subtitles lang ang mga laban dito, malamang marami sa 'ting mamimintas. Kasi makikita ng buong mundo kung ga'no kabobo mga rap battles sa Pinas. At pasensya Anygma, kung sa tingin mo sinisiraan ko kumpanya mo... mali ka. Binabalik ko lang 'yung pundasyon at istraktura ng FlipTop kaya nga tayo may arkitekto sa sa liga. Ngayon ang pagsakripisyo ko sa round na to ay patunay na no match ka sa'kin sa pagra-rap. Kasi isa lang ang kabattle mo ngayong gabi, ako binattle ko ang lahat. Kasi isa ka lang parasite sa liga, period. Wala nang meta-metaphor Habang ako, i'm here to rearrange the scene parang movie editor. At sabi ni Dhictah dati, parang UFC daw ang FlipTop. Hindi! Ngayon, parang WWE na rin. Puro stunts, puro gimmicks para lamang mapansin!”

I’m just speaking based on observation, not as a legitimate fan of hip-hop. Aminado ako na maaring parte ako sa 90% ng mga hip-hop fans pero what’s even disgusting is yung the fact na majority sa naturang numero e sadyang nakikiuso lang talaga. 


Parang yung mga tipo na tutal nanunood ka naman via internet e try mo i-research ang mga bagay-bagay sa hip-hop. Making ka ng mga kanta, huwag lang dumedepende sa mga battle. Kung suporta ba ang usapan, parang nasa gawa din ba. Yung tipong binanggit ko sa aking blog dati na mga barbarong fans (baka masyado na akong brutal kong ilalahad ang mga iyun dito).

Siguro ito ang nagagawa ng pagiging adik sa panunood ng video sa YouTube. Nagiging instant fan ka nito kung sakaling naaliw ka at nagustuhan mo sila. Well, walang masama dun. Pero kung panay asa lang naman sa bagong upload at hindi mo naman talaga sinusuportahan ang kanilang adhikain dun, e fan ka nga ba talaga?

Parang ang tanong e… Real fan ka ba talaga, o sadyang bandwagon rider ka lang? As in yung nakikiuso lang. Sumasakay sa kung ano ang trending o porket everyone likes it, at masabing "in" ka din?

Isa sa mga naka-agaw ng pansin sa akin ay ang video ng FlipTop na ang laban ay Apoc versus Sayantipiko. Ang naturang berso na aking nabanggit sa unang parte ng blog na ito ay galing sa mga bara ng ikatlong round ni Apoc. Ang tindi lang ng mensahe na binanat niya.

Hindi sa pagiging arogante ng dating nito ha? Pero ang punto kasi nun ay may mga tao na tila barbaro na porket naaliw sila sa mga video ng FlipTop. Yung tipo na sa sobrang pagka-aliw ay ginagaya na nila ang anumang nasasabi ng isang nakikipagbanatan dun. 

At kung makapagdemand ng bagong video e akala mo sila ang nagpapatakbo ng ligang pinapanood nila.Ayos lang sana kung magtanong ka ng “May bago bang video na ilalabas kayo ngayon?” E kaso kasi ang mga mokong na yun ay parang mga boss kung makatanong e. Kung hindi may halong mura, sadayang bastos ang pananalita. 

Nakakalimot yata na nilalantad ng mga ‘to ang baho nila sa pamamagitan  ng pagpopost nila ng kumento sa YouTube o Facebook. (buti na lang sa Twitter kahit mas matindi ang away dun e sibilisado naman ang pamamaraan ng paglalahad ng bawat user)

Kaya ba nada-downgrade ang dating ng hip-hop sa Pinas, dahil sa mga ilang kanta na may beat na ginaya lang mula sa mga RnB na kanta mula sa banyaga? Mga mababahong lirisismo? Walang artform per se? 

Nahaluan na rin ba ng ideya ng sobrang kommersyalismo?

Hmmm… mahirap husgahan kung ako ang tatanungin (kasi nga hindi ko pa makukunsidera ang sarili ko na isang lehitimong hip-hop na fan). Basta ang alam ko lang e maraming magagandang musika na nalilikha sa underground at kasama na rin dito ang mga rapper na nakikipag-engage sa mga rap battle event tulad ng FlipTop at Sunugan. At para mas maappreciate mo ng husto, huwag lang pakinggan. Intindihin din ang pinapakinggan. Laliman ang pag-unawa.

At sa totoo lang, ang internet ay mundo para sa mga intellektwal, hindi para sa mga nagpapanggap na tanga. At laging may linyang namamagitan sa mga taong tunay na fan sa mga taong nakikiuso lang.

Para sa enjoyment niyo, panoorin ang naturang mensahe ni Apoc sa laban na ito sa FlipTop. (see 11:50 - 13:37)




Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

BAGONG TAON NA! EH ANO NAMAN NGAYON?


10:45 a.m., 01.01.2013

Sa wakas, bagong taon na naman! Panagdag taon sa ating buhay at alaala. Masaya, ‘di ba? Eh kaso… ano naman ngayon?

May nagbago ba sa ating mundong ginagalawan? Eh kung tutuusin ganun pa rin naman ang takbo ng araw at gabi, ha? Sumisikat ang araw sa umaga habang nagpapakitang-gilas naman ang buwan sa gabi. Gayundin naman ang mga operasyon ng mga makamundong bagay sa ating lipunan, mula sa biyahe ng mga sasakyan, sa oras ng pagpapatakbo sa isang kumpanya at negosyo, klase sa eskwelahan, at kahit ang istilo ng mga kawatan, paglalambingan ng magkasintahan, at kung anu-ano pang kaechosan. May nabago ba talaga? Well… meron pa rin naman. Ang aura ng tao at ng araw mismo depende kung ano ang nakatakdang petsa.  Pero…


Bagong taon na, eh ano naman ngayon? Kumpleto pa rin ba ang daliri mo? Virgin ka pa rin ba? Magandang nilalang ka pa rin ba? Mabait na tupa ka pa rin ba? Hindi pa ba nagsasawa sa iyo ang asawa mo? Nauurat ka pa rin ba sa trabaho mo? May tagpi na ba yang butas ng bulsa ng pantalon mo, at kung anu-ano pang mga tanong na pwede mong pagnilay-nilayan.

Bagong taon na! Eh ano naman ngayon, palagi naman may January 1 sa kada taon eh. 365 days pa rin naman (at 366 kung leap year) ang rebolusyon ng planeta natin sa axis ah. Daranas pa rin tayo ng maganda at masamang panahon. Ang tanong, may nabago ba talaga?

Oo nga naman, ano? Ano naman kung bagong taon na? May medya noche na naman (na magastos nga paghandaan pero worth it naman kung ikaw ay masiba rin at the same time). Maliban pa dun eh gising na naman ang diwa mo sa oras na dapat ikaw ay mahimbing na natutulog kasama ang pinakamatamis at pinakamamasa-masang bagay na kung tawagin ay “panaginip” (exception kung una, puyatero ka palagi, at pangalawa, sadyang night person ka lang talaga). Mauuso na naman ba ang new year’s resolution? At may magbabago ba talaga sa ating buhay? Kunsabagay, ika nga ng kantang “Ang Pasko Ay Sumapit,” bagong taon ay magbagong buhay, nang lumigaya ang ating bayan.

Pero kung tutuusin… nagbago lang naman ang ating kalendaryo. Nadagdagan lang naman tayo ng isang taon, which means may panibagong taon tayo para mamuhay ng ayon sa ating kagustuhan. Mula sa relihiyosong holiday, hanggang sa pang-nasyonal na pag-alala, at kahit sa mga araw na sagrado sana pero nilamon na ng ideya ng kommersyalismo.

At pustahan, same routine pa rin lang tayo tulad ng mga nagdaang taon, maliban na lang kung ikaw mismo ay may planong gawin “for a change.” At ang tinatawag na new year’s resolution? Walang kwenta kung hindi isinasagawa ang mga isnaad mo dun no! Maniwala ako sa iyo na hindi ka na maninigarilyo, o iinom ng alak sa hindi disenteng lugar. Maniwala ako na simula ngayong bagong taon e hindi ka namanchi-chiks, mag-aaral ka ng mabuti, magsisikap ka sa iyong trabaho at sususentuhan mo ang anak mo sa kabilang pinto, eh pagkalipas ng ilang mga linggo ay balik ka na naman sa dating gawi. Anyrae sa mga salita mo, tsong at tsang?

Bagong taon na, eh ano naman ngayon? Maraming mga pangayayari. May magaganap, ke inaasahan man natin yan o “suprprise” lang. Alalahanin natin na kahit pare-pareho na lang ang takbo ng araw at gabi sa buhay natin e, iba naman ang posibleng maranasan natin. “Tomorrow will be different,” ika nga. Isa pa, walang permanenteng bagay sa ating mundo. Kung mag-i-Ingles na naman ako dito e, “Nothing is permanent in the world except change.” Sa madaling sabi, may pagbabago pa rin. May bagong nagaganap at may pagbabagong magaganap.

Bagong taon na, eh ano naman ngayon? Kung ikaw ay isang relihiyosong nilalang e magpasalamat ka na lang sa iyong Dakilang Maylikha. At least, hindi pa tapos ang misyon sa mundong ito. May panahon ka pa para mag-enjoy.

Bagong taon na, eh ano naman ngayon? Swerte mo kaya no? yung iba dyan nangangarap na gusto mamuhay ng mahabang panahon pero pagdating ng holiday e kinapos na. Pasalamat ka no!

Ayun, bagong taon na! Eh ano naman ngayon? Eh di…. HAPPY NEW YEAR! Magsaya ka na lang, no!

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

Sunday, 30 December 2012

No New Year’s Resolution.


New Year’s Resolution?! Uso pa ba iyun?

Uso yan, kung ikaw ay estudyante ka pa lang sa elementarya, tulad namin noon. Kapag unang araw ng klase sa buwan ng enero nun, ang panuto ng adviser-slash-homeroom titser namin ay “get one whole sheet of paper, and write your new year’s resolution.”

Patay. Ako pa naman nun e speechless pagdating s mga new year’s resolution. E kung sa wala maisip e. besides, ano bang babaguhin ko sa sarili nun? Maliban pa sa matinong bata namana ko nung mga araw na iyun (pero average student nga lang)? Tsk.


At pagdaan ng taon, kung kelan naman may naiisip akong baguhin sa aking sarili nun, (yun ang tulad ng mga sumusunod: maging maangas, i-minimize kahit papano ang magmura, magtipid, kumain ng marami, manala ng kaibigan dahil naglilipanan sa network ko ang mga “plastik” na nilalang, mag-aral, huwag basta magpadala sa bugso ng emosyon, at iba pa) saka ko naman hindi naisusulat ang new year’s resolution ko. Nasa utak ko na lang ang mga iyan, pero mas naisasagawa ko naman kesa sa mala-planadong pagbabago.

Sa totoo lang, isa sa nakakatawang parte ng ating buhay ay ito – gagawa ang isang tao ng new year’s resolution para sa darating na bagong taon (siyempre), pero wala pa nga sa kagaitnaan ng taon e hindi naman niya naisasakatuparan ito. Hindi nasu-sustain o nagiging “inconsistent” ang mga salitang plinano. Anyare?

Kaya ang dating e parang hanggang plano lang ang karamihan sa mga tao na gumagawa nito. (Hindi naman siguro lahat ng tao ay ganyan ano? I mean may mga tao rin naman na nagagawa nila ang mga resolusyon nila.)

Siguro, bago nila alisin ang bisyo nila (legal man o bawal), magpayaman, magpa-sexy (o magpa-chubby), maging matinong kaibigan/asawa/anak/kapitbahay sa kanilang kapwa, e ito ang dapat nila maikunsidera bago gumawa ng new year’s resolution: DISIPLINA sa sarili. Dahil kung gusto nga ng pagbabago ng isang tao sa sarili niya e dapat matuto siya kung paano kumontrol sa kanyang sarili.

Maganda nga naman ang may plano ka sa iyong sarili sa mga bagay-bagay na may nais kang baguhin. At least may ideya ka kung paano mo siya isasagawa, ‘di ba?

Pero alalahanin mo – ang pagbabago ay mas maganda kung idinadaan ito sa gawa kesa sa salita. Oo, isinasagawa nga kesa sa tahasanag paglalahad tulad ng isinusulat lang sa papel, gini-GM sa text, tini-tweet o ginagawang status sa Facebook.

Dahil hindi mo ginawa ang mga yan at bagkus e wala naming pagbabagong naganap sa iyo sa paglipas ng taon, tatlong salita ang tiyak na possibleng tatama sa iyo pabalik: mayabang, hanggang salita, o hipokrito ka pala e.

Kaya… New Year’s Resolution? Tigil niyo na yan!

Pero kung gagawa ka pa rin niyan, e siguraduhin mo lang na magbabago ka talaga ha?

09:39 a.m., 31/12/2012
Author: slick master | © 2012 september twenty-eight productions

Saturday, 29 December 2012

For Ligaw's Sake?


Panliligaw? Uso pa ba iyun?

Sa totoo lang, nagbago ang pananaw ko ukol sa bagay na ito. Ang pagkakaalam ko lang e para kang isang produkto at binebenta mo ang sarili mo para maakit siya at mahalin ka tulad ng pagmamahal mo sa kanya. Ihinahakbang mo ang iyong best foot pa-forward, ika nga. Yung tipong palapit sa kanya. Kung kelangan mo na gumastos ng pera at panahon, mag-effort mula bahay mo papunta sa bahay niya, o ultimo magpapansin sa text at Facebook, basta para lang makuha ang atenmsyon niya, gagawin mo. Oo ganun nga. Gagawin mo.

Ganun? LECHE! Tigilan na natin ito.


Sa totoo lang, hindi ko mawari ang mga nangyayari sa panliligaw ngayon? Yung tipong hindi dapat na maging pangkaraniwang para sa isang “manliligaw” lang.

Unang-una. Magtatanong kung “pwede bang manligaw?” Siguro bigyan natin ng benefit of the doubt na siguro ang taong iyun e takot ma-reject (sino ba naman sa atin ang gusto ma-turn down, ‘di ba?). Pero, pano kung ang prospect mo e yes lang ng yes? As in lahat ng taong nagtanong lang sa kanya na kung pwede daw ba siya ligawan e yun lagi ang sagot. Oo, yung nga – ang OO. Masasabi mo bang malandi siya kung ang intension niya ay mag-entyertain ng mga manliligaw?

O paano na lang kung talagang ayaw niya. May magagawa ka ba? BASTED! Kaya ang matinong tip dyan, ‘wag mo na lang itanong yun, gawin mo na lang.

Idagdag mo pa ang panahon na inaabot. Long courtship ba? Yung tipong pang-ubos ng kung anuman ang nasa kalooban mo. Ang hirap siguro nun no kung 2 years mo siya niligawan then all of the sudden, basted ka pala! Parang nasayang lang ang panahon na dapat sana e nilalaan mo para makaiskor ng Godlike game sa DoTA, maging susunod na NBA o UFC na superstar, na-promote na sa trabaho, maging cum laude sa pinapasukang eskwelahan, o tumira ng sandamukal na extra rice at bottomless iced tea.

Ito pa ang pangit dyan. Nagseselos na parang akala mo e boyfriend ka na niya, lalo na kapag kausap niya ang mga kasamahan niya sa work e obvious naman na ni yung mga lalakeng yun e hindi naman siya pinopormahan. Hoy, baka nakakalimutan mo na may linya na nagbibigay ng pagitan sa pagiging “suitor” sa pagiging “sweetheart,” ha?

Isa pa. Nanliligaw ka at ine-engage mo ang iyong sarili sa kanya at sa relasyong namamagitan sa inyong dalawa dahil sa nararamdaman mo sa kanya bilang taong mahal mo. Hindi para i-display mo siya bilang “trophy” (mas masaklap: collect and select), yung tipong may masabi ka lang na “uy, guys... girlfriend ko pala oh!” Iba ang mga akto ng nagmamayabang dahil “girlfriend” mo siya, sa nagmamayabang dahil sa “minamahal” mo siya.

At, ito pa. Hindi porket sinagot ka ng kasintahan mo e titigil ka na sa panliligaw sa kanya. Ika nga ni Papa Jack, tuloy-tuloy yan kahit maging mag-asawa na kayo. Bagay na hindi na yata nagagawa ng iilang mga tao sa kanilang partner. Baka naman t’wing montshsary lang magpakita ng lambing ‘tong mga to sa isa’t isa. Nagbago na ang mga lalake sa kanilang babaeng niligawan porket napasagot na nila.

Kaya what’s the point para manligaw pa?

For proper or “formality” ba? E una, kayong dalawa lang naman ang involved dyan, hindi ang sambayanan na usisero at tsismoso na makikibalita sa estado niyong dalawa? At huli, ang relasyon ay nagsisimula sa bagay na hindi kinakailangan ng kung anumang pormalidad na pamamaraan. Right timing and right place? Given, pero right manner to start it out? Weh.

Gayahin mo lang si Macoy (na base sa isang kumento na nabasa ko sa isang blog ukol sa panliligaw). Ansabe ng mga tao sa mga salita niyang, “I don't believe in courtship. It's a waste. If I love the person, I'll tell her right away. But for you I'll make an exception. Just love me now and ill court you forever.”

Sa madaling sabi, kaechosan lang daw ang panliligaw kung ang dating Diktador ang tatanungin. Kung gusto mo ng mas brutal na termino para dyan, give a big English word called BULLSHIT. Kung gusto mo sabihin na mahal mo talaga siya (pero siyempre, dapat totoo yang nararamdaman mo ha), e di gawin mo. Ipagtapat mo. At kung anuman ang mangyari pagakatapos nun, make sure na wala kang regret.

Minsan, mas naiisip ko pa na mas tama pa ang friendship bilang “getting-to-know-you” phase kesa sa panliligaw mismo e. May mga tao nga dyan e ilang araw na magkakilala, nagkaroon na ng aminan e. Gusto ni mokong ang loka. Ganun din naman ang ale sa manong. Then, nag-usap ukol sa estado nilang dalawa. Nag-agree na sila na pumasok sa isang relasyon. Hindi yung tipong nagpaliguy-ligoy pa.  At hindi “PBB Teens” yun, tulad ng mga sasabihin ng mga mababaw lang ang pag-unawa. (Siyempre, case-to-case basis naman yun bago mo husgahan no)

At ito nga pala... relasyon ang pinapatagal, hindi ang panliligaw.

Kaya… courtship stage? Asus. Tigil niyo na iyan.

03:13 p.m., 30/12/2012
Author: slick master| © 2012 september twenty-eight productions

Wednesday, 26 December 2012

Inside the mind of a straight-forward guy.

Sa panahon na marami na ang abusadong nilalang sa kanilang mababait na kapwa, mga tulad ko na lang yata ang tanging makakatapat sa mga ito. Oo…

“’di bale nang masungit o suplado, kesa naman sa laging inaabuso o naaagrabyado.”

Parang mas okay pa ang maging prangkang nilalang, straightforward, maangas na kala mo ay isang siga kesa sa pagiging anghel palagi (yung tipong “hindi makabasag-pinggan” ba),  o kung sa mata ng mga romantiko e “gentleman,” at underdog ang effect. At by the way, hindi ito usapin ng pagkakaroon ng “pleasing personality,” ha? Iba yun.

Bakit kanyo? Simple lang.
Nakakasawa na rin ang pagiging mabait e. Pakakasawa in a sense na mapapatanong ka na lang sa sarili mo habang nagmumuni-muni ka mag-isa sa isang sulok ng kwarto mo, o pag nakatingin ka sa salamin (na hopefully e hindi mabasag sa isang sulyap mo lang). Parang….
Bakit nga ba ganito ang iilang mga tao, ano? Kapag mabait ang nakakasalamuha nila, inaabuso ang kabaitan nila. Pero kapag sumabog ito (yung tipong napuno na. Come on, kala mo porket mabait e hindi siya nauubusan din ng tinatawag na “pasensya?”), parang lintik ang mga kumag na hahanap at gagawa ng butas para lang siraan siya. Palibhasa mas tumatatak pa sa isipan ng mga ‘to ang mga negatibong bagay kesa sa mga magagandang nagawa.
Ano ‘to? Ganito na ba kakakitid ang utak ng mga mokong na ‘to?

Sa totoo lang… ang inyong lingkod ay ilang beses nang nagging biktima ng ganitong pagkakataon. Pag nice guy ka, parang wala kang puwang sa mundong ito. Lagi kang nagiging butt ng jokes. In short, binu-bully. At bakit ganun ang nangyayari sa akin?

Wala e. Likas kasi na mabait ako e.

At maliban pa sa naranasan ko e ganyan din ang naoobserbahan ko sa lipunang ito. Madalas pa kamo nabibiktima ang mga taong walang kamuwang-muwang. Yung mga mukhang mabait. Kawawa naman tong mga ‘to, bagamat kung sa kabilang band aka titingin – yung tipong perfectionista ang punto de vista mo – e mabibira mo pa sila na mga “tatanga-tanga.” Oo, tatanga-tanga kasing yan.

Ito pa, kapag dinaan sa diplomasya, hindi ka pakikinggan. Pero 'pag dinaan sa dahas, sila pa ang may ganang magreklamo. Ni hindi sinubukan na intindihin ang mga bagay-bagay bago umangal? Sapatusin ko kaya ang mga bunganga nito?

Ang mas masaklap diyan, kung sa pag-ibig pa ang usapan, dalawang bagay lang yan: mape-friendzone ka dahil sa sobra mong kabaitan, o lolokohin ka lang ng jowa mo balang araw (oo, pag dating ng panahon na sa sobrang pagiging mabait mo e mauumay na siya) – well, maliban na nga lang kung sadyang matinong nilalang din ang partner mo.

Kaya minsan, sabi ko na lang ay “tama na ang pagiging ganito. Hindi tayo isasalba ng karma mula sa itaas kung tayo mismo e hindi rin matututo at magtatanda. Kung kailangang gumanti, e ‘di gawin!” At hindi ko sinasabi ‘to para magkaroon ng away, ha? Ang punto kasi dito e kelangan din malaman ng mga abusadong ‘to na hindi tayo basta-basta tao lamang. Oo, hindi nga ako ipinanganak para mangagrabya ng kapwa ko, pero hindi rin ako namuhay sa mundong ito para tapak-tapakan lang ng mga mukhang paa na mga asungot, este, abusadong nilalang na tulad ng mga ‘to.

At bakit ganun na lang ang pananaw ko, na alam ko may bibira dyan na sobrang taliwas sa nakararami ang anumang paniniwala ko sa puntong ito?

May kasabihan, “nice guys finishes last.” At uso kasi ngayon ang mga tipo na agresibong lalake. Aggressive in what? Well, alam niyo na yun, liberated na rin kahit papaano ang kaisipan ng mayorya e.

At ika nga ni Stanley Chi sa kanyang librong POGI POINTS, “Kung masaydo kang good boy, iisipin nilang nagpapanggap ka o madali kang mauto! Either way, talo ka.” Ano ibig sabihin nito? Ang sobrang kabaitan ay nakakasama rin pala.

Kaya minsan, pa entrance-exit na lang ang mga salita ng sermon ng ermat ko sa tenga ko kapag napansin niya na maangas na ako kung umasta. Katulad na nga lang ng sinabi ko kanina, ‘di bale nang suplado, kesa naman sa laging naagrabyado.

At how I wish na maintindihan ng mga tao yan mula sa akin.

Kaya kung napapansin niyo na ganito ako kaangas ang asta ko ke sa personal man o sa harap ng modernong teknolohiya (na minsan e napapagkamalan pa akong nawawalang utol ng Tulfo brothers ayon sa aking Ate Dhors sa DFBI), e at least alam niyo na ang dahilan.

02:58 p.m. 27/12/2012
Author: slick master | © 2012 september twenty-eight productions