Panliligaw? Uso pa ba iyun?
Sa totoo lang, nagbago ang pananaw ko ukol sa bagay na ito. Ang pagkakaalam ko lang e para kang isang produkto at binebenta mo ang sarili mo para maakit siya at mahalin ka tulad ng pagmamahal mo sa kanya. Ihinahakbang mo ang iyong best foot pa-forward, ika nga. Yung tipong palapit sa kanya. Kung kelangan mo na gumastos ng pera at panahon, mag-effort mula bahay mo papunta sa bahay niya, o ultimo magpapansin sa text at Facebook, basta para lang makuha ang atenmsyon niya, gagawin mo. Oo ganun nga. Gagawin mo.
Ganun? LECHE! Tigilan na natin ito.
Sa totoo lang, hindi ko mawari ang mga nangyayari sa panliligaw ngayon? Yung tipong hindi dapat na maging pangkaraniwang para sa isang “manliligaw” lang.
Unang-una. Magtatanong kung “pwede bang manligaw?” Siguro bigyan natin ng benefit of the doubt na siguro ang taong iyun e takot ma-reject (sino ba naman sa atin ang gusto ma-turn down, ‘di ba?). Pero, pano kung ang prospect mo e yes lang ng yes? As in lahat ng taong nagtanong lang sa kanya na kung pwede daw ba siya ligawan e yun lagi ang sagot. Oo, yung nga – ang OO. Masasabi mo bang malandi siya kung ang intension niya ay mag-entyertain ng mga manliligaw?
O paano na lang kung talagang ayaw niya. May magagawa ka ba? BASTED! Kaya ang matinong tip dyan, ‘wag mo na lang itanong yun, gawin mo na lang.
Idagdag mo pa ang panahon na inaabot. Long courtship ba? Yung tipong pang-ubos ng kung anuman ang nasa kalooban mo. Ang hirap siguro nun no kung 2 years mo siya niligawan then all of the sudden, basted ka pala! Parang nasayang lang ang panahon na dapat sana e nilalaan mo para makaiskor ng Godlike game sa DoTA, maging susunod na NBA o UFC na superstar, na-promote na sa trabaho, maging cum laude sa pinapasukang eskwelahan, o tumira ng sandamukal na extra rice at bottomless iced tea.
Ito pa ang pangit dyan. Nagseselos na parang akala mo e boyfriend ka na niya, lalo na kapag kausap niya ang mga kasamahan niya sa work e obvious naman na ni yung mga lalakeng yun e hindi naman siya pinopormahan. Hoy, baka nakakalimutan mo na may linya na nagbibigay ng pagitan sa pagiging “suitor” sa pagiging “sweetheart,” ha?
Isa pa. Nanliligaw ka at ine-engage mo ang iyong sarili sa kanya at sa relasyong namamagitan sa inyong dalawa dahil sa nararamdaman mo sa kanya bilang taong mahal mo. Hindi para i-display mo siya bilang “trophy” (mas masaklap: collect and select), yung tipong may masabi ka lang na “uy, guys... girlfriend ko pala oh!” Iba ang mga akto ng nagmamayabang dahil “girlfriend” mo siya, sa nagmamayabang dahil sa “minamahal” mo siya.
At, ito pa. Hindi porket sinagot ka ng kasintahan mo e titigil ka na sa panliligaw sa kanya. Ika nga ni Papa Jack, tuloy-tuloy yan kahit maging mag-asawa na kayo. Bagay na hindi na yata nagagawa ng iilang mga tao sa kanilang partner. Baka naman t’wing montshsary lang magpakita ng lambing ‘tong mga to sa isa’t isa. Nagbago na ang mga lalake sa kanilang babaeng niligawan porket napasagot na nila.
Kaya what’s the point para manligaw pa?
For proper or “formality” ba? E una, kayong dalawa lang naman ang involved dyan, hindi ang sambayanan na usisero at tsismoso na makikibalita sa estado niyong dalawa? At huli, ang relasyon ay nagsisimula sa bagay na hindi kinakailangan ng kung anumang pormalidad na pamamaraan. Right timing and right place? Given, pero right manner to start it out? Weh.
Gayahin mo lang si Macoy (na base sa isang kumento na nabasa ko sa isang blog ukol sa panliligaw). Ansabe ng mga tao sa mga salita niyang, “I don't believe in courtship. It's a waste. If I love the person, I'll tell her right away. But for you I'll make an exception. Just love me now and ill court you forever.”
Sa madaling sabi, kaechosan lang daw ang panliligaw kung ang dating Diktador ang tatanungin. Kung gusto mo ng mas brutal na termino para dyan, give a big English word called BULLSHIT. Kung gusto mo sabihin na mahal mo talaga siya (pero siyempre, dapat totoo yang nararamdaman mo ha), e di gawin mo. Ipagtapat mo. At kung anuman ang mangyari pagakatapos nun, make sure na wala kang regret.
Minsan, mas naiisip ko pa na mas tama pa ang friendship bilang “getting-to-know-you” phase kesa sa panliligaw mismo e. May mga tao nga dyan e ilang araw na magkakilala, nagkaroon na ng aminan e. Gusto ni mokong ang loka. Ganun din naman ang ale sa manong. Then, nag-usap ukol sa estado nilang dalawa. Nag-agree na sila na pumasok sa isang relasyon. Hindi yung tipong nagpaliguy-ligoy pa. At hindi “PBB Teens” yun, tulad ng mga sasabihin ng mga mababaw lang ang pag-unawa. (Siyempre, case-to-case basis naman yun bago mo husgahan no)
At ito nga pala... relasyon ang pinapatagal, hindi ang panliligaw.
Kaya… courtship stage? Asus. Tigil niyo na iyan.
03:13 p.m., 30/12/2012
Author: slick master| © 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment