Showing posts with label cyberspace. Show all posts
Showing posts with label cyberspace. Show all posts

Tuesday, 16 October 2012

Cybercrime Can’t Stop Blogging...


Bago pa man naisulat ng awtor na ito ang naturang blog, naglabas kamakailanlang ang Korte Suprema ng isang Temporary Restraining Order o T.R.O. na nagpapatigil sa pamahalaan sa pag-iimplementa ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa loob ng mahigit isangdaan at dalawampung (120) araw. Ang nasabing TRO ay naging epektibo noong Martes, a-9 ng Oktubre, taong 2012, at ang naging tanging pansamanatalang resolusyon base sa 15 petisyon sa SC ng iba’t ibang mga grupo na kumokondena sa cybercrime bill mula noong pinirmahan ito ng Pangulong Noynoy Aquino noong nakaraang Setyembre at tuluyang naimplementa naman noong Martes, Oktubre 2, 2012.

Maraming tao ang nagtatanong sa akin ukol sa isyu ng cybercrime law, lalo na noong nalaman nila na isa akong blogger na panay sa pulitika, opinion at lipunan ang mga madalas na tema ng aking sinusulat o nilalahad. Mula sa mga ka-clan ko sa text, Facebook friends, Twitter followers at kahit yung mga nakaksabay ko sa pag-aapply ng trabaho.

Paano na lang daw ang tulad ko na isang blogger? Dahil sertipikado daw na malalagay sa alangan ang mga tulad ko, amateur man (bagay na kinabibilangan ko) o isang pro.


Sabagay, nakakatakot nga naman ang Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, lalo na ang e-libel provisions, at lalo naman ang Section 19 na nagbibigay pahintulot sa mga alagad ng batas na usisain ang lahat ng mga data, at puwede pa kamo na ipasara o i-restrict ang acess sa anumang computer data mo, kahit sa prima fache lang. Oo, kahit sa simpleng hinala lang. Masuspetsahan ka na may ginagawang iregularidad kahit sa totoo lang ay wala naman, e puwede ka nang madale.

Pero ito lang siuro ano po. Dahil matagal na rin naman ang mga aktibidad ng pagba-blog, sa tingin ko hindi nito masusupil ang paglalahad ng tao. Bakit kanyo?

Hindi naman lahat ay nagsusulat ng mala-opinyong bagay. Marami dyan, magagaling magkwento, romantikong pag-ibig man, komedya, sekswal, kaalaman o mga piksyon lamang. Iba-iba ang genre at specialization ng tao sa pagsusulat ng mga nais nila.

At siguro, isang bagay lang ang pinapahiwatig ng mga batas na tulad nito. Maging responsable sa paggamit sa mga salita. Ang hirap kasi sa iba, basta makapaglahad, yun na. Given na ang katotohanan na may masasapul talaga kahit gaano tayo kaingat (after all, hindi natin kaya i-please ang sinuman at laging may dalawang panig ang isang balita), pero marami kasi ang mga tao kung makapaglahad e daig pa ang mga balahura. Mga hindi nag-iisip o naghihinay-hinay. Alam ko na uso na ang pagiging straight-forward, pero lahat ng yan ay nilulugar. Nilalagay sa wastong posisyon. Hindi ka puwedeng bumitaw ng mga maaanghang na salita kung ang tinatarget mo naman na mga tao na magbabasa niyan ay ang mga batang hindi pa maintindihan ang mga baya-bagay.

Minsan nga naisip ko, too late na rin e. Kasi ang daming barbaro sa FB at Twitter. Actually, marami na rin ang mga asal-gago noong panahon na uso pa ang Friendster e. isama mo na ang pakikipagchat sa Yahoo! Messenger. Pero okay na rin para makasabay naman sila sa agos ng tao at teknolohiya. Yun nga lang, kung may rerepasuhin, e di irepaso. Problema ba iyun?

O, sabagay, baka matatabunan na naman ito ng mga panibagong isyu tulad ng Sin Tax Bill at Midterm Elections. At panigurado, kapag natapos ang TRO nito sa bandang Pebrero 2013, marami na naman ang ugong-ugong na reaksyon. Puputok na naman ang butsi ng karamihan.

Pero sa maniwala ka o sa hindi, hindi kayang supilin ng Cybercrime bill ang pagba-blog. Hindi talaga.

Author: slickmaster | Date: 10/16/2012 | Time: 11:32 a.m.
© 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 2 October 2012

MASISISI MO BA SILA?


Ang mga tao sa mga social networking sites, na ang lalakas ng pwersa kahit hindi nagsasalita. Sa isang post o comment lang, kaya na nila banggain ang sinuman. Mga nambubully man, na-caught in the act na kawatan, at kahit ang mga sikat na personalidad. Masisisi mo ba sila kung bakit gan’on na lang ang reaksyon nila sa batas na tila kikitil sa kalayaan nila na maglahad ng anumang naiisip at nararamdaman nila sa internet?

Oo at hindi lang ang posibleng sagot na nakikita ko.


Sabagay, masisisi mo ba ang mga tao na naglalabas ng saloobin sa Facebook matapos ang nakakastress na araw para sa kanila? Kahit sabihin natin na walang nagagawang tama ang magbuhos ng emosyon sa isang social media post? Ito kasi ang nagsisilbing getaway nila sa masasamang bagay sa realidad ng kanilang buhay. Dito sila nagte-take out ng kani-kanilang mga frustrations at problema.

Masisisi mo ba ang mga sadyang opinionated lamang na tao, na nakikipagpatutsadahan ng mga kumento at personal na tirada sa kada nagbabanggaang trending topic sa Twitter? Pero mas mabuti sana kung tatanggalin na natin ang pamemersonal, ano po. Yan kasi ang hirap sa iilan. Sakit na yata nila iyan.

Masisisi mo ba na ginagawang katatawanan na lamang ang mga problema sa buhay ng ilang mga users? Yung mga may ayaw sa negative vibes at bad news na umeere sa mga balita? Sabagay, there’s a world of difference between having fun and making fun. Pero kadalasan kasi ang troll ay wala na rin sa hulog kung makapang-trip. Kahit sino na lang, titirahin, bumenta lang ang post. Walang pakialam sa mga sasagasaaan na tao kung sakali. Mas mabigat na damage yun, talagang prone sila sa cyber-libel. At ang mga matatamaan ng pagto-troll, parang maituturing na biktima ng isang kaso na tinatawag na “cyber-bullying.”

Masisisi mo ba ang mga taong mahihilig kumondena sa kada kalokohang nagaganap at naganap sa lipunan, virtual man o realidad? Oo nga naman, ‘di ba? May mga tao na mala-akitibista kung makapagreact, pero ayos lang ‘yan kesa naman sa mga taong nakikiuso lang at wapakels deep inside, as in may masabi lang.

Sabihin man natin na may halong conspiracy at mob mentality ang karamihan sa mga social networking users. But the real thing is, iyan na lang yata ang natitirang way nila para mai-express ang sarili nila. Maliban na lang kung mayaman sila sa load para magsagawa ng mala-group message na text brigade. At kahit ang mga blogs, na naging venue na para sa iba na maglahad, lalo na ang mga taong sadyang may passion sa pagsusulat.

Ngayon, bakit sila madedeprived para mailahad ang saloobin nila? Masisisi mo ba talaga sila? Oo at hindi.

OO, dahil karamihan sa kanila ay naglalahad sa mala-barbarong pamamaraan. Hindi man lang responsable sa mga sinasabi nila. Hindi ko alam kung hindi ba nila nalalaman na ang lakas ng kapangyarihan ng mga “salita” o nagpapanggap lang na ignorante ang mga ito. Sadyang totoo na may matatamaan talaga sa anumang mailalahad ng bawat tao, pero hindi ibig sabihin noon na hindi na tayo magdadahan-dahan. Alalahanin mo, ito ang panahon ngayon na maraming napapahamak dahil lamang sa pagsasabi ng totoo.

At HINDI dahil sa modernong panahon, sa mga gadget na lang tulad ng cellphone at computer na lang ang pamamaraan nila para makapaglahad. At bilang mamamayan ng bansang ito, iyan ang isa sa mga nakapaloob sa ating Bill of Rights. Parte yan ng karapatan natin bilang tao. Pero sa totoo lang, mas masuwerte pa tayo kesa sa ibang bansa na talagang banned ang paggamit ng social media by all means (o kung hindi man, e kontrolado pa rin).

There’s a thin line between telling the plain truth and defaming somebody else, whether by intention or not. Ibig sabihin, may pagkakaiba kasi ang pagsasabi ng totoo sa magsabi ka ng mga bagay na paninira na kung maituturing, sadya man o hindi. Kaya sa totoo lang, mag-ingat din kasi tayo sa anumang ilalahad natin, dahil iba-iba tayo ng pananaw bilang tao, parang malayang lipunan natin. 

Author: slickmaster | Date: 10/03/2012 | Time: 10:05 a.m.
© 2012 september twenty-eight productions.

Monday, 1 October 2012

The Libel-Prone World.


Hmmm… paano nga ba ang Pinoy kung maisakatuparan ang cyber crime law? Lalo na ang libel provisions nito? Marami man ang magiging palaban sa batas na ito, pero paano nga ba sila hindi aalburoto kung ultimo ang mga eksperto ay nagsasabing sumobra na sa pangil ito. At mantakin mo, ang ilang mga mambabatas ay umamin na parang may mali sa naisabatas na Republic Act 10175? Ke hindi raw na-review ng husto ang mga probisyon sa kasong libelo

Wala nang murahang magaganap. Baka ma-libel e. Mahirap na.

Wala nang ring asarang magaganap. Baka-libel na din maituturing.

Wala na ring mga meme’t wall photo na pagtitripan. Sabay, parang bullying na rin kasi ang dating e.

Ang hirap kasi ay hindi malinaw ang pamantayan kung kelan libelous ang salita o hindi. Magkakaiba tayo ng standard ng tolerance bilang tao. Kungbaga kung ang salitang tulad ng "Gago" at iba pa ay expression pa lamang para sa akin, baka sa iba o kahit sa inyo, hindi. Ganun kalabo. Sa print at broadcast media may matinding distinction sa mga salita kung libelous ba ang mga ito o hindi. Pero sa social media, iba na ang kahulugan nito. Yun lang ang problema.


Paano kung may cybercrime law? Wala nang freedom of expression. Teka, wala nga bang kalayaan sa pagsasalita? O patama ito lalo na sa mga abusado’t internet gangster? Na hindi kasi tayo naghihinay-hinay sa mga patutsada natin? Marami kasi ang mga lumalabis din sa mga kinokomentan ang mga loko at loka e. Pero ganun pa rin e. Lahat ay tatamaan nito. Mas matindi pa sa pagkontrol ng anumang iisipin at sasabihin natin.

Ganun? Parang ang labo naman yata nun. Ang boring. Ano na lang ang silbi ng mga social networking sites tulad ng Facebook? Pang-professional na usapan na lang ba? E hindi naman lahat ng mga taong gumagamit nito ay elitista, yung iba, nakisakay din sa uso at hindi mo masisisi iyun. At dito na nga lang madalas naglalabas ng sama ng loob ang tao niyan. Patay tayo diyan! Pero sabagay, may internet ettiquette kasi  naman. E ang problema sa iba, wala yatang sentido kumon para mag-isip at at magkaroon ng ganito. Pero ganun pa rin e.

Baka naman ang ultimong “hehehe!” ay bawal na rin? Ano ‘to? No more laughtrip na yun na nga lang ang remedy ng iilan sa mga problemang hinaharap nila? Ayon kasi kay Sen. Guingona, baka kahit ang ganung expression, kung agree naman sa isang post na prone sa kasong libelo ay maipagbawal na rin. WAH!

Paano na lang maglalahad ang mga tao ng kanilang mga saloobin? Paano na lang kung magiging bulag sila sa mga nakikita nila at maging pipi. Ano to? Aasa na lang ba tayo sa mga public service program o kahit sa mga palabs ni Tulfo para maisawatan ang mga anomalya sa lipunan?

Oo nga, where the damn fuckin’ hell is the freedom of speech?!

At, oo nga din. Paano na lang ba kung may online libel? Baka wala nang mga political-and-opinion themed blogs (tutumal na e), wala na rin ang mga segment ko sa pages na o yung ultimong paborito kong i-post… ang #TiradaNiSlickMaster pati na rin sa ibang mga tao, blogs at pages man lang.

Bye, bye!

Author: slickmaster | Date: 10/02/2012 | Time: 12:08 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions


Sunday, 30 September 2012

Paano silang mga bata?


Magtatanong lang po, tutal uso naman pag-usapan ang batas na ito.

Teka, paano na nga lang ba ang mga kabataan kung ma-implementa ang Republic Act 10175 o ang Cybercrime Protection Act of 2012?

Karamihan kasi sa mga bata ngayon na napapansin ko ay sadayng mapusok. At hindi lang to usapin ng PBB Teens, ha? Sa mundong umiikot ang karamihan sa kanila sa mga aktibidades pagkatapos ng klase gaya ng DotA, walang kwentang relasyon, teenage sex, usapang “crush,” “face-off” sa wall photos ng Facebook, sa mga “frat,” mga pipitusging musika ng popular na kultura, ultimo mga tunog-dyip na hip-hop at iba pa… May mga… well, (err) ganyan, na mga kabatan. Nakikita ko pa ang mga yan base sa mga laman ng news feed ko sa Facebook pati na rin sa Twitter. Karamihan kasi sa mga iyun ay mga tao na mas bata pa sa akin.


Ilang mga senaryo ay yung maghahamon pa ng away, mga parinigan sa status at tweet. Akala mo ang aangas magsalita e wala naman sa tamang porma ang mga tina-type. Pati ang pangalan ng Diyos, jine-jejemon pa. Mahiya naman kayo kahit sa salitang yan lang, ‘oy!

At yung iba pa sa kanila, mapangahas na makikipag-away pa… literal sa mga post. Nasasara ko na lang ang browser ko sa dismaya at sa iwas na makihalubilo ako bilang tagapammagitan sa mga ito. Kahit kasi ituring ka pa ng mga ito na “kuya” sa mga ito, e hindi ka naman talaga sigurado kung makikinig ang mga ito. Wala itong pinagkaiba sa sirang-plaka na sermon. Entrance sa left ear, exit sa right. At, bakit ka nga ba makikialaam, ‘di ba?

Oo nga, paano na lang kung maiimplementa ang RA 10175 at masasapul din talaga nito ang mga kabataan (as in qualified sa electronic libel at cyber bullying ang ginawa nila), lalo na sila pa mng mas expressive na tao sa social media ngayon kesa sa mga tao na talagang lehitimo o nasa wasting edad para gumamit nito? Kahit sabihin natin na “ay, sus. Slick Master, wa-pakels naman yang mga bata e,” O sige, let’s give that as the benefit of the doubt. Pero ‘tol, sa hanay ko kasi hindi lang karamihan sa mga online friends ko ay ang mga bata, pati na rin ang mga pamangkin ko. Kaya hindi ko rin maiwasan na maging concern lalo na sabay sa uso rin ang karamihan sa kanila.

Kung maimplementa nga naman ang RA 10175 at nagkataon na maaktuhan sa krimen ang mga ‘to? May magagawa ba talaga ang batas diyan, o baka matulad lang din yan sa mga batang hamog sa Guadalupe na iwawagayway ang birth certificate nila and presto, deresto sa DSWD or else, lalaya din. Hindi ko lang alam kung may naka-foresee nito sa mga mambabatas.

Bagamat sa pagkakaalam ko ay mas matimbang ang posibleng kaharapan ng sinuman sa batas na ito. E ayun lang.

Siguro, tama na rin ang sinabi ng tropa ko na katext ko sa usapang ito. Tignan na lang natin ang resulta. Sana lang matuto ang mga bata ngayon dahil mkung hindi, nah, malalaman nila na ang bagay na kinaadikan nila sa internet ay ang tiyak na makakapagpahamak din sa kanila kapag sila ay umabuso lalo. Naku.

Nagtatanong lang po.

Author: slickmaster | Date: 10/01/2012 | Time: 11:48 a.m.
(c) 2012 september twenty-eight productions