(Ang blog na ito ay may halaw ng inspirasyon at konteksto mula sa “Ispokening Inglis” episode ng Word Of the Lourd na unang sumahimpapawid sa TV at YouTube noong Marso 2011)
Ang gulo lang talaga ng mundo ng salita. Singgulo ng mga bagay na kung tawagin ay “kritisismo.” Minsan na sumapul sa isipan ko ang tanong na ito:
“Bakit parang napakalaking kasalanan ‘pag maling-mali ‘yung grammar mo sa Ingles? Pero bakit ‘pag nagkakamali ka sa Tagalog, okey lang?” – Lourd de Veyra
Oo nga naman, mula sa “long-legged” ni Melanie Marquez hanggang sa pagiging over-confident ni Janina San Miguel; sa isang speech ng dating Pangulong Estrada, hanggang sa mga patawang istilo ng pagsasalita ng wikang Ingles ni Jimmy Santos… at isama mo na diyan ang pagti-tweet ni Manny Pacquiao noon na pinutakte ng mga netizens. Bakit nagiging mistulang “Grammar Nazi” ang karamihan?
Sabagay, “public figure” ang mga ito sa ating lipunan, kaya siguro inaasahan natin ang kanilang pagiging tama at perpekto sa lahat ng oras.
Pero ‘tol, tao pa rin naman sila e. Natural, hindi perpekto. Oo nga, andun na tayo. Kaya lang dahil nga tinitingala sila ng mga tao, ang anumang pagkakamali na magawa nila – kahit sa pagbigkas lang ng salita – ay isang big deal, lalo na sa lengwahe ng mga Amerikano’t Briton. Parakang nagpartisipa sa isang laro na may alintuntunin na “one mistake and you’re dead.” As in bawal magkamali, nakamamatay.
Teka, may mga tao rin naman sa ibang lahi na sablay (at kung minsan, mas sablay pa sa ating mga Pinoy) pagdating sa pagsasalita ng pangalawang pinaka-ginagamit na wika sa buong mundo ha. Mula sa ilang spiel ni Jackie Chan sa pelikula, hanggang sa interview ng CNN sa isang namayapang lider saLibya. Pero, ang mga tanong: PINAGTATAWAN BA SILA NG MGA KABARO NILA at PINAGTATAWAN DIN BA SILA NG IBANG LAHI, PATI NA TAYO? Maaring OO, pero madalas, hindi. Kung bakit?
Sisihin ang walang kamatayang “Colonial Mentality” na nagreresulta sa pagkakaroon ng “hangover” sa ganitong klase ng kaisipan. Tama ang isang interstitial na napanood ko, na “mas gugustuhin pa nating maging matalas sa wika ng ating mananakop kesa sa ating sariling lengwahe, kaya naman tayo ay nagkakandaleche-leche.”
Pero kung sa Ingles ay ganyan ang senaryo, sa wikang Filipino ay dedma naman. Sabagay… mula sa paggamit ng tamang termino o salita, hanggang sa wastong pananda, at kahit sa pagkonstrukta ng mga ideya at salita sa isang pangungusap... DEDMA. Ano ‘kala niyo, ligtas tayo? Paluin kayo diyan ng nanay namin na si Mommyjoyce, ewan ko na lang.
Pero ‘pag nagkamali sa Tagalog, okey lang? Hmm… suwerte lang siguro tayo dahil nandito tayo as panahon na nagiging tolerant ang karamihan sa mga internet users na kapwa nating Pinoy. Parang mga usong troll sa Facebook na sadyang ginagawang katatawanan ang mga problema sa lipunan para lang matakasan ang mga ito. Oo, ang masaklap at masakit na realidad na kung tawagin ay “hubad na katotohanan.”
At natural, tao rin tayo e. Nagkakamali rin. Yun nga lang, may mga pagkakataon na hindi mo pwedeng gawing exuse ang salitang "tao lang" sa mga panahon na sablay na sablay ka na.
Ika nga ni Manny Pacquiao, “It doesn’t matter of the grammar as long as they understand the message thanks.” So ang ibig sabihin pala nito ay simple lang, may mga pagkakataon na mas naiintindihan pa natin ang mga mensahe kahit ang pamamaraan ng paglahad nito ay mas mali-mali pa sa “waley.” At may mga tao na sadyang hindi perpeksyonista sa buhay na kayang i-tolerate ang isa o katiting na pagkakamaling nagawa. Maaring nakakatanga nga minsan ang panlabas na anyo ng sinulat mo, pero kung may puso at sense naman ito – balewala. Bagay na… well, okay lang siguro. Sa madaling salita, MAS IMPORTANTE ANG MENSAHE KESA SA GRAMMATIKA.
Ganun?
Pero siyempre, depende yan sa kung gaano ka-tolerate ang isang tao. E pa’no kung maka-engkwentro ka ng mga superficial, yung ultimo punctuation mark mo ay pinupuna?
Ewan ko, at ewan ko. Pero siguro sa kabilang dako, ayos lang iyun kung makakapagbigay siya ng tinatawag na “constructive criticism.” Ang tipo ng kritisismo na base lamang sa kung ano ang nakalahad. Walang lalabas sa isyu o personal na tirada. Kung pinuna niya ang istilo ng pagsusulat mo, hanggang doon lang. Bagay na minsan ay mas ayos pang tanggapin kesa sa mga papuri. Pero iyan ay kung may makakapagbigay ng tama.
Minsan sa parte ng mga manunulat, amateur man o professional, may iniida pa ring problema na mas malala pa sa tinatawag na writer’s block. Kapag nagkamali ka sa pagta-type ng mga salita sa blog mo, sa dalawang bagay mo lang puwedeng isisi iyan: sa sarili mong mga daliri (unless kung may sakit na Carpal Tunnel Syndrome), o sa Auto-correct option ng word processing program mo.
At parang ako rin mismo ay naguluhan sa sinulat ko. ARGH! *shooks in disbelief*
Author: slickmaster | Date: 10/23/2012 | Time: 05:13 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment