Saturday, 28 June 2014

National Sporting Amnesia

06/16/14 04:05:07 PM

Minsan, hindi lang katamaran ang ating pambansang sakit. Alam mo kung ano? Kundi... “amnesia.” Oo, may sakit tayo na nakakalimot. Ika nga ng isang dating interstitial na pinapanood ko, mayroon tayong “National Amnesia.” Parang noong ika-25 anibersaryo ng People Power revolution lang. Kung noong 1986 ay mas mainit pa sa alab ang ating damdamin na makalaya tayo, ngayon, tila nakalimot tayo sa espiritu o ni pangalan ng EDSA. Dahil pag sinabing EDSA ngayon, may karugtong na mura na dahil sa sobrang bigat ng daloy ng trapiko.

Ngayon, hindi lang sa pulitika tayo nagkakaroon ng pambansang amnesia. Saan mas higit na evident ito? Sa mundo ng palakasan o “sports.”

Totoo nga naman, na pagdating sa mundo ng sports ay pustahan, dalawang bagay lang alam natin: kung basketball, boxing. At dito nanalaytay ang mga pangalan nila Manny Pacquiao, Brgy. Ginebra at ultimo ang Gilas Pilipinas.

Pero, pagkatapos nun, ano na? Wala.

At sa panahon ngayon na mas trip pa ng mga bata na mag-Candy Crush o Temple Run sa iPad nila kesa makipaglaro ng tumbang preso, agawan base, Chinese garter (tangina, kasama pala 'to, samantalang pangbabae lang ang larong ito ah), text, at kung anu-ano pang mga larong kalye nung kabataan natin, ay isa rin ang palakasan sa mga bagay na nakakalimutan na ng kamalayan natin.

Pustahan, pag binaggit mo ang pangalan nila, o ipakita mo ang mga larawan nila, ang unang dalawang salita na sasabhin nila sa 'yo ay “sino yan?” At d'yan nabubuo ang tinatawag na generation gap. Bagay na sa mga libro lamang ng Sibika lang masasagot, kung hindi ang Wikipedia.

Pero ito ang mas malalang senaryo: mas napapansin natin ang mga negatibong bagay kesa sa positibo, bagay na kayang dalhin ng sports. Mas nakikitsismis pa tayo pag nagsalita ang mga tulad ni Kris Aquino, Boy Abunda, at kung sinu-sinong showbiz reporter kesa sa mga pangyayari sa mundo ng sports.

Mas nababagot pa tayo sa mga nangyari sa pork barrel scam at kung anu-ano pang kinasasangkutan ng mga pulitiko kesa sa pansinin kung gaano kagaling ang mga boksingero natin, maliban na lang kung si Manny Pacquiao ang lumalaban (pero ito ang mas nakakapanlumo: mas pinansin pa natin ang mga kontrobersiyang dala ng pangalan niya, salamt sa panggagatong ng mainstream media).

Sa madaling sabi, likas kasi tayong mga negastar. At sa sobrang pagiging nega natin, nakakalimot tayo na mararami palang magagandang bagay na nagaganap sa sating lipunan, at isa dun ay ang sports.

Sino bang mag-aakala nun, na maliban sa mga elitista (siyempre, sila lang naman ang nakaka-afford ng mga babasahing susyalan eh gaya ng mga broadsheet) ay sinu-sino nga lang ang may-alam sa mga balita na ilan sa mga kababayan natin ay mga medalyang nauwi mula sa mga naunang edityon ng Olympics? Na ang liksi natin ay siyang tunay na astig na characteristic ng mga atletang Pinoy? Na noon pa man, mula pa noong panahon ng katanyagan nila Flash Elorde at Pancho Villa ay isa na ang mga lahing Filipino sa mga maangas sa combat sports? At ang tinutukoy ko ay ang boxing.

And come to think na ang Republika ng Pilipinas ay ang tanging Asyanong bansa na nakarating sa pinakamataas na ranggo sa Olympics nun (oo, ang fifth place noong dekada '50? Tangina, hindi biro yan kung ikukumpara sa panahon ngayon na tila napapag-iwanan na tayo kung sa ranggo ang usapan).

Kaya nga may mga astig tayo na bowler at billiard players, eh. Pati na rin sa swimming, track and field, at ultimong chess. Ano, di ka pa bilib? Yan ang napapala pag masyado tayong nakakalimot sa kasaysayan eh.

Tama lang ang mga adhikain na gaya lamang ng Pagpupugay na itinaguyod ni Chino Trinidad, isang batikang sports-beat journo at dating kumisyuner ng PBL, o ang Philippine Basketball League (PBL), at siya ring founder ng TaasNoo, Inc.

Ang palatuntunang nagbibigay-pagpupugay na ginawa niya noong nakaraang Araw ng Kasarinlan ay naglayon din na ipaalala sa mga kasalukuyang henerasyon ng kabataan na mararami pang bagay na dapat nating ipagdiwang. Na hindi mo kailangang makipagsapalaran sa giyera para lang matawag kang bayani sa sariling bayan (at ang konotasyon din ng mga OFW ay may halaw din ng pagkakamali).

Ang kagitingan nila ay huwag sanang mabaon sa limot; na kahit sa gitna ng dagok at sakit, 'wag rin natin sanang makalimutan ang mga naimabag nila sa kabila ng kundisyon na kanilang tinatamasan.

Dahil minsan, sila ang nagbuhat ng “pride” ng Pinoy.

Bagay rin siguro na magsisilbing aral ito para sa inyong lingkod.

Author: slickmaster | © 2014 september twenty-eight productions

No comments:

Post a Comment