Warning: This may be an anti-romantic post. Before you rant “bitter” on this, make sure you have read everything first.
Hindi sa pambabasag ng trip, ha? Pero isa sa mga nakakaurat na tanong sa realidad ngayon ay… bakit panay romantikong palabas na lang ang kayang gawin ng ating lokalidad sa panahon ngayon?
Maliban sa ilang mga tema at akda sa independent cinema, ha? Pero kung papansinin kasi ang mga nauuso sa mainstream, lagi na lang romansa. Kung hindi yun, komedya (pero mas okay naman ‘to dahil kelangan naman nating tumawa paminsan-minsan ah). Pero… romantic drama na naman? Mga love team na lagi na lang din umaariba sa mga primetime telenovela, samahan ng mga predictable na love story, kabit (o querida o third party), conflict at happy ending (as always)?
Anak ng pating. Halatang pangbenta lang sa takilya no? Parang halatang pang-uto na rin ang dating ng mga ‘to sa audience ha?
Pero bakit nga ba naging predictable ang mga bagay sa mga palabas na may kinalaman sa romantisismo sa panahon ngayon? Dahil sa wala na ring originality ang iilan sa mga ito? Tulad ng mga pelikulang gumaya sa screenplay ng mga tulad ng No Other Woman nun. At kung recent pa ang peg, ang One More Try daw na naging best picture sa Metro Manila Film Festival nitong 2012 lang. Ayon sa ilang mga nakapanood nito, kinopya lang daw ang kwento sa pelikulang In Love We Trust ng bansang China noong 2008. May mga balita raw na dapat 2010 ieere ang naturang pelikula eh.
Sa opinyon naman ni Jessica Zafra sa kanyang artikulo sa INTERAKSYON.com, “Would it kill them to say, "Based on the film…" or "Adapted from…"?”**
Oo nga naman, ano? Mamamatay ka ba kung aaminin mo na hinalaw ito lamang ito mula sa isang pelikula na may kahalintulad na konsepto? Uso kasi ang mag-research. Kung magpapakamababaw ako, baka nga pamagat pa lang e halatang hinalaw din e. (May One More Chance noong 2010, remember?)
Pero kung tutuusin, matagal na rin naming naglipana ang mga ganitong tema ng pelikula sa Philippine cinema ha? Mula pa nga noong dekada ’50 pa nga yata e halos may ganito na eh (except siyempre sa mga elemento na considered na hindi pa masyadong liberated). Dumami pa nga ng husto ito noong dekada ’90. Pero bakit mas napapuna sa mga nakalipas na taon? Dahil sa lagi na lang ito ang ipinapalabas at ipinapauso? Ganun? Sabagay, napakabihira (kung hindi man wala) na ang mga pelikula na may sense at mula sa ibang genre tulad ng non-fiction documentary, sci-fi, action, horror, at iba pa.
At kung tutuusin, may mga bago pa ba sa mga palabas na ito? Parang wala naman e. Kung mga inosente na nilalang pa ang manonood nito (kalimitan ang MTRCB rating kung hindi naman masugpo ang piracy), e ‘di malayo na maiimpluwensyahan sila nito. Kaya ayun ang resulta sa iilang mga kabataan, bata pa lang, may syota na. Namulat nga sila sa kapusukan ng pag-ibig pero nagpadala rin sila dito. May nagiging bayolente dahil sa maling pag-ibig (at utang-sa-boundary, ‘wag n'yo nga isama sa bokabularyo ng pag-ibig ang pagiging TANGA.) Anyare?
Siguro, sa pananaw ng mga taong adik na adik sa showbiz at entertainment, hindi nakakasawa na panoorin ang paborito mong love team. Siyempre in fact, nakaka-entertain nga sila e. Kung mapares pa ito sa iba, daig mo pa ang manager nila kung maka-react (ke “Bakit pinares si Sarah kay Gerald? Dapat kay John Lloyd yan!”)
Pero sila at sila pa rin naman ang magkakatandem sa pelikula. Palitan lang ng pag-balasa sa artista an isasalang. At sa trailer pa lang, predictable pa rin ang love story. Asan ang twist? Teka, uso pa nga ba ang “twist?” Nakakabato lang. Parang usual plot nila ay…
Si girl mahuhumaling kay boy na nagpakilala naman sa kanya sa unang rolyo pa lang ng kamera; magkakamabutihan; susuyuin ni boy si girl; si girl naman sasagutin na siya; magkakamabutihan pa lalo; magtatalik pa nga sila e (bagamat hindi ito applicable sa ilang mga artista na pa-tweetumes lang ang gusting irate); may mamimeet ang isa sa kanila na kung tawagin ay extra o love-triange o kontrabida na rin; sila naman ang magkakamabutihan; habang balik sa orihinal na pares, sila naman ay magkakalabuan; magkakaroon ng matinding away; magkakatampuhan lalo ang mag-pares; biglang may turning point na predictable pa rin; si lalake ay magpapaka-superhero para lang mabawi si girl; habang si girl matapos nyang sampalin (o minsan, sabunutan pa o sapakin) si boy e maawa din pala sa sorry niya sa huli; hanggang sa maging reunited ulit sila (parang kantang “Together Again” nila Ate Guy at Pip); and they lived happily ever after, by… of course kasalan na yan;
Pucha, buti pa ang mga fairy tales nun e. Kahit parehong tema ang dulo at laging “once upon a time…” ang paunang salita e may pagkakaiba parin. E itong mga ‘to? *sabay turo sa mga movie poster ng mga romantikong pelikula* Predictable indeed.
At pagkatapos ng pelikulang ganyan ang tema, may susulpot na naman next month. Ano pinagkaiba? Maliban sa title, pamagat, character at synopsis? Halos wala.
Ngapala, bakit Ingles ang pamagat ng mga pelikulang iyun kung sa totoo lang e Filipino naman ang ginagamit na salita sa kada pag-uusap ng mga karakter nito? Ano 'to? Pa-conyo effect? O pang-agaw atensyon lang? Sabagay, ganito rin ang istilo ko sa blog na ito ngayon e. Pero... bakit nga ba ganun, ano?
Pero bakit nga ba panay romantikong pelikula na lamang ang uso ngayon sa lokal na sinehan? E kasi yun ang mabenta e. Oo, anumang mabagay na may commercial value e talagang tatangkilikin. Tulad ng mga kanta, libro at palabas sa TV. Pansinin, ano ang makakapagpapansin sa iyo pagdating as mga ito, maliban sa pag-ibig? Kontorbersyal na eksena, be it sex o violence.
At sa panahon kasi ngayon, magastos ang magproduce ng mga bagay tulad ng pelikula. Hindi kikita ang isang bagay kung sa art form lang tayo babase at yun ang masakalap na realidad. Kaya malamang goodbye muna talaga sa ibang genre ng pelikula. At kung hindi mo ma-take ang mga romantic films… e gumaya ka na lang sa akin na hindi nanunood ng mga ganyan at maghanap ka ng libangan na may katao-atroyang nilalaman. Baka sakaling sumaya ka pa.
**Jessica Zafra's statement: http://www.interaksyon.com/article/51785/jessica-zafra--metro-manila-film-festival-2012-moviethon-day-6-the-battle-for-dingdongs-dingdong
Author: slick master | © 2013 september twenty-eighr productions
No comments:
Post a Comment