01/06/2013 08:51 AM
Matagal nang nasa sirkulasyon ang JEJEMON. Pero 2013 na, at ang mga tanong ay: (1) bakit pa rin ba tayo naiinis sa kanila?; at (2) bakit kasi ang ba-baduy naman nila?
O sadyang mapanghusga lang tayo?
Nagmula sa Friendster at text, ang jejemon ay ang isa sa mga kinaiinisang bagay sa lipunan ngayon. Pa'no? Ang labo mag-text, ang init-init naka-varsity jacket, kung anu-anong kabaduyan at kababawan ang tinatangkilik mula sa mga "hip-hop" kuno na music hanggang sa ghetto fashion. Mga feelingero at feelingera na may "swag" daw sila. Ang tanong, e kaya ka bang isalba ng pagkakaroon mo ng swag sa panahon nakailangan mong magbayad ng bill ng kuryente ng bahay mo?
May kasabihan 'di ba? Having swag won't help you pay your bills. Teka, being cool yun 'di ba? Pero maituturing ba sila na "cool" in the first place?
Noong nagsimula pa na lalong umusbong ang populasyon ng mga Pinoy users sa Facebook noong 2010 e unti-unti ring lumipat sa naturang social networking site ang breed nila. Ang problema nga lang e tahasan silang itinatakwil ng mga "elitista." Hmm... bakit? Dahil mahahaluan na naman ang mga tipo ng tao sa fb? Parang diskriminasyon naman yata yun?
At kung hindi ako nagkakamali, dapat ay isa ito sa mga unang kaso ng cyber bullying sa Facebook sa Pinas. Oo nga naman ano? Kawawa naman 'tong mga to. Inaano ba kayo ng mga salita nila? Masakit ba sa mata? O talagang trip niyo sabihin na nababaduyan lang ako? Hmm...
Kunsabagay, wala naman na kasi sa hulog ang pinagagawa ng mga 'to e. Ang init-init na nga, naka-varisty jacket ka pa. Ano ka, rumorondang baranggay tanod? At iba ang tunay na gangster sa wannabe. Ang graffiti, mas maganda kung nilalahad sa blangkong pader, hindi sa screen ng cellphone. At oo, blangkong pader hindi sa pader ng katabing bakery o kung anong bahay o establisyamento pa iyan.
Pero, mabalik tayo sa mga tanong sa unang talata. Naiinis ba talaga tayo sa kanila o sadya lang tayo mapanghusga?
Oo nga naman, ano? Bakit, magiging angat ba tayo sa kanila sa pagpuna ng mga kabaduyang ginagawa nila. Aminin natin, lahat tayo ay minsan naging jejemon - o sabihin natin na mas matinong term - baduy, sa ating mga sariling karapatan at pagkakataon. Huwag tayo maging hipokrito. Mas baduy yun.
Kung alam naman natin na mas okay tayo sa kanila e 'di 'wag na lang natin masyadong pansin. Siguro minsan mo lang sila punahin na "tsong, pasensya na pero hindi ko talaga maintindihan tong text mo e, pakiayos naman oh." Baka sakaling matauhan.
At sa mga jejemon naman, maliban pa sa ayusin niyo ang porma niyo, e sa mga kapwa niyo na lang na jejemon din kayo magtext ng jeje-type. Kung matinong tao ang kausap niyo sa chat o text, mag-adjust kayo. Dahil wala nga tayong academia para maglagay ng pamantayan pagdating sa salita, pero dapat kasi e nasa sarili na natin kung paano tayo makikipag-talastan sa ating kapwa. Oo, disiplina lang, dre.
Sa bandang huli, Kanya-kanyang trip at istilo lang yan. Kung baduy man sila para sa atin, ang kaso ba e may magagawa pa tayo?
Walang basagan ng trip na lang sa kanila kahit sa mata ko e may pagkabaduy na nga.
author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment