11/05/2012, 10:50 AM
“Sila sila na lang!” Yan ang litanya ng magulang ko, at pati na rin ng ilang mga mamamayan na maalam sa mga maiinit na balita ukol sa magaganap na Midterm Elections sa Mayo 13, 2013.
Ano ba yan? Parang sila na lang ang magkakalaban at magkakapartido sa darating na halalan ha?
Oo nga e. Sino o sinu-sino ba ang mag-aakala sa ganito? Ang tatakbong mayor ay anak ni congressman? Yung asawa ni mayor, kakalabanin naman ang kabilang partido na tatakbo naming congessman? O gobernador, city councilor? Palibhasa may pangalan at kamag-anak na sa nasabing larangan e.
Pero matagal na kaya ang isyu ng political dynasty sa bansa. Oo, since time in memorial, p’re’t mare. Usong-uso na mula sa mga lungsod, at mas talamak pa nga ito sa mga probinsya. May mga pagkakataon pa nga na minsan, kung sino pa ang magkakadugo, sila pa ang magkakatunggali. E alam mo naman ang kalakaran d’yan. Sa ngalan ng kapangyarihan, may mga tao talaga na hahamakin ang lahat, makuha ang puwestong hinahangad.
At teka, ang pagkakaalam ko ay may tinakdang alintuntunin sa ating saligang batas na nagbabawal sa ganyan ha? Ika nga…
The state shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may defined by law.
Iyun naman pala e. BAWAL, sa madaling sabi.
Pero ang sey naman nila dyan, “eh ang tao (mamamayan) din ang nagluluklok sa amin dito e.”
Hmmm… oo nga naman, ano? Tayo din kasi ang may kasalanan sa ganito, kaya ‘wag tayo basta reklamo ng reklamo. Kung tayo ay nagpauto sa mga patutsada ng pulitko, e talagang masasabi na tanga tayo. O kung mas partikular (dahil hindi tayo pwede na humusga sa pangkalahatan ng basta-basta lang), tanga ang karamihan sa mga botante. Sobrang laya ba kamo?
Pero may makikipagtalo diyan. Eh kasi sila na lang ang nasa listahan ng kandidato e. Kapag hindi naman tayo bumoto, wala rin naman tayong karapatang magreklamo.
Pero dahil sadyang pasaway tayo sa sobrang laya natin, buti kamo naiisip mo pa ang ganyan, ‘no?
‘De. Ang punto kasi dito ay kung may mga pulitko naman diyan na maprinsipyo sa mata natin, yung tipong makakatulong talaga sa pag-unlad ng lupang kinatitirikan natin, e yun ang dapat iboto. Bagamat ang masaklap na realidad lang kasi ay may mga tao din na may ganung kalidad, as in kwalipikado siya talaga… pero dahil sa pangalan o reputasyon ng mga kaanak nya sa pulitika, e talagang mapupunta siya sa alanganin sa ayaw at sa gusto niya. Bawal ang political dynasty e. May magagawa ba siya?
Meron actually, yan ay kung kaya pa niya maibaligtad ang ikot ng mundo. I mean, iwaksi ang tila stigma sa isyu ng dinastiyang pultikal. At paano mangyayari iyun? Maghintay siya na dumating ang panahon na siya na lang ang tatakbo sa ngalan ng angkan niya. ‘Wag yung tipo na ang erpat niya, tatakong senador; ermat naman niya, kongresista; tapos ang utol niya, vice mayor; habang siya ay plano naman sa pagiging alkade ng lungsod. As in all of the same time. Masyado naman tayong gahaman niyan.
One at a time lang, mga ma’am at sir. Alam ko gusto niyo maglingkod sa taumbayan pero bilang respeto na rin sa saligang-batas, sundin naman natin yun.
Author slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment