“Paalala sa mga inaanak, HINDI PO KAMI NAGTATAE NG PERA AT NG ANUMANG MATERYAL NA BAGAY. Mag-ipon kayo ng karunungan, mag-aral ng mabuti at tigil-tigilan ang pakikipaglandian at ultimo ang pagiging ambisyosa’t ambisyoso na maka-iskor ng mga bagay na tulad ng iPad at mamahaling cellphone mula sa amin. Ang hirap na nga mamuhay, magpapaka-sosyal pa kayo d’yan!”
Una ko itong ipinaskil bilang isa sa aking hindi mabilang na mga status sa Facebook. Pero itutuloy ko na ito bilang isa sa aking natatanging blog post ngayon Pasko.
Hindi sa pambabasag ng trip o sa pagiging “scrooge”, ha? (kasi malamang, kapos sa pag-unawa lang ang magsasabi ng mga yun) Alam ko, namuhay rin ako sa panahon na nakakatanggap ako ng magagarbong laruan noong bata pa ako. Ang pera, makukunsidera pa.
Pero hindi ibig sabihin e, aasa tayo sa ganitong bagay twing sasapit ang kapaskuhan. Tumatanda rin tayo, sa ayaw man o sa gusto natin. At siguro bihira na lang ang mga tulad namin na sapat na ang pagbati ng minamahal bilang regalo sa naturang panahon. Ang sarap ng buhay nating tinatamasa, pansamantala lang yan, maliban na lang kung ikaw mismo ay magtatrabaho para makamtan ito. Hindi porket nakakuha ka ng limpak na salapi bilang aguinaldo mula sa kanila e gagastahin mo na. oo nga, lalo na ngayon na tila humihirap ang mga paraan para mamuhay mula sa paghahanap ng trabaho, hanggang sa usaping halaga ng sweldo, hanggang sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Pero ito kasi yan e. Hindi inimbento ang “godparents” – o sa ating lengwahe, “ninong” at “ninang” – para maging tagapag-provide ng anumang makamundong material na bagay. Take note, “godfather” at “godmother” sila, hindi “sugar mommy” o “sugar daddy” mo na may instant money from their pocket. Dahil katulad ng sinabi ko kanian… tumatanda rin tayo. Iba ang noon sa ngayon, lalo na sa advent ng mga naglalabsang problema sa ekonomiya na tulad na lamang ng halaga ng gasoline na may “domino effect” sa ating mga bilihin.
Kung sa aspeto ng mga relihiyong seremonyas ang usapan, ang mga ninong at ninang ay ang mga tao na gumagabay lamang sa kanilang ini-isponsor na tao na tatanggap ng sakramentong inaalayan mula sa kanyang relihiyon. Madalas ay ang mga hindi-materyal na bagay na tulad ng payo at pangaral ang kanilang dala-dala.
Halimbawa, kung si Ninong Johnny natin (co-incidence lang po ang paggamit ng naturang pangalan) ay isa sa mga matataas na opisyal at kumikita ng malaking pera na kayang ipamigay na lamang sa inaanak niya tulad ko, e pa’no na ngayon na retirado na siya? Wala nang pinagkakaabalahan sa buhay, o sa madaling sabi – “matandang batugan?” Kapag hindi na siya nakapagbigay sa iyo ng aguinaldo at ang tanging wika niya ay “pasensya na hijo. Ang tanging maiaalok ko na lang sa iyo ay ang mag-aral ka ng mabuti para sa kinabukasan mo…” ano, magmumukmok ka? Hindi niya maibigay ang inaasam mong high-end na gadget, isusumpa mo siya na “Pucha! Naging ninong pa kita!”
Tangina naman. Ang kapal naman yata ng mukha mo, tsong.
Nakakalimutan yata ng mga uhuging ito ang tunay na kahulugan ng ninong at ninang o ultimo ang tunay na halaga ng Pasko sa ating buhay.
Maliban sa pag-eemo a la SMP na pinapauso na matagal na ang nakalilipas (pasalamat sa mga tulad ng kantang “Miss Kita T’wing Christmas,” “Christmas Won’t Be The Same Without You,” o ultmo ang “All I Want For Christmas Is You”)… e ginagawang ideya na lamang ng kommersyalismo ang Pasko, ke may halong relihiyon man iyan o (ayon na rin sa ibang mga kaibigan ko,) may pagka-Paganismo ang naturang tradisyon.
Ito lang kasi iyan e. Ang Pasko ay panahon ng pagmamahalan, na sama-sama ang mga tao bilang isang pamilya o komunidad, nagkakasiyahan, pagbibigayan, at kung ano pang kagandahang-asal na maari nating ipakita sa ating kapwa. Wala ito sa halaga ng ating mga hinahawakang material na bagay. Ito ay nasa ating diwa, bilang kapwa tao.
At diyan nagtatapos ang aking tirada ngayong kapaskuhan. Ulit, mga bata (at batang-isip…) pangaral ang kailangan mo, hindi iPad para makiuso ka sa iyong barkada. Sa mahirap na sabi… uultin ko ang binanggit ko sa pinaka-unang talata.
“Paalala sa mga inaanak, HINDI PO KAMI NAGTATAE NG PERA AT NG ANUMANG MATERYAL NA BAGAY. Mag-ipon kayo ng karunungan, mag-aral ng mabuti at tigil-tigilan ang pakikipaglandian at ultimo ang pagiging ambisyosa’t ambisyoso na maka-iskor ng mga bagay na tulad ng iPad at mamahaling cellphone mula sa amin. Ang hirap na nga mamuhay, magpapaka-sosyal pa kayo d’yan!”
Okay? Maligayang Pasko.
author: slickmaster | (c) 2012 september twenty-eight productions
No comments:
Post a Comment