Showing posts with label tv. Show all posts
Showing posts with label tv. Show all posts

Wednesday, 9 July 2014

Alaala Ng Trese

6/7/2014 11:41:05 PM

Let’s shy away from the three big networks here in the Philippines. Pag-usapan naman natin… ito.

Sa panahon na sinusulat ko ang blog post na ito, ay kasalukuyan kong pinapanood ang Retro TV, isang programa ng IBC-13 na umere muli nitong nakaraang Sabado ng gabi, (dakong alas-10 yun, to be exact).
Sa panasamantalang pagtangkilik sa programang yun, na ang nag-host pala by the way ay si Drew Arellano, isang episode ng TODAS at Sic O Clock News ang umere.

Bigla kong naalala, at lingid ito sa kaalaman ng maraming tao sa panahon ngayon maliban na lamang kung matalas pang memorya mo noong dekada ’80, maliban pa sa mga masasalimuot na alaala ng Martial Law—na isa sa mga tanyag na istasyon ng telebisyon noon ay ang channel 13, o trese, o kung masyado kang mahilig sa teknikalidad at terminolohiya, ang Intercontinental Broadcasting Corporation.

Pagmamay-ari ito ng isang Roberto Benedicto, isang media chain owner din, noong kapanahunan ng rehimeng Marcos. Yun nga lang, pagkatapos ng 21 taon ng kanyang panunugkulan, ay isa rin ito sa mga na-sequester. Meaning, napasakamay ito ng pamahalaan mula pa noong 1986, at hanggang ngayon.

Pero sa dekada ’90 naman ay umuusbong pa rin naman ang trese, kasama ang RPN 9, ABS-CBN 2, GMA-7 at ang bago lang din nun na ABC-5. Naging tahanan nga sila ng mga laro ng Philippine Basketball Association (PBA) ng mahigit isang dekada. Naging isang premier sports channel na maituturing dahil isa rin sila sa mga nagcover ng mga laro ng boxing at ultimo ang WWE dati na kilala pa bilang WWF o World Wrestling Federation  (well, yung huling halimbawa ay ayon sa aking erpat; pero correct me if mali ako dyan).

At ang dalawang programa na pinanood ko ay kabilang lamang sa ilang bantog na sitcom nun sa kasaysayan ng Philippine Television, at ilan din sa listahan ng mga astig na prorama nun ng IBC.

At kahit noon pa man, isa sa mga trademark ng IBC 13 ay ang pagpapalabas ng mga programa na naglalarawan sa kultura natin. Oo, ang kultura ng Pilipino. Ang Tipong Pinoy (na by the way ay pinapalabas din pala sa Knowledge Channel, ang educational channel ng Sky Cable) ay isa sa mga programa ng 13 mula pa noong 90s. Yun nga lang, hindi ko maalala ang pangalan ng babaeng host nito at ang pagkakaalam ko ay ang kasama niya dun ay ang musikero at anak ng batikang news anchor Mel Tiangco na si Wency Cornejo.
Sa ngayon, ineere pa rin yata nila yun, kasama ang 2010-ish produced na CoolTura, at ang A Taste of Heritage.

Ngunit kung ano ang kasikatan noon ng trese, ganun naman ang kabaliktaran sa nakalipas na mga taon.
Maaring naging patok ang IBC 13 dala ng kanilang blocktimer agreement sa Vintage Sports at  PBA nun, pero tila ito rin ang naging ugat ng pagkabagsak nila. Ayon sa taong nakausap ko sa istasyon nun, (o sige, para maging lehitimo ito, propesor ko siya sa eskwelahan nung kolehiyo aako and at the sametime, isa siya sa mga pinakamataas na tao sa channel na iyun), ay hindi sila nabayaran ng liga at naging ugat ito ng kanilang pagkalugi.

Hindi naman siguro sila tuluyang bumagsak. Pero hindi na rin sila kasi basta-basta makasabay sa ibang channel nun, particular sa dos at siyete nun na dalawang higante sa industriya. Kahit sa kabila pa ito ng katotohanan na nagiging blocktimer channel sila sa iba’t ibang mga production outfits sa bansa tulad ng Viva.

Sa panahon na naging estudyante niya ako, naging OJT ako sa istasyon nila. At kitang-kita dun ang ebidensya nun na napaglumaan na ng panahon ang mga pasilidad nila. Naging tila isang bodega na lamang ang isang dako ng studio nila sa dami ng kagamitan, sira man o hindi. At halata sa set-up nito ang edad. Ngunit sa kabila naman nun ay kaya pa rin nila makagawa ng programa tulad na lamang ng Extra Expres, kung saan ay ang kakalse ko nun sa Mass Comm ay naging segment host nila.

At sa panahon na rin na yun ay naging extra nila ako sa isang segment ng programang pinagtatrabahuan namin. Minsan din ay naging assistant cameraman ako para sa isang report ukol sa posibleng privatization ng IBC-13, bagay na wala na akong balita kung natuloy ba o ano na.

Apat na taon na ang nakalipas, at may pagmamay-ari na ang Channel 9 na kahanay nila sa Broadcast City. Basta, ang pagkakaalam ko ay matapos ang dalawang taon na nakipag-partner sila sa Channel 5 para maging AKTV ang 13 mula 5-11 pm kada gabi, ay naging blocktimer sa kanila ang ATC or Asian Television Content, at naging coverer sila ng ONE FC (One Fighting Championship) kahit sa sandaling panahon.

At mukhang nag-eere sila ulit ng mga orihinal na programa nila tulad ng mga binanggit ko sa mga naunang bahagi ng post na ito.

Sayang nga lang at hindi ko napansin kagad ang pagkakataon nun na naghahanap sila ng mga news writer. Pero ayos lang, ganun talaga ang buhay. At least, rejuvenated na nga ang peg ng news studio nila eh. Bagamat mas trip ko pa rin ang delivery style ng anchor ng Express Balita nun.

Well, at least, may mapapanood pa rin ako. Yun ang bottom line d’yan.

Author: slickmaster | © 2014 september twenty-eight productions

Wednesday, 25 June 2014

Alaala ng Usapang Lalake

5/21/2014 3:31:10 PM

Ang tunay na lalake, alam ang palabas na ito.

https://www.facebook.com/usapanglalakecreators3
Sa totoo nga lang ay una kong sinulat ang draft nito noong nakaraang taon. Ngunit sa kasamaaang palad ay nasira ang PC ko at hindi ko na naretrieve ang file na yun. Kaya masinsinang pagpipiga na naman ng utak at memorya ang pinilit kong gawin para lang magawa ulit ito.

Sa mga nahuling taon ng pamamayagpag ng Studio 23 sa ere ay isa ang USapang Lalakesamga tumatak sa isipan ng manunood.kung bakit? Simple lang: ang palabasna ito ay nagke-cater sa mga lalake, as in mga “tunay na lalake.” Side ng machismo, ika nga. Dito nabubulgar ang tipikal na gawain ng lalake. Pero sa nakakatawang paraan din.

Aminado ako na hindi ako masugid na tagahanga ng palabas na ito, at nagkaroon laang ako ng pagkakataon na mapanood sila noong 2012. Season 4 ata nila yun, at Miyerkules na ng hatinggabi kung umere (kahit na nakalagay sa banner nila ay 10:30), basta pagkatapos ng WWE Raw (na isang oras lang ang cut version nla kung ikukumpara sa USA network na 3 oras), o minsan ay NBA pa (nung natuon ang timing ng pag-ere sa NBA Playoffs), at bago naman ang isang astig na palabas na… (syete, nakalimutan ko ang pamagat).

Ni hindi ko nga ganap na kilalaang buong tropa eh, at ang pangalan lang na natatandaan ko nun ay sila Kuya Jobert Austria at Alex Calleja. Mga batikan na rin sa pagiging stand-up comedian, at yung isa ay dating host ng programa sa iFM.

May kanya-kanyang video clip din sila sa YouTube channel nila, kung ano ang ginagawa ng mga lalake. Meron pa ngang “Palakng Toti” eh. May papet pa na nagmaman on the street interview sa mga tao, lalake man o babae.

At ito ang isa sa mga pinakapaborito sa kanila.



Isa pa: itong “MAGtanong Sa EXperto.”



Ang bilis ng panahon, saglit nga lang pala ang apat na season. Este, di rin pala. Dalawang taon din yun. Pero nakakamiss lang ang astiging palabas na ito. Hindi makakaila na isa ang Usapang Lalake sa mga palatuntunan na nagbigay ng legasiya sa Studio 23, kasabay ng pagreformat nila nun yung Iba Balita, tapos saglit ay nagcover din sila ng PBA.

Ayos, best era, di ba?

Author: slickmaster | © 2014 september twenty-eight productions

Monday, 28 April 2014

PBB Na! Eh Ano Ngayon?

4/28/2014 9:43:28 PM

Sa wakas, makalipas ang ilang taon, may panibago nang edisyon ang palabas na Pinoy Big Brother. ALL In na daw sila.

Wala lang. Ano na? Este, ano naman?

Kagabi, samu’t saring mga tweet na naglalaman ng pagkadismaya ang pumuno sa news feed ko sa  Twitter. Tapos, kaliaw’t kanang post na naman – mula status hanggang sa mga timeline photos – ang namuno naman sa Facebook.

Kaso, ano naman ngayon?

Scripted daw ang PBB ayon sa mga nakararami.

Wait a minute. Scripted ang Pinoy Big Brother? Aba, talaga? Pero... ano naman kung scripted to? I mean kung scripted talaga ‘to, bago ba ito sa kamalayan natin? Parang... hindi rin naman eh. Kumbaga sa musika, gasgas na plaka nang maituturing ang pagkadismaya ng tao sa PBB, tulad na lamang ng pagkabadtrip natin sa palagiang grand winner ng Pilipinas Grand Talent – na mga singers!

Oo, parang same old shit lang din kung ganun nga.

Isa pa, parang hindi raw deserving ang mga naging housemates.

Kunsabagay, sa dami ba naman kasi ng nag-audition para maging kabilang sa bahay ni Kuya eh parang di naman ata patas kung iillang dun sa pinakamain cast ang mapupunta sa mga ordinaryong Pinoy. Kunsabagay din, lugi naman kung may mga celebrity na itatapon sa bahay ni Kuya.

Pero, hindi kaya pinagkasya na lang sa iisang edition ang buong season ng Pinoy Big Brother? Isipin mo, may mga celebrity, may mga teens at meron din naming mga orihinal, or should I say, ordinary. Yun nga lang, patas sila sa hatian sa numero. Kumbaga sa taktika, cost-cutting na.

Ngunit kung totoo mana ng mga haka-haka na may mga backer ang ilan, eh ano pa bang bago? Sa totoo lang, usong-uso na rin naman sa kalakaran sa alinmang larangan ng buhay ang backer. Lalo na kung sobrang desperado kang makahanap ng trabaho. Basta may tropa ka na kaya kang saluhin, gora na. Pero of course, talagang taliwas yan.

Kailangang sikat para mapunta sa bahay ni Kuya? Kelangang backer? Scripted ang lahat ng nagaganap sa PBB? Kailangang may loveteam na madedevelop?

Eh ano ngayon?

Bagamat may mga kontrapelong arumento naman ukol dito, nasa sa mga tao na rin kasi yan kung maniniwala eh. Of course, there is always two sides of the story. I mean, madaling magbitaw ng salitang scripted – unless ikaw mismo ang andun sa bahay. On the other end, madali ring magsabi na hindi ‘to scripted, kung hindi mo naiintindihan ang mga pinupuntirya nila.

At the end of the day, nanood ka pa rin. Maaring natuwa ka for a minute sa kiligan scene nila pero nasa sa’yo yan kung pagkatapos ng araw ay mababagot ka pa rin at sabihing “pucha naman ‘tong PBB na to eh!”

At sa totoo lang, as much as kapareho ko rin ang sentimyento ng maraming nilalang na nababagot sa bagong palabas na ito, wala eh. It won’t help kung makikisali rin ako sa tila isang malaking kabadtripan nitong nakaraang araw ng Linggo.

Mas mabuti pang patayin na lang ang TV o i-switch sa mas okay na palabas, tulad na lamang ng inaabangan mong teleserye (oo nga, kahit kontra ako sa choice nay an. Eh kung sa d’yan ka masaya eh. Huwag mo nga lang akong aalukin).

Author: slickmaster | © 2014 september twenty-eight productions

Friday, 1 February 2013

Throwback: Abangan Ang Susunod Na Kabanata

02/01/2013 09:25 PM

memorykill.tumblr.com / bebsisms.wordpress.com
Isang palabas na nagsasabi na isang malaking moro-moro ang lipunan at Pamahalaan ng bansang Pilipinas. Isa sa mga sarswela na naglalarawan ng tatlong estado ng buhay sa bansa, mula sa mga elitista, hanggang sa may-kaya hanggang sa mga dukha.

Abangan ang Susunod na Kabanata.

Una itong sumahimpapawid noong ika-6 ng Enero, taong 1991, at tumagtal ng anim na taon. Bagamat noong nagkamalay ako sa mundong ito, madalas ko ito napapanood ng kada Martes, alas-9 yata yun ng gabi (kung tama ang aking pagkaka-alala). Kasama ang mga tanyag na artista sa katauhan nila Tessie Tomas, Noel Trinidad, Nova Villa, Joji Isla, Anjo Yllana, Carmina Villaroel, Jennifer Sevilla, Roderick Paulate, Sammy Lagmay, Winnie Cordero, Carmi Martin at marami pang iba.

Isang pamilya mula sa mataas na antas ng lipunan — mga "demi-god" kung tawagin – ang erpat ay korap na pulitiko, ang asawa naman ay pangsariling luho lamang ang inaatupag, at isang saksakan ng pagkabayolenteng anak (palibhasa may sapak sa utak). Samahan mo pa ng isang bodyguard na handang makipagdahasan sa iba maprotektahan lang ang kanyang pinaglilingkuran. Ang Pamilya Tengco na mas naihahalintulad pa sa pamilya ng dating diktadurya.

Photo credits: YouTube
Ang nasa ibang katauhan naman sa nasa middle class ay isang social climber na uhaw sa pagkamit ng kayamanan. Isang baklang beautician na asawa naman ay isang tangang night club dancer. Oo, tanga dahil sa isyu ng sekswalidad ng kayang kabiyak.

At sa lipunan ng mga pobre (teka, pobre nga ba?), ay may isang mama na palpak ang diskarte sa paghahanap ng mapagkakakitaan, at samahan mo pa ng isang asawa na walang inatupag kung ngawa nang ngawa sa kanya.

http://sydrified.blogspot.com/

Akda ito ng batikang direktor, kritiko at manunulat na si Jose Javier Reyes, sa direkyon ni Johnny Manahan. Sa kabila ng pagpapatawa, ang isa sa mga adhikain ng palabas na ito ay ang maging aware ang manunood sa mga nagaganap sa kanyang kapaligiran. Ano talaga ang nangyayari sa bansang Pilipinas noon, maliban pa sa mga nakakaurat na masasamamang balita na laging nakikita sa mga pambalitaan tulad ng TV Patrol at The World Tonight.

Hindi man ako totally aware sa mga nagaganap noon (dahil bata pa nga ako noong pinapalabas ito sa TV), ngunit hindi ko makakaila na isa ito sa mga palabas na nagpaalala sa akin ng magandang kalidad ng programa sa telebisyon noon. Alaala pa nga ito ng masayang childhood.  Iyun pa ang panahon na nagagawa pa magbiro ng media sa mga sitwasyong pulitkal at kasalakuyang kaganapan, partikular na ang ABS-CBN noon.
Photo credits: YouTube
Minsan habang pinapanood ito sa Jeepney TV block ng Studio 23, minsan pumasok sa isipan ko na “bakit kaya wala na ang mga ganitong palabas sa primetime TV ngayon? Panay romansa espesyal at mga karahasan-sa-ngalan-ng-pagmamahal na lamang ang nakikita?”

Isa lang masasabi ko, tulad ng pamagat ng palabas na ito at ng mga eksena sa lipunan... ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA!

For the meantime, heto po ang intro ng Abangan Ang Susunod na Kabnata (youtube.com/user/ProudPinoy123)






At sa kabilang banda naman, ito ang video mula sa part 1 ng Himala Episode ng Abangan Ang Susunod na Kabanata. (facebook.com/theslickmaster28)



REFERENCES:

instagram.com/slickmastertheblogger

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

Friday, 18 January 2013

Brainless TV.

01/19/2013 10:55 AM

 http://paulignatius.files.wordpress.com
Minsan ko lang nasubaybayan ang ilang mga programa tulad ng Digital LG Quiz at Battle of The Brains noong bata pa ako. At maliban pa sa eskwelahan, dito ako madalas nagpapakanerdo para lang matuto kahit ang majority sa mga napapanood ko nun ay akma sa mga nakakatandang mga estudyante. Naalala ko lang ang panunood sa Battle Of The Brains ng Channel 9 na ang host ay hindi ko kilala (hanggang sa nalaman ko na isang David Celdran pala iyun) habang nalatambay sa opisina nila nanay at tatay nun. Ang Digital LG Quiz (na naging Digital LG Challenge) ay tuwing Linggo ng umaga sa GMA at host nun ay sila Paolo Bediones at Regine Tolentino, pero madalas naman e sa bahay ko lang pinapanood ito n’on.

http://logothailand.tarad.com
Pero sa mga nakalipas na taon e unti-unti na ring nage-evolve ang programming ng television sa Pilipinas, partikular na sa primetime slot. Siguro dala na rin ito ng paglipana ng mga cable services at kung anu-ano pang nakapagpabago sa taste ng tao.


superhangin.tumblr.com
Pero ang mas masaklap ay tila bumabaw at dumausdos pa yata ito. Magmula na rin noong pinaunlakan ng media outlet ang lubos na kagustuhan ng tao. Siyempre, entertainment for audiences’ satisfaction’s sake. Wala sanang masama dun, maliban na lang sa katotohanan na ito na rin ang naging dahilan kung bakit dumarami ang mga tamad mag-aral at mga nagpapanggap na mangmang sa lipunang ito (yan, nasobrahan sa kaka-Facebook at pagdo-DoTA). Nagkaroon na yata tayo ng imbalance sa pagpo-produce ng mga palabas sa TV magmula siguro noong nag-fold ang mga palabas na tulad ng nabanggit ko sa itaas. Ewan ko lang kung may ganito pa ngayon.

reality-tv.findthebest.com
Sabagay, sa kabilang banda kasi hindi mo rin masisisi ang mga tao na nasa itaas na nagpapatakbo ng mga istasyon ng telebisyon. Hindi naman sila gagawa ng mga palabas na hindi sila magbebenefit in the end. Sa madaling sabi, it’s business. Sa madaling sabi, kelangan rin nilang kumita at ang mga palabas na nakikita mo ngayon (kahit nakakatanga na kung ikaw ay may parehong sentimyento tulad ng inyong lingkod) ay may sandamukal na ad placement (sa madaling sabi, commercials) kaya mabenta siya sa totoo lang.

Yun nga lang, ang labis na pagiging mabenta ay nakakasama din. At hindi naman lahat ng mabenta ay maganda. Lalo na sa panahon ngayon, ang mga maappeal sa mata ng tao? Asus, asa. Lumabis na yata sila sa mga bagay na tulad ng commercial value at entertaining factor to the extent na kulang na lang e yung tahasang ipagmukhang tanga ang mga manonood sa mga nakikita nila na sandamukal na segment na nagpapakita kung gaano ka magpapakatanga para lang sumikat sa TV tulad ng mga nasa variety at game shows. Isama mo na rin ang jeskeng telenovela na naging ugat ng pagiging sobrang emosyonal ng masa at maling pananaw nila sa pag-ibig.

At ang mga game show ngayon? May kwela factor nga, (which is good) pero hindi lahat ay may kakayahan na pakainin ang utak ng tao. Madalas lang d’yan ay parang pampagana ng kapraningan. (Buti pa ang Pinoy Henyo kahit papano e saka yung Pilipinas, GAME KNB?) Merong pang-tanga lang talaga, pero mas masaklap ay mas marami ang mga tulad niyan. Anong idadahilan? Ke dahil hindi naman lahat ng mga magagalingna tao ay nakatapos ng pag-aaral? Given, pero doon nga dapat pumapasok ang role ng media e – ang maliban sa mag-entertain, ang mag-inform (at hindi pagbabalita lang ang tinutukoy ko ditto ha? Isa pa yun e).

 khantotantra.blogspot.com
Tama si Jayson Benedicto noong binaggit niya sa kanyang unang libro (na may pagkahaba-haba ng title, at sa sobrang haba e nakalimutan ko na kung ano pamagat nito. ‘de ito pala...Top of Form) na may pinamagatang Ito Na Siguro Ang Pinakamahabang Title Ng Isang Libro Na Ginawa Sa Pilipinas At Nagmula Sa Munting Facebook Page Ni AKOPOSIJAYSON Na Walang Maisip Na Pamagat,” na... “Less Drama. More informative segments. Less Drama. More time for news programs. Less Drama. More Batibot and Sineskwela. Less lang naman. Hindi none**”

Oo nga naman, ika nga ng isang slogan ng Net25 nun… “feed your mind.” Ang sama na nga ng reputasyon ng TV (ayon na rin sa ilang mga tao, “idiot box” kasi ang isa sa mga kilalang termino na inaassociate palag sa telebisyon) e pasasamain pa lalo ng mga programming ngayon? Kelangan na ulit ng mga ganitong palabas sa ngayon. Hindi excuse ang dahilan na “may internet naman e.” Oo nga, may internet nga pero tulad din ng mga nangyayari sa radio at TV, naglipana rin ang mga gunggong at ginagamit din ang internet sa katangahan at kababawan nila.
en.wikipedia.org

Baduy naman nun.

** http://definitelyfilipino.com/blog/2011/10/01/teleche-novelas-and-soap-choleras/

Author: slickmaster | © 2013 september twenty-eight productions

Tuesday, 6 November 2012

SPG Overload



Ang nilalalaman ng blog na ito ay ayon sa pagkakaintindi ng awtor lamang. Ito ay rated SPG Istriktong Pag-intindi at Gabay ng nakatatanda (kung talagang kailangan), ay kinakailangan, lalo na’t ito ay naglalaman ng mga tema at lengwahe na hindi angkop sa mga immature na mambabasa.

Minsan habang nagmamasid ako sa mga post na pwede kong makipag-interact sa aking news feed sa Facebook, ay naka-agaw ng pansin as akin ang status ng isa sa aking mga college friend. Aniya, ang mga nira-rant niya ay ang sobra-sobrang pagkakaroon ng mga programa na rated SPG sa programming ng isang istasyon ng telebisyon. Mula daw hapon hanggang gabi, panay ganitong mga klaseng programa na lang daw ang umeere sa nasabing TV station.

Hmm… ganun? Teka, ano nga ba ang ibig sabihin ng rated SPG na ito?


Isa ito sa mga bagong klasipikasyon ng programa ayon sa resulta ng pagrereview ng Movie and Television Rating and Classification Board o MTRCB. Lumabas ito ngayong taon lang sa pamamahala ng chairman nito na si Grace Poe-Llamanzares.

Ang tawag nila ay “Istriktong Patnubay at Gabay,” o “Strong Parental Guidance.” Ibig sabihin, ay from the term itself – masinsinang pag-intindi yan, maliban pa sa tahasang pagsubaybay ang kinakailangan. Inuudyok nito ang mga magulang na bantayan din ang kanilang mga anak o nakababatang manunood, na ang mga nakikita nila sa mga palabas ay dapat hindi nila tutularan o maging behave lamang. Ke entertainment man o public affairs iyan.

SPG. May mga programa kasi sa TV na hindi talaga angkop sa mga bata pero ineere na lang, lalo na yung mga maseselan ang tema. Kung may mga bagay ba sa palatuntunang ito na tila senswal, o napakasensitibo para maintindihan. Themes kung tawagin sa mga Ingles na palabas.

Lengwahe… o language, dahil sa mga murang nasasabi ng ilang mga actor bilang part eng script nila. Sabagay, hindi na uso ang pagsa-sound bleep ng mga katagang “gago,” “tarantado,” “punyeta,” “putang-ina,” at kung anu-ano pa na hindi talaga maganda pakinggan.

Karahasan, o violence naman sa Ingles. Ito kasi ang realidad na tila patay na ang action movies, at siguro sa sobrang boring ng mga choices sa local movie industry ay na-inject na ang mga maaksyong eksena sa karamihan (kung hindi man lahat) ng mga palabas, lalo na sa mga telenovela. Tila wala nang magandang love story kung hindi ito hahaluan ng mga action scene. As in barilan, ke sa warehouse man yan, sa mga kalye, o kahit sa mansion lang. Maliban na algn siguro kung mala-SOCO ang genre ng program mo.

Sexual. Matik na iyan. Kung may love story, may love scene. Kaya siguro sa sobrang init ng lambingan ng ilang mga aktor at aktres sa mga palabas, ay nagagaaya na ito ng mga manunood kaya ayan tuloy, marami ang nabubuntis; yung iba, nagiging batang ama; at yung iba, sabay takas na lang ang ginagawa sa mga syota nila na nagmistulang putangina.

Horror. May namamatay kasi sa mga ganitong palabas e. O, as in bawal for the weak-hearted, ika nga. Hindi na kataka-taka. Matindi rin kasi ang implikasyon ng takot sa mga bata. Baka traumatic pa nga kung magpapadala siya e.

Droga, or simply drugs. Uso ang mga ganitong tema sa ilang mga kwento eh. Yung naadik ang tao dahil sa ipinagbabawal na gamot. At hindi kasi makakaila na ang tindi ng epekto ng droga sa sinuman na mahuhulog sa pagkahumaling nito. Kaya nitong sirain ang kinabukasan ng isang tao. Mas malala? Reputasyon niya, kayang wasakin din in an instant.

Pero bakit nga ba may ganito pa? Eh ‘di ba, hindi naman yata nasusunod ito sa totoo lang? Oo nga e. Sa hakbang na ito, tila ang MTRCB na lang yata ang nagpapakita ng tinatawag na “command responsibility” sa industriya ng mga programa sa telebisyon.

Pero hindi naman kasi garantiya na ang mga magulang ay nakasubaybay din sa TV sa lahat ng oras na nanunood ang kanilang mga bata. Pa’no yun?

Ewan ko.

Pero kung sobrang overload na nga ng mga rated SPG na program sa TV ngayon, siguro implikasyon ito na huwag manood ang mga nakababatang viewers. Lalo na kung kailangan nilang mag-aral. Pero ang tanong, nasusunod ba ang mga ito lalo na sa panahon ngayon na usong uso ang pagka-cutting classes, alab ng pag-ibig sa lilim ng puno, at kung anu-ano pang kabullshitan na ipinapakulo ng media at popular na kultura sa ngayon?

Ulit, ewan ko.

Bakit ganun ang sagot ko? Simple lang. Nasa sa iyo na kasi iyan kung magpapadala ka sa mga pautot ng mga nakikita mo. Kung sa tingin mo ay hindi, e ‘di manood ka lang. Kung oo naman, alam mo na ang gagawin mo.

Basta ako, kahit ganun ang nakikita ko… sign off na lang sa TV. Mas ok pa.

11/06/2012, 08:00 PM
Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 23 October 2012

The Problem With Over-Romantic Medium and The So-Called Commercial Value.

10/23/2012 | 08:01 PM

Babala: Ang mababasa sa akda na ito ay maaring naglalaman ng ideya o kaisipan na taliwas sa pananaw ng nakararami. Bago mag-react, magbasa muna. At kung may kontrapelong punto, gawin ito sa maayos na pamamaraan. Maraming salamat po.

Maraming bagay ang nagbago sa paglipas ng panahon. Mula sa binabasa hanggang sa napapakinggan at mapa-biswal na mga media. pero dati, may mga matinding distinksyon o genre ang mga ito, mula komedya, drama, horror, aksyon at iba pa. Pero ngayon? Ewan ko.

Sa sinehan, makikita mo na lang ang mga tipikal na genre ng pelikula kung una gawa ito ng banyaga. Ang lokal na eksena naman? Panay ikot na lang ng ikot sa mga love team at walang kaato-atoryang love story. Mula sa tinedyer hanggang sa buhay mag-asawa. Sabagay, halos lahat naman ay nakakarelate katulad ng inyong lingkod. Kaya lang kung ganitong bagay na lang palagi ang nakikita natin sa sinehan, eh parang ang boring na. Kumbaga sa joke, e gasgas na. Baloney.

Halos pareho din ang mga tema sa palantunan na pang-telebisyon. Walang telenovelang umeere sa primetime programming kung wala ang dalawang bagay na ito: ang love team at ang love story. Ops, isama mo na d'yan ang mga kontrabida na mas sakim pa yata sa mga kampon ni Satanas kung makagawa ng marahas at masamang bagay sa ngalan lang ng pag-ibig. Parang yung kasabihan na “Hahamakin ang lahat, mapasaakin ka lamang.” Meron pa nga dyan na napanood at napakinggan ko, “Wala akong pakialam kahit may matapakan pang ibang tao, makuha lang kita.”

Ops, teka muna ulit: ang pagkakaalam ko ay hindi naman yata tinuro sa asignatura ng pag-ibig ang maging sakim ah. Kaya bakit nga ba nagkakaroon ng mga ganitong karakter at plot? Well, “twist” yan e, Pero parang ang sakit naman ng twist na iyun. Parang mas okay pa yung dati na may fixed marriage at yung tipikal na tutol ang mga magulang sa sinisinta ng anak, bagay na talaga namang nangyayari sa tunay na buhay.

Pagdating naman sa musika, panay tema na lamang ng pag-ibig ang naririnig ng mga tenga. Nasaan na ang mga panahon na may matitinding mensahe ang nilalaman, mula sa pakikibaka sa lupang pinangako, paghahayag ng sariling kagustuhan (o pangarap) sa buhay, sa pagbibigay-galang sa mga alamat, pagpapahalaga sa buhay, pasakalye, hangad ng pagbabago, at iba pa? Yung mga panahon na hindi lang sa panay romansa’t sex ang laman ng mga playlist sa radyo?

Naalala ko ang babasahin sa lokal na literatura. Sabagay, mas maayos na lugar naman dun ang mga romantikong nobela na madalas na maililimbag sa mga pocketbook. Walang masama roon. 

Pero sa librong Gapo ni Lualhati Bautista, nilahad ng awtor ang kanyang tahasang pagkontra sa paglagay ng “commercial value” doon. Aniya, hindi siya nagsusulat ng libro para kumita lang. Bagkus, ito ay para mailahad ang nais niya sa arte o pamamraan ng sining.

Kaya minsan, sumasagi na sa isipan ko ang tanong na ito: “Nasosobrahan na nga ba tayo sa mga mga ideya ng romantisismo na ikinakalat naman ng mainstream media?”

Maaring nakakaasiwa na ito sa mata ng tulad ko. Ngunit sa totoo lang ay hindi bebenta ang negosyo at wala kang mapapanood at mapapakinggan kung wala ang mga ganitong tema ng palatuntunan. Magiging boring ang araw at gabi kung sa usaping realidad at balita na lamang iikot ang mass media. At baka nga sa sobrang pagkaurat mo, mas gugustuhin mo na lang na patayin ang telebisyon at magahanp ng mga bagay na magsisilbing taga-takas sa masamang realidad ng buhay mo. Walang mapag-uusapan ang mga magkakapit-bahay na kapwa manunood at tagahanga.

Pero parang sumosobra na rin e. Isipin mo kung ang isang talk show sa umaga ay laging naglalaman ng mga tanong na katulad ng “kumusta ang lovelife mo?” Ang mga palabas na nagbibigay-aliw ay may lamang love story at romantic violence, mula sa magtatanghaling timeslot hanggang sa mga oras na lampas na sa primetime slot. As in “all day long” ba na tila ang breaktime lang ng mga ito ay ang oras ng katanghalian at t'wing alas-sais y medya ng gabi. Parang hindi na nagsawa o wala nang balanse ang mga bagay-bagay.

Kaya sa malamang ito na lang din ang dahilan kung bakit hindi na ako nanunood masyado ng TV at sa mga blogs na lang madalas magmasid sa mga romantikong bagay.

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 16 October 2012

TV Review: Public Atorni

10/16/2012 | 11:04 AM

“Asunto o Areglo?”

Ang pinakatanyag na linya pagdating sa mga hearing o mediation na napapanood ko sa isang palabas na tumatalakay sa mga nangyayaring sigalot sa legal na pamamaraan: ang Public Atorni.

Madalas ko mapanood ito dati tuwing Huwebes ng gabi sa isang TV network. Ang pinakauna ay noong estudyante pa ako at nakatambay sa bahay ng kaklase ko bago ako umuwi. Pero dahil nakita ko na isa ito sa mga tila magagandang kalidad na palatuntunan sa panahon ngayon, ayos ito para sa akin. Bagamat lately ay ilang episodes na lamang yata ang nirereplay nila at maraming binago sa mga portion ng pagsasalaysay ng mga kinabibilangan na partido.


Tila pamilyar sa isang talakserye sa channel na ding iyun ang naturang palabas. May dalawang partido sa ngalan ng nagrereklamo at inirereklamo. May mga problema o gulo na tinatalakay. At laging may resolusyon sa bandang dulo o pagtatapos ng kada mediation. May panahon na nakakaimbyerna sa bigat ng drama, at meron ding nakakaloka lang. Ang pinagkaiba nga lang ay mas sibilisado ang mga partidong lumalahok dito. At sa totoo lang, walang taga-awat na bouncer o namamamgitan na iba pa kundi ang ikatlong partido lamang na kinabibilangan ng Public Attorney Office (PAO) Chief Atty. Persida R. Acosta.

Siya din ang nagsisilbing tagahatol ng mga kaso base sa mga salaysay na binibitawan ng mga partido na nagrereklamo at inirereklamo. Maliban dito, nagpapangaral siya kung ano ba dapat ang gawin ng bawat isa na maging responsableng mamamayan sa mata ng batas. Dahil ika nga niya, “pagdating sa batas, lahat patas.”

Maganda na may mga programang tulad ng Public Atorni na umeere sa telebisyon ngayon, dahil kahit papano ay maging maalam ang mga tao pagdating sa usapang may kinalaman sa batas. Na ang mga karapatan natin sa kapwa at anupaman ang gagawin natin ay kaakibat na responsibilidad o pananagutan lalo na kung ikinapahamak ng nagrereklamo. Ang simpleng away na posible pang mauwi sa mas malalang senaryo ay madaling naireresolba, kaso man o kasunduan ang nagiging kahinatnan.

Hindi man ito nagbibigay ng prangkahang pamamaraan ng aliw na usong-uso pa naman sa panahon ngayon, pero ito ay nagbibigay kaalaman sa sinuman. Madali lang itong naipapaliwanag ni Atty. Acosta sa tinatawag na layman’s term o mga salita na angkop sa karamihan, lalo na ang mga pangkaraniwan o ordinaryong tao lamang. Sa ganitong pamamaraan, naiiwasan ang pagiging ignorante ng tao pagdating sa legal na usapin, o sabihin na natin ay mga alintuntunin sa lipunan.

Sa ngayon, kahit ilang beses nang paulit-ulit ang mga nahuling episodes nito kung ipalabas sa TV (sabagay, ilang mga magkakatulad na kaso na rin kasi ang naitalakay sa programang ito e), ay ito pa rin para sa akin ang isa sa mga tipo ng palatuntunan sa telebisyon na sana ay lumalaganap sa panahon ngayon.

The verdict: 7.5 stars out of 10.

Hindi man ganun kaappealing para sa aking ang teknikal na parte ng programang Public Atorni, mas tumitingin naman ako sa mga nilalaman nito, yung mga bagay na may makukuha akong aral, bagay na napatunayan ng nsasabing TV program para sa akin.

Author: slickmaster | © 2012 september twenty-eight productions

Tuesday, 10 July 2012

Idol Pa Rin Si Pidol: 5 Things I Remember On Dolphy (and more).

07/11/2012  | 11:14 AM 

Oo, idol pa rin siya. Sa halos lahat yata ng mga kasabayan niya sa nakalipas na halos 67 taong pamamayagpag sa entablado, pinilakang tabig, at telebisyon, siya na lang ata ang isa sa mga tila endangered species ng Philippine entertainment, maliban pa kay Manong Eddie Garcia na nasa 80 na rin ang edad. Ilang pelikula ang ginawa niya mula 1946? 243 ayon sa aking kaibigan na si mommyjoyce. Aba, mas mahaba pa sa listahan ng utang ko sa tindahan para isa-isahin ang mga yan. Ilang serye ng mga palabas na kasama ang iba’t ibang mga kapwa artista tulad ni Panchito, Pancho Magalona, Babalu, Nida Blanca, Nova Villa at iba pa? Pustahan, kulang pa ang isang buwan para i-playback ang lahat ng mga ‘to sa mga koleksyon ng VCD o kung meron man, streaming sa YouTube. Iba’t ibang mga role ang ginampanan niya bilang actor sa TV, radio (tama, minsan niya pinasok ang larangan na maging dubber) at pelikula, be it straight or gay.

Aminado ako na konti na lang sa mga mala-alamat na gawa ni Mang Dolphy ang naabutan ko na umeere. Hindi kumpleto ang Huwebes ng gabi naming nung kapag hindi naming napapanood ang isa sa 2 palabas na inaabangan namin sa ABS-CBN: ang Home Along Da Riles. Oo, si Kevin Kosme, kasama sila Mang Tomas, Aling Ason, Richy, Elvis, Baldo, at iba pang mga tao dun sa riles.

Sa malamang, 1 lang ang Home Along Da Riles sa 2 pinakatanyag na programang pang-komedya sa telebisyon na pinagbidahan niya sa loob ng 24 na taon mula noong 1979 hanggang 2003. At yung isa pa na longest-running sitcom? Siyempre, ang John & Marsha, bagamat di ko naabutan to. Pero hindi ka laking 80s kung minsan hindi mo nasulyapan to sa RPN.

Sa pelikulang aspeto ang naabutan ko na lang ay Tataynik, Home Along The Riber, Dobol Trobol, Nobody Nobody But Juan at Wanted Perfect Father. Alam ko noong dekada ’90 marami pa dyan ang nagawa niya kasama na ang movie version ng kanyang sikat na palabas sa dos, pero dahil napakabihira lang ang pagkakataon na makapunta ako ng sinehan o magka-cable para mapanood ito sa mga tulad ng Cinema One, hindi ko nasulyapan ang iba.

Ang Tataynik, naabutan ko pa sa sinehan, nung nasa ground floor pa ang cinema 2 sa Ali Mall. Kasama niya dito ang isa rin sa mga iniidolo at minsan ay ginagaya kong komedyante na si Babalu.

Ang Nobody, Nobody but Juan na may cameo appearance pa ng Wowowee host na si Willie Revillame, napanood ko din. Yun nga lang, ito na rin ang era na tila tumutumal na siya sa big screen, at isama mo na dyan ang Father Jejemon pero wag ka Best Actor yan, at isama mo na ang isa pa niyang pelikula noong kaparehong taon na Rosario ang nakapagpabigay naman sa kanya ng Best Supporting Actor. 2 major acting awards, hinakot niya. Saan ka pa?

Yung Home Along the Riber, sa TV ko na lang naabutan e. Yung Dobol Trobol, sa DVD ng kapitbahay ko. Pero ang mas gusto ko sa lahat ng napagtripan ko, Wanted: Perfect Father. Sa cable ko na naabutan yan. Yung Father and Son nila ni Vandolph? Hindi ko napanood ng buo yun e. Pero bet na bet ko ang kanyang Banayd Whiskey scene. Minsan ko siya sinariwa at parang baliw lang ako na natatawa habang naka-headphones sa computer shop na pinanonoodan ko nito.

Yung Quizon Avenue din pala, Sabado ng gabi sa Channel 2 yun kung hindi ako nagkakamali kasama ang kanyang mga anak.

Sa malamang, minsan sa ibang panahon, magbabalik-tanaw pa ako sa mga B&W pictures ng Sampaguita, RVQ at iba pang mga gawa niya pati na rin sa ibang mga tao, bagay na ginagawa ko naman talaga minsan kahit sa mga gawa pa ni Redford White, Babalu, Porkchop Duo at iba pa. Habang sinusulat ko nga ito, pinapakinggan ko ang mga spiel at dialogue ng isang antigong John N Marsha episode. Wala lang. Ayos din pala. Asan na kaya ang mga ganitong klaseng palabas ngayon, na dapat sana e nagpapakain sa isipan ng bawat manunood nito? Iba ang uupo sa trono niya sa mga susunod na taon, pero isang bagay lang ang sigurado. Hindi kayang tapatan ng sinuman ang kalupitan niya sa pagpapatawa’t pag-aarte sa nakalipas na halos 7 dekada. Rest in Peace, Idol ka parin, Pidol.

Pero, isang bagay pa rin ang nasa isip ko: ‘Di ba dapat nagawaran na ang mamang ito ng National Artist? Hmmm…. Matalakay nga yan minsan.

Author: slickmaster  | © 2012 september twenty-eight productions

Monday, 9 July 2012

TAPOS NA ANG PBB TEENS… E ANO NGAYON?

At isang kontrobersiyal na palabas na naman ang natapos na ang pagsasahimpapawid sa Channel 2. Sa sobrang kontrobersyal nito, laging laman ito ng mga usapan ke sa barkada man o sa mga social networking sites. Sobrang uso nito, mga pare’t mare, ha? Ang ultimo mga quotes na patama sa pag-ibig at kahit sa mga obvious na istilo ng mga linya ng isang kilalang komedyante e, laging naiuugnay ang palabas na ito (HUG MO KO. HUG MO KO…). At yan ay ang Pinoy Big Brother Teen Edition 4.


Ok, so tapos na ang palabas na PBB TEENS… E ANO NAMAN NGAYON?


Ewan ko. Hindi naman ako masugid na tagapanood ng mga ganyang palabas e. Minsan ko lang siya naabutan sa TV pero nung nalalaman ko ang mag eksena nung gabing iyun e walang pagdadalawang isip na pinatay ko na lang ang TV at napabuntung-hininga. “Ba? Ang sa lagay ba e ganun na lang ba talaga ang mga bata sa paligid ko? Hmmmm…”


Not necessarily naman siguro. Alalahanin mo, na hindi porket karamihan sa mga kabataan sa loob ng bahay ni Kuya ay mga tila malalandi na, e ganun na ang imahe ng Kabataang Pilipino as a whole. Ang sakit kaya nun no?


Pero ang siste kasi dyan e, ang lakas ng kapangyarihan ng media. Napakatindi ang kaya nitong ilahad sa mga mamamayan. Kung sa slogan ng palabas ay “ito ang teleserye ng totoong buhay…” hmmm. Ewan ko lang. at kung ito man ay sumasalamin sa buhay ng kabataang Pinoy ngayon…. Hmmmm…. Sabagay, kung anuman din kasi ang nakikita natin sa PBB Teens na yan e ganyan din ang nakikita sa mga parke’t mall, lalo na kung pagkatapos ng klase. kaya din a rin kataka-taka para sa akin.


At maraming naalibadbaran kasi kung sino pa ang mga nakikitaan daw ng tunay na potensyal na dapat maging big winner ng nasabing palabas e yun pa daw ang naalis at kung nakakarating ng big night e hindi rin deserving ang posisyon niya. Hindi na bago ang ganitong klaseng senaryo. Kung gusto mo ng pinaka-konkretong halimbawa, e kundi ang HALALAN o ELEKSYON sa lugar ninyo. Ang mga tulad ng PBB na dinidiktahan ng taumbayan kung sino ang mananatili at sino ang aalis ay maihahalintulad sa pagboto natin kung sino sa ating mga dyeskeng pulitiko ang iluluklok natin sa pwestong ninanais. Ngayon, magreklamo ka lang kung bumoto ka talaga. Baka diyan pwede ko pang maintindihan kung bakit ang bitter mo pa rin. At kung di ka naman bumoto at maglulupasay ka dyan sa mga pangyayari, e sorry ka na lang pero wala kang karapatan na magreklamo sa malamang.


Pero sa kabilang banda kasi, may pagaka-pera-perahan ang ganitong usapan e. Siyempre, kung sino ang malakas sa tuambayan, siya din ang iboboto. Siya ang sikat e. Siya ang pinag-uusapan. Siya ang may malakas na hatak. Siya ang may maraming friends sa outside world. Kung kaya ng iba na magwaldas ng limpak-limpak na salapi para lang magpaload at bumoto sa housemate na trip nila sa PBB (ke save man yan or eviction), well gagawin talaga nila yan. Money talk. It’s business. The more na maraming text votes or iba pang paraang para makaboto, e talaga tatabo sa kita ang palabas na iyun.


Pero anak ng pating naman oh, bakit nga ba kontrobersyal ang palatuntunang PBB Teens? E hindi naman na bago ito sa ating sirkulasyon? Ang dami kayang mga nagsulputang mga tao at balita mula nung una itong sumahimpapapwid sa Pilipinas halos 1 dekada na ang lumipas?


Dahil nga sa tinatawag nilang “kalandian” daw na nauuso dun. Kung ano pa man ang ibang dahilan… EWAN KO.


Isa lang masasabi ko. Nanalo na si Myrtle dyan, ang tinaguriang cosplayer ng Iloilo (tama ba?), isa sa mga taong laging laman ng news feed ko sa Facebook sa kada araw na nagtse-check ako nito. Isama mo na dyan ang ibang housemates na si Karen, Kit, at… hindi ko na kilala yung iba. Bahala sila dyan. Haha.


Kung hindi mo gusto ang nanalo, ayos lang magpaka-ampalaya ka… YAN AY KUNG BUMOTO KA TALAGA.


Pero para sa mga tulad ko na hindi naman trip ang Pinoy Big Brother Teen Edition 4, wala na akong pakialam dyan pagkatapos kong ilahad ang mga ito. At ang mga sobrang emosyonal na bitter dyan sa mga resulta ng naturang palabas…. Uso kaya ang pagmu-move on. Try mo! Hindi yung bibira ka pa ng luto. Para ka namang tanga niyan e.


TAMA NA ANG PANONOOD NIYAN, MGA BATA.... AT MAG-ARAL NA KAYO.



Author: slickmaster
Date: 07/10/2012
Time: 12:14 p.m.
© 2012 september twenty-eight productions.